Tatlong taon na pero hindi pa rin ako marunong mag-alaga ng mga halaman.
Anim na taon na si Rooboi ngayon. Kakatapos niya lang sa Kinder at ang mga susunod na linggo ay gugugulin naman namin para maghanda sa kung saan na naman siya mapapadpad para sa elementarya. Kabado ako, oo. Puro kami babaeng magkakapatid, kaya nitong anim na taon hindi ko pa rin magamay kung paano magpalaki ng lalaki. Ayoko siyang matakot sa mga emosyon niya, pero madalas, dahil hindi pa niya kayang intindihin ang mga nararamdaman niya ay lumalabas lahat ito ng pasabog. Parati ay nagiging bata siya: magulo, panay talon, panay tanong ng bakit, panay demand ng bakit hindi pwede. Madalas, kahit anong sikap ko, nauubos ang pasensya, nauubos ang enerhiya. Minsan napapataas na ang boses, pero hangga't kaya ay pinipilit na hindi umabot sa ganoon.
Anim na taon na pero hindi pa rin ako marunong maging magulang.
Dala na rin siguro ng pandemya, na noong pagka-ahon ay naging oras naman para asikasuhin ang pag-aaral ng bata, kaya ang madalas na museo na napupuntahan ko ay ang Vargas. Nagawi sa National Museum of Natural History ng isang beses na kinagiliw naman ng kasama ko. Nakakalula para sa kanya ang naka-display na replika ng malaking panga ng pating at ni Lolong. Ikinatuwa niya ang dami ng klase ng alimango na nakita, na lahat para sa kanya ay masarap kung iluluto.
2019 pa ang huli kong punta ng gig. Tinatamaan ang kalamnan ko ng paghigpit tuwing Martes ng gabi dahil alam ng sistema ko na ang mga gig kung saan madadapa ka sa bandang potensyal na pakikinggan mo sa loob ng susunod na apat na araw ay tumutugtog sa Mow's tuwing Martes. Nararamdaman din ng aking mga talampakan kapag tumutugtog ang Muni-Muni sa Jess & Pat's, o ng aking mga daliri kung nakasalang si Gary Granada sa 70's Bistro. Tuwing linggo ng umaga nagpe-play ako ng mga bidyo sa Youtube ng mga gig, nagkakape sa saliw ng boses ng mga taong nakikikanta sa Parokya ni Edgar.
2026 na - hindi ko pa rin alam kung paanong hindi malunod sa dagundong ng drums na pumipitik pa rin sa aking tainga kahit nakaupo lang ako at naga-almusal sa mesa.
Kaya sa mga gabing hinahatak ako ng panglaw para sa aking kinagisnang mga gawin noon, umuupo ako sa patio, pa-sikretong nagsisindi ng yosi at tumitingin sa mga bituin. Malaking bagay yung may patio kami na pwede kong tambayan at nagpapaalala sa akin na hindi naman lumilipas ang ikaw na nasa nakaraan - na madalas nadadagdagan lamang ng mga bagong tao, bagong mundo; na minsan nakakalakhan mo lang ang ilang bagay pero maaari mong bisitahin upang ipaalala sa sarili mo na nandito ka pa rin, hindi ka nawala.
Hindi ka kailanman mawawala.
Nandyan kang parang buwan na aasahan na darating kapag gabi. Mamatay man ang mga halaman, lumaki man ang anak mo, magbago man ang paraan mo ng pakikinig ng musika, o kahit hindi ka na makaupo sa harap ng isang painting ng kalahating oras dahil may bata kang kailangang sunduin sa eskwelahan.
Nandyan ka pa rin.
Sa maliliit na pagkakataon.
Tulad ngayon, walang tsinelas sa maabong patio, may katabing beer at patagong humihithit ng yosi.