Martes, Disyembre 6, 2011

Happy times!



Di ko naman inasahang may sasama sa trip ko eh, lalo na't maliit na bagay lamang ito at mukhang di makakapagpabago ng mundo ng bigtime. Nakakatuwa lang talaga na naging masaya, na naging makabuluhan, at mas lalo akong naniwalang may mga totoong tao pala sa blogosperyo (di pala sila kathang-isip ng imahinasyon ko bilang mga karakter sa kanilang mga kwento).


Kung may standards sa kung ano ang tama at mali sa pagba-blog, di ko na lang siguro sasabihing blogger ako.
Mas paninindigan ko yung ordinaryong tao lang ako na nagsusulat ng kabalastugan sa blogosperyo.

Salamat sa effort, sa tawanan, sa saya, sa hawian ng kanin at batuhan ng daing, sa wagas na pagsasabi ng Seafood Island na wala na daw alak, sa ngiti nila Mamang Sorbetero, at sa pagiging tao niyo.

Apir! :)


MAHA, MAGPARAMDAM KA!

Lunes, Oktubre 3, 2011

Lihim kong sulat sa'yo




Sa'yo,

Hindi mo alam kung ilang beses na sa loob ng halos limang taon ako napatingin sa parehong tanawin, sa parehong langit, na may parehong mga bugtong sa isipan. Sa mga pagkakataong napapamuni-muni ako, nakakatawa na lamang kung bakit hanggang ngayon, hindi ko pa rin masagot ang mga tanong na
bakit ba mahal pa rin kita?
bakit hanggang ngayon, di ko pa din magawang lumakad palayo sa iyo na di bumibigat ang kalooban? 
bakit hanggang ngayon, di pa rin kita magawang iwan? 
Iyong iwan talaga, iyong tipong magagawa kong burahin ang ating mga alaala mula sa aking isipan na kasing-dali ng pagbubura ng text messages sa cellphone.

Hindi mo alam kung gaano kita kamahal, kung gaanong ang mundo ko ay umiikot sa iyo, kung paanong ang kinabukasan ko ay naka-angkla sa atin, sa iyo.
Hindi mo alam kung ano ang mga ibinuwis ko magtagal lamang tayo, kung paano ko hinamak ang lahat na maaari kong isakripisyo para di ka lamang umalis.
Hindi mo alam kung gaano ko ka-gustong lubayan na 'to, lubayan na tayo, at hindi mo din alam ang impyernong pinagdaraanan ko tuwing "inuuto" mo akong wag nang lumayo.
Kahit ilang beses ko nang sinasabi sa iyo, hindi mo alam kung ilang beses sa ilang taon mo na ako pinatay, at ilang beses sa loob ng relasyong ito pinilit kong tumayo at ipagpatuloy ang buhay ---  ang buhay na ginugugol sa pagmamahal sa'yo simula't sapul tuwing umaga akong gigising sa liwanag ng araw.
Hindi mo alam ang pakiramdam na sa tuwing ako'y didilat, mukha mo ang unang maiisip at pangalan mo ang unang namumutawing bulong mula sa aking mga labi.

Bata pa ako noon, pero sa loob ng ilang taon ay tumanda ako kakaisip sa atin, sa iyo, tumanda akong natututo, at ika'y naiiwan sa ugaling taglay mo mula pa noong una.
Hindi kita sinisi noong ika'y nagpakasasa. 
Alam kong ako'y parte ng naging problema. Tinanggap kong sa ati'y may kulang, at noong mga panahong iyo'y wala akong kapasidad na punan ito kaya di na ako nagdrama.

Hindi kailanman ako naging perpekto, at hangga't sa kaya ko'y pinipilit kong intindihin kapag ika'y "nagkakamali" o "nakakalimot". Ilang beses kitang tinatanong kung ano ba ang kulang, ano pa ba ang iyong kailangan, at alam mong sa ating mga pinagdadaanan, tanging ang iyong sagot dapat ang magiging gamot. Gamot sa nababangag kong puso nang mawala na ang ke-gagandang mga asungot.

Napipinid ang luha, pero kapag ito'y aawas na, kelangan na nitong kumawala. At ayokong dumating muli sa puntong kapag tinanong kitang, "Ano nanaman ba ang problema?" ay makakarinig ako ng isang madaling "BASTA..." o "Wala.."
Putangina, sino ba ang hindi magdududa? Di ako bobo pero pagdating sa'yo at sa lahat ng pagkukulang ko kuno, ako ang pinakamalaking tanga. Kung sasagot ka ng maayos, hala, eh di ito'y tapos na at kung anumang meron ay mareresolba.

Babae ako. 
Lalake ka. 
Ngunit di sapat na dahilan ang pagkakaibang iyon para hindi mo ako mahalin sa paraang mahal kita, para hindi mo ko mahalin sa paraang gusto ko, para idahilan mong iba ka at iba ako. Nagawa na natin 'to, nagawa na nating lusutan ang lahat ng kagaguhang idinulot mo, at sa bawat isang iyon, ikaw ang parating sumusuko at ako'y naiiwang ipinaglalaban ang pagmamahalang naniniwala akong meron tayo. Pre, alam kong alam mong bumabalik pa din tayo sa isa't isa kahit anong klaseng pagtataboy mo sa akin palayo.

Mahal na mahal kita. At kung alam mo ang mga bagay na ito na hindi ko ginustong isumbat sa iyo ng harapan, sana'y maisip mo na kailangan mo nang matutunang matauhan at makitang sa lahat ng taong nasa mundo mo, ako ang nanatiling nasa tabi mo habang ang lahat ay ika'y ipinagkakalulo.



Putangina mo, mahal na mahal kita, gago.

Mula sa akin.

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Mamasa-masa


Namulat siya isang araw na may kung anong kaba sa dibdib. Agad agad na bumangon, nag-almusal, naligo, nagsipilyo at lumabas ng bahay.
Nang pagkalabas ng gate at pagkatungtong sa sidewalk, huminga siya ng malalim, napapikit ng ilang segundo at muling humugot ng isa pang buntong-hininga.
Nagsimula syang maglakad patunga sa kanto. Matiim niyang tinitigan ang bintana ng kapitbahay kung saan niya natatanaw na naga-almusal ang mag-asawang bagong kasal. Nakaramdam siya ng kakaibang kurot sa puso. Dire-diretso pa siyang naglakad at nakasalubong si Manang Divina na naka-uniporme, ang babaeng pulis. Ngumiti sa kanya. Nginitian niya din. Muli, kirot sa dibdib.
Nang nakasakay na sa jeep ay di maalis ang pagpapalit-palit ng kanyang tingin sa babaeng halatang teller ng isang malaking bangko at sa isa pang naka-uniporme na pang-guro.
Ayos. Kirot sa dibdib.
Pagkatapos ng mala-praning niyang pagtitig sa lahat ng kanyang nakakasalubong ay umabot din siya sa LRT. Doo'y napasalampak sa pagkaka-upo.
Anong balak kong gawin sa buhay ko?

Ordinaryong umaga. Maalinsangan. Tagaktak ang pawis ng mga batang nakapalumpon sa paligid niya. Ayaw na niyang isipin ano pang itsura niya. Sa harap ng mga bata ng Escopa, siya siya. Nananatiling bata kahit ano pang edad.
Umalingasaw ang baho mula sa katabi nilang creek.
"Ate, mayaman ka ba?"
Napatingin siya sa batang babae sandali.
"Kase si tatay sabi sa'min wag na daw kaming maghintay ng regalo at panghanda sa Pasko. Mahirap lang daw kami, wala daw siyang pambili," pangusong dugtong ng ineng.
Sinabihan muna niya ang mga nakatatandang kabataan na mauna na sa basketball court ng barangay, at nang maiwan na silang dalawa'y hinila niya ang bata palapit sa kanya.
"Ilang beses kayong nakakakain sa isang araw?"
"Tatlo. Minsan asin o toyo lang ulam namin. Mahirap lang kami. Ikaw ate, mayaman ka noh?"
"Tatlong beses din kami kumain sa isang araw. Kahit anong ulam. Lahat ng nakakakain ng tatlong beses isang araw, hindi mahirap. Walang mahirap, maliban na lamang kung wala talaga kayong makain."
Napatingin sa kanya ang bata. "Eh wala kaming Pasko. Paano yon?"
"Anong mas mahalaga? Ang makakain araw araw o ang regalo at handa sa Pasko?"
Matagal na napahinto ang bata. Nang sa tingin niya'y naintindihan na siya ng bata ay hinila niya ang kamay nito at inakay patungo sa basketball court.
"GAME!", sigaw niya. "Patintero! Sino sasali?"
Nagsimula nang maghagikgikan ang mga bata. Mataya-taya.
Pero isa lamang ang nagpangiti sa kanya nang araw na iyon: ang mamasa-masang halik ng batang babae nang siya ay nagpaalam.

Maulan na hapon nang datnan niya ang trak ng MMDA sa bangketa malapit sa kanila. Nakita niyang madaliang inilalagay ni Aling Selma ang mga panindang gulay sa bayong na akay-akay. Kung kelan siya bibili ng ilang pirasong baguio beans na mangangata, tsaka pa nagkaroon ng ganitong eksena.
Nanaog ang mga naka-asul na mama mula sa trak. Nagsimula ang mga ito na kunin ang mga paninda ng mga tindero/tindera sa bangketa. Nakita niya si Aling Selma na pumalag nang dalawang mamang naka-asul ang humila sa bayong nito.
Na-stuck-up siya.
Galaw... Galaw...
Humugot si Aling Selma ng patola mula sa kanyang bayong at pinagpapalo ang mga lalakeng di binibitawan ang kanyang bayong.
Tangina, galaw. Tutunganga ka nalang?
Napakuyom ang kanyang kamay.
Nagsimulang umalingawngaw sa kanyang utak ang pagmumura ng mga mamang naka-asul at ang pagsagot ng mga magtitinda.
Unti-unti'y nagdilim ang kanyang paningin, at humakbang ng kusa ang kanyang mga paa.
"Putangina, tanda, akin na nga ang benta!"
"Boss, wag naman ganyan! Walang pangkain ang mga apo ko mamaya!"
"Pinapakumpiska nga ang mga basura nyo eh! Alam niyo namang nanghuhuli, nandito pa din kayo!"
Nangamoy ang langsa.. Wala pang segundo'y naramdaman niyang namamasa ang laylayan ng kanyang pantalon.
"Boss, wag naman!!", sigaw ni Aling Selma.
Langsa. Basa. Pagmamakaawa.
Nagliwanag ang kanyang paningin at natagpuan niya ang kanyang sariling isang dipa na lamang mula sa tatlo na ngayong mamang naka-asul na pinagkakaisahan si Aling Selma.
Uwi na. Bilis.
Sabay talikod, at matulin na naglakad palayo sa gulo.
Langsa. Amoy pa din niya ang langsa kahit gaano na siya kalayo.



Alas dyes ng gabi nang maalimpungatan siya gawa ng bulungan sa labas ng kanyang kwarto. Nagtakip ng tenga, nagtalukbong ng kumot. Pinilit niyang bumalik sa kawalan nang makapagpahinga... Pinilit, kaso...
"Wala ka nang aasahan diyan. Nagsasayang lang ng oras ang batang yan. Di na nga bata yan eh, ganyan pa din!"
"Ewan ko ba dyan. Hayaan mo sya nang malaman nyang walang patutunguhan ang buhay nya."
Buntong-hiniga.
Dadi Lord, ginusto mo bang marinig ko to? Alam ko hindi eh, kaya tama na, pwede? Changgala, patulugin mo ako.
"Ma, kakaen pa ba yan si ate?"
"Iwanan mo lang dyan ng pagkaen. Dapat nga di na pinapakaen yan eh."
"Nakikini-kinita ko, wala talagang kalalagyan yang ate mo. Walang mararating."
Sapul.
Balikwas paupo. Napagawi ang tingin sa door knob, at nang ito'y nakitang naka-lock, napasabi na lamang siya ng, "Putaena niyo, itaga niyo sa bato!"
Dagdag pa ang boses ng nanay niya, "Pag tumagal at wala pa din yang kwenta, let her be. Wala nang nagawang mabuti. Wala nang nagawang tama."
Tumayo siya. Pumunta sa kabinet, binuksan ito at kinapa sa may likuran.
Isang kaha ng yosi para sa isang gabing page-emote.
Nang siya'y nakasindi na at napaupo sa sahig sa paanan ng kanyang kama, nagsimula nanaman ang pagwawari-wari.
Lahat nalang mali.
Sabay tingin ng masama sa sangkatutak na medalya at sertipiko sa pader.
Lahat nalang kulang.
Puff. Malalim. Nagnanais na pakalmahin ang nagma-marathon na pulso.
Kaya kahit kelan di ko sinabing matalino ako kase parati akong pinakabobo sa pamilyang 'to. Kahit anong gawin ko. Kahit ano. One day you're all gonna swallow what you said about me. NOTED. One day, I'll call you up and shout at you guys to say I've passed the Bar with you expecting me not to!
At nang nilapit niya ang kanyang yosi sa bibig, naramdaman niya na nabasa ang kanyang daliri.
Luha. At sakit.
Sarap.



Its what keeps her alive.

Linggo, Agosto 7, 2011

Gusto Ko ng Kape Galing sa Vendo Machine




“Oist, naalala ko nung nakita kitang nakaupo sa ilalim ng ulan!”



“Aaarghh, those were the days. Wag mo na ipaalala. Sabihin na nating naglaho na yung taong naaalala mo.”



“Siraulo…. Ikaw yun eh. Ikaw na ikaw. Kutusan kaya kita. Sa ganoon ka namin nakilala. Tahimik ka lang naman talaga, tas pag badtrip ka, dun ka lang namin maririnig na nag-iingay kase pumupunta ka sa likuran tas dire-diretsong mura na ang sinasabi mo, hahahaha.”



“Kaya nga wag na. Enough. I was immature. I was stupid. I was self-centered. I was everything a kid with exploding angst was. Tae (sabay malalim na puff sa yosi).”



“You never changed. Wag kang epal.”



“I did. Di mo lang halata. Di mo lang nakikita. Ang panget kase sa inyong mga bestfriends, parati nyong pinamumuka yung vulnerabilities ng isang tao. Napapansin mo yun, pre? When I try to change something or do something different, hala, sasabihin mo hindi ako yun, o di ko kaya.”



“Hindi naman sa ganoon… Ayoko lang na nawawala yung identity mo. Yan ka eh. Wag na tayong magkupalan na gagawa ka ng paraan para magbago ka.”


“O sige, for your arguments sake, I am still immature. Still stupid. Still self-centered. Still that kid with exploding angst PLUS exploding hormones. I tried working my ass off for other people dahil pakiramdam ko yun lang yung paraan para masabi kong may kwenta ako. I started trying to reconcile with my past but I still end up feeling sorry for myself. Ayan, masaya ka na? Masaya ka na na malamang I’m still that shit na sumubok lumayo sa anino mo para buuin pagkatao ko?”



“O, eh ba’t nagagalit ka na? Tsaka ba’t parang pang drama-serye yang dialogue mo?”



“-----”



“Anong nangyari sayo nung umiwas ka na saken?”



“Sumaya buhay ko. I laughed a lot. Parati kong ginagawa yung kung ano yung matripan ko na walang umaangal, na no one looks at me with those eyes na parang naaawa. Naging ako ako nung wala ka.”



“Ikaw ikaw pag andito ako. Tanggapin mo na, ulul.”



“Bestfriend lang kita. Di kita konsensya. Di magkadugtong pusod natin. Di kita kalahati. Wag kang feeler.”



“Harsh mo.”



“Matagal na.”



“Mas sumama ka.”



“Natuto akong lumaban kesa umiyak. Natuto akong panindigan yung sinasabi ko kahit kelangan ko lumamon ng putik. Yung mga ganon.”



“Literal?”



“Gago.”



“Ahahahaha. Eh sa bahay?”



“Eeeergh. Ibang usapan na yan.”



“O diba, ikaw pa din yan, same as you were four years ago.”



“……………….”



“Ano lang kita?”



“Bestfriend.”



“Sure kang kilala mo ko?”



“Oo.”



“Kung kilala mo ‘ko, dapat alam mong kaya di kita pinansin nang ganoon katagal dahil hindi kita kelangan.”



“Ansaket na nyan ah.”



“Pre, sorry ah, pero you are a part of my past na ayoko nang binabalikan. Tapos na. Ako na yun, wala na akong mababago. Hayskul pa ako noon. Bente anyos na ako ngayon. Let me be…”



“Grabe ka…”



“GRABE KA. Kinulong mo 'ko sa kahon noon. Yung taong pinipilit mong ako eh yung taong you made out of me. Di mo ko tinulungan umalis sa lunggang yon. Di mo ko tinuruan na mas maging maayos na tao. It took me years to figure that out - na ginusto mong maging ganoon lang ako para manatili akong dependent sayo. GRABE KA.




Ikaw ang aalis this time, o ako nanaman ulet?”



“Bakit ba kase kelanga-----“



“Bye, BESTFRIEND.”

Biyernes, Hulyo 29, 2011

Luha. Ulan. Ikaw. Ako. Wala.

Image result for rain tumblr

Kung sakaling ang mga alaala

Ay unti-unting dadausdos

Na tila ulan,

Na manaka-naka'y babaha

Sa taong ako,

Ako kaya'y ililigtas mo?



Hihilain mo ba ako mula

Sa putik ng iyong mga

Anino

Na walang humpay na

Mananatiling pumipintig,

Buhay,

Sa mga gabi ko?


Anupama't ika'y magsisilbing

Balirala at tula

Ng tangang akong minsan

Ay umibig sa'yo:

Baliralang mula pang sinauna,

Tulang di ko alam ang tema.




Kung sakaling ang mga alaala

Ay unti-unting dadausdos na tila ulan

Na babaha sa taong ako,


Makakaligtaan ko pa bang


Nakalimutan mong ibigin ako?



Biyernes, Hunyo 10, 2011

KAMALAYANG-MALAYA 2: Daloy-diwa

KM2: Hiyaw Mula sa Commonwealth Ave.

Umaalingawngaw ang kanyang sigaw. Ito ang daloy ng buhay.


Araw araw, ang aking pandinig ay pinupuno ng sangkatutak na busina mula sa iba’t ibang pampaseherong sasakyan. Hindi rin magpapahuli ang mga pribadong kotse na lulan ay mga maharlika na patungong Batasan. Napapagod ang aking mga mata kakatanaw sa mukha ng mga nagdaraan kung saan mababanaag ang dinaranas nilang kagaguhan. At ang lasa…ang lasa ng Commonwealth Ave……. Ang lasa na paulit-ulit kong babalikan at di pagsasawaan. Mabubuhay akong ganito, nakaupo sa bangketa, may sipat na plastik ng rugby.

O, tangina mo, ano tinitingin-tingin mo? Wag kang magmalinis, tarantado! Di ka rin naman banal, parehas lang naman tayo! Eh gago pala kayo, ano ako, dikya na nilalayuan ninyo? ‘Ina niyo!

Punong-puno ako ng panibugho sa inyo! Hindi ako tulad n’yo na ang adhika ay umangat at maging maruwag sa buhay. Nais ko lamang ay mapag-isa ang tagpi-tagping pagkahumaling ko sa karimlan.

Eh tarantado ka pala eh! Sino nagsabi sayo’ng may iba pang solusyon? Wala! Para sa isang tulad ko na barya lamang ang nasa bulsa at tanging kalsada ang kublihan, may maaasahan ba akong kalutasan? Putangina, alam mo ba ang pakiramdam na sa umaga ay gigisingin ka ng halinghing ng ‘yong nanay na nakikipagkantutan sa asawa ng kapitbahay? Eh naranasan mo nang magpakabusog sa alikabok para lamang mabuhay? Ang tatay ko ay tanging nangangalakal, lumalabas na ang kuyukot niya kakapulot ng yamutmot sa daan. Manananggal ako sa gabi dahil naghahanap ako ng baklang matsu-tsupa para sa hithitan. Ganoon ang buhay ko. At ang buhay ko, paraiso ng hangal, paraiso sa mga kagaya kong isinilang at lumaki sa Commonwealth Ave.

Ah, tong peklat sa mukha ko? Nakipag-bangasang-nguso ako sa may kanto. Wala yan sa peklat ng pagkatao ko, ‘tsong. Ang pagkalam ng sikmura’y masasagot lamang ng isang hugot ng malalim na paghinga mula sa supot. Luwalhati…. Luwalhati…. Sa kalauna’y ako ang magiging hari.

Tuwing sinusundan ako ng alingawngaw ng kahirapan, nananatili ako sa yungib ng pagkaalipin sa rugby. Tangina, pag ito ang hawak ko, tanggal lahat ng lugami! Kahit nangangalumata at hubog, oo, luwalhati.

Ito ang pulot-pukyutan ng tulad kong hangal.

At ako si Boy Jorge ng Commonwealth Ave..




MAKIISA, MAKI-"KAMALAYANG MALAYA"! Bow.



Huwebes, Mayo 19, 2011

Apat na Taon sa Kama



Isang hithit. Isang buga. At ang usok na namasyal sa aking baga ay humalo sa hangin, humalo sa usok ng siyudad. Humalo sa usok ng baho ng ibang tao.

Kadiri.

Ang biglaang pagsulpot ng ideyang iyo'y gumulat sa akin at nagpabulong ng, "Bobo, tao ka din kaya".

Sa katangahan ng sitwasyon, napangiti na lamang ako. Dumako ang aking kaliwang palad sa aking dibdib, hinuhugot ang kapirasong kumot na binalot ko sa aking sarili.

Alas-otso. Pasimula pa lang ang buhay ng aking mga kaibigan sa oras na ito. Buhay na gugugulin nila kakainom at kakasayaw sa gabi. Isa pang ngiti. Hindi naman sila mga pokpok, sadyang sila lang talaga ang "kabataan".

Tangina, kabataan.

Madilim ang langit, malamig ang hangin. At malakas ang ulan.

Hindi ako namimilipit dahil sa biglaang paghampas ng simoy ng bugsong hangin sa akin. Namimilipit ako sa biglaang pagsunggab sa akin ng mga alaala.

Ng mga parehong madidilim na gabi na nakakulong tayo sa iyong kwarto. Ng mga parehong pagkakataon na ang malamig kong hubong katawan ay pinapainit mo ng pagpapadaan ng iyong mga palad. Ng mga parehong oras kung kelan hindi paparis ang lakas ng ulan sa rurok ng pinag-isang libog at emosyon.

Napapikit ako sa pag-agos ng ala-ala. Napakuyom ang aking palad at nagsimulang manginig ang dalawang daliring kumakapit sa sigarilyo.

Naalala ko ang dampi ng iyong balat sa akin. Siguro nga'y hindi sinadya ng Diyos na maadik ako sa mainit na pagtatampisaw natin sa dilim. Hindi Niya siguro ninais na matameme ako tuwing maiisip ang paglalakbay ng aking mga daliri mula sa iyong mukha, leeg, balikat, pababa sa iyong dibdib kung saan ko nararamdamang pumipintig ang iyong puso sa saliw ng musikang nililikha natin.

Napapangiti ako sa pag-alala ng mga panahong hawak kita sa aking mga palad, minamahal sa pakikiramdam, habang hinahagod ko ang kahabaan mo. Mananatili akong mapapangiti sa memorya ng paglalaro ng apoy sa iyong mga mata.

Puta, hindi nga siguro ako dapat tumatambay dito sa terasa 18 palapag mula sa lupa. Iba ang hangin. Iba ang dala sa aking isip.

Tumatawa tayo dati sa ating biro na bawat galaw ng palad, bawat dampi ng labi at dila at bawat pag-iisa nati'y liriko sa isang panalangin sa Diyos ko na pinagtatabuyan mo. Nangingiti na lamang tayo sa bawat paghila natin sa isa't isa na may mga mala-demonyong kislap sa mga mata.

Isang hithit. Isang buga. Kasabay ang pagpikit at isang ngiti ng pag-alala sa bawat pagdaan ng iyong dila sa aking kaibuturan, sa bawat matiim na pagsipsip sa aking labi, at sa iyong bawat pagbulong na aalila sa akin sa mga susunod na gabi. Kapag ganoo'y alam na natin kung anong klaseng laro ang ating kahahantungan. Pagkatapos ng ilang sandali, o oras, makikipag-pustahan ako na nasa loob na kita. Pumupuno sa kaibuturan kong blangko.

Pumupuno sa pagkatao ko.

Pagmulat ng aking mga mata'y sumabay ang kidlat sa pagdaan. Kanina... Tangina, iba ka na naman kanina..
Pagkatapos ng ilang oras nating pagkagupo sa kama, umupo ka sa sahig, sumandal sa pader at nagsindi ng isang stick ng yosi. Tumulala. Noon palang, alam ko na.


May mali.


Kaya't ako'y tumayo, nagsindi ng yosi, umupo sa harap mo at sumandal sa kabilang pader. Tinitigan kita


at binalik mo ang matiim kong tingin.


Wala sa hulog ang paghalik mo sa akin kanina. Bihira. Hindi katulad ng dati na may pinaghuhugutan. Tumatama ang ating mga labi, ngunit naramdaman kong hindi nagtatama ang agos ng emosyon na dapat ay pareho nating kinatutungtungan. Ramdam ko ang pagiging balisa ng iyong mga kilos na hindi dapat scripted.


Nanatili tayong nakaupo, nakatitig sa isa’t isa habang dahan-dahang naglalakbay ang utak ko pabalik sa nakalipas. Nakalipas na apat na taon nating pinagsaluhan. Nakalipas na pinuno natin ng mga eksenang pagro-romansahan.


Iilan lamang ang mga pagkakataong umaakto ka ng ganyan, nagpapaka-sasa sa akin ngunit hindi nakukubli. Tandang-tanda ko ang sakit na paulit-ulit na papatay sa akin nang minsan kong marinig ang pagsambit mo ilang taon na ang nakalilipas.


At sa oras na iyong nagkakatitigan tayo, nakita kong nagiging malamlam ang iyong mga mata.


Mahal mo nga ako. Mahal mo pa din ako. Sa kabila ng mga kagaguhan mo. Sa kabila ng pagiging mala-impyerno ng relasyong ito.


Mahal mo pa ako. Doon, ako’y sigurado.


Naging marahan ang iyong paghaplos kanina, haplos na tila ba gumagawa ng tanong sa aking utak:


Mapapatawad mo ba ako? Muli?


Tangina, o paranoid lang talaga ako?


Nanatili akong nagmamahal, nagpapahalaga sa’yo sa loob ng mahabang panahon.


Nanatili akong tapat at totoo. Nanatili akong walang ibang ginusto kundi ikaw


Ikaw at ang iyong mga halik,


Mga hawak,


Ikaw at ang iyong mapanuksong paglalahad ng palad DOON.

Nahuli ang aking atensyon ng iyong tahimik na paglapit. Nasa likod na pala kita. Napa-buntong hininga ako nang inabutan mo ako ng yosi. Takot akong tumingin sa’yo dahil alam kong makikilala mo ang makikita mo sa mukha ko.

Pagkatapos ng isang buong araw kong pagpapantasya ng isang buong buhay kasama ka na walang ginawa kundi magpa-ligaya ng isa’t isa. Pagkatapos ng ilang buwan kong pag-aakalang hindi na mauulit pa. Pagkatapos ng ilang taon kong pagtitiwala. Heto. Heto at sasabog nanaman din pala ako.

Iniangat ko ang aking ulo, sabay napabulong ng,

“Putangina, MAGALING BA SIYA?”.

At nang magtama ang ating paningin,

Nakita ko mismo na nawala ang ningas ng apoy na nilikha natin.


Lunes, Abril 25, 2011

Hinahanap mo ako?




Ako ay nasa hangin na iyong hinihinga,

Nasa araw na sa iyo'y tumutunaw,

Nasa iyong bawat bunot ng buntong-hininga,

Nasa tubig na pumapawi ng iyong uhaw.

Wag mo na aking hanapin o subukang tanawin,

Dahil ako'y nasa tabi-tabi mo lang din.

Sabado, Marso 5, 2011

Ibaon Mo Ako sa Lupa

Image result for suffer tumblr


at hahayaan kong umagos ang pagdusa...

Harinawa'y tumigil na sa pag-akusa
Ang mga anghel at si Bathala;
Ako na ngayo'y nag-iisa
Dahil wala
ka
na.

at hahayaang umagos ang pagdusa...

Ikaw ang buhay at pulsong pinipintig
Ng pusong itong lubos na umiibig
At sa espiritu'y anumang kahig
Mananatili
kang aking
hilig.

at hahayaan kong umagos ang pagdusa...

Dahil hindi lamang sa haplos sa katawan
Nararamdaman ang aking kawalan.
Naririnig mo sa katahimikan
Ultimong
bulong ng
kalungkutan.

Ipinid mo ako sa dako mo ng mundo
Hilai't sa hangi'y ako'y isuko.

Nararamdaman mo na ba ang kaibahan?
Ang pagkukulang ng kasiyahan?
Ang paghihintay ng katapusan
Ng istoryang ating iniwan?

Hindi lamang sa tao iibig ang tao
Kundi pati sa buhay
na
wala
ako.



at hahayaan kong umagos ang pagdusa...

Lunes, Pebrero 28, 2011

OIST













ipagpaumanhin ang inactivity...











magsusulat na ako, promise.











nakakahiya naman sayo na pabalik-balik dito











at nadadatnang walang laman














ang utak ko.











At sa ngalan ng sining ng pagsulat








at sariling konsensya,








pipiliting buhayin muli ang patay na bukas,








at walang kwentang mga bakas








ng lumipas.









Biyernes, Enero 21, 2011

Hindi ako si Patrick the Starfish



Ang ganda pa naman ng gising ko, Ale. Naligo, nagbihis, kumaen ng paborito kong tocino, nanood ng tagalog na Spongebob.

*buntong-hininga*

Umalis ako ng bahay ng late na, dahil alam kong Biyernes ngayon, at binigyan ko ang sarili ko ng karapatang mag-cutting. Alam mo Ale, di ko naman inaasahan kaseng mababago ko ang mundo sa pagkapasa ko sa pag-aaral. Lalo na kung ang pagliligtas ng mundo ay mangangahulugang ililigtas ko ang mga tulad mo.

Sumakay ako sa jeep. Yohoo. Ang hangin. Tas nakatsamba pa akong makaupo sa dulo, sa tabi ng estribo (Habit ko na yun, baka kase may pumasok na manghoholdap, para masipa ko agad palabas ang pagmumukha nung ganoong kriminal). Andun ka o, nakaupo isang metro mula sa akin na may kalong na maliit na plastik at may katabing batang lalake na tingin ko'y anak mo.

Hay. Ang ganda ng umaga.



"Bayad po. Makikisuyo po." :) Ang sarap maging magalang pagkatapos makanood ng kabobohan ni Patrick. Buti nalang tao ako at hindi starfish, kaya dapat marunong akong gumalang.

GUMALANG.

At ayan, Ale, nung narinig mo ako, lumingon ka saken, tinignan ako mula ulo hanggang paa, tas mula paa hanggang ulo nanaman. Sabay sabing

"Ikaw ang mag-abot. Upo upo ka dyan sa dulo tas magpapaabot ka ng bayad? Kita mong may plastik akong hawak tas kapit ako dito sa bata. Tsaka pababa na ako."

Napalingon tuloy saken pati yung ibang pasahero. Wag ka mag-alala, Ale, di ako nagmake face nung inalis mo na tingin mo saken. Di din kita tinignan ng masama.

Mabuti nalang maganda gising ko. Napatunayan ko yun nung walang umusbong na "PUTANGINA MONG BABOY KA. KAYA SIGURO BADTRIP KA KASE INAYAWAN KA NG ASAWA MO KAGABI. ANTABA MO KASE,  ANG PANGET PA NG UGALI MO" sa utak ko. Napatunayan ko yun nung di ako sumagot sayo ng isang "EH BA'T DYAN KA PALA UMUPO KUNG AYAW MONG MAG-ABOT?"

Yung anak mong batang lalake, tingin ng tingin saken, at nakita ko ang pagtataka niya sa laki ng pagkabilog ng kanyang mga mata. Sigurado akong nagtaka yung anak mo kung anong ginawa kong sobrang sama para pagsalitaan mo ng ganun.

Sabi mo malapit na kayong bumaba, Ale. Limang minuto mula nung sumakay ako, di ka pa pumapara. Napag-alaman kong bababa ka pala isang kanto pa bago ang sarili kong bababaan.

Kaya nung pagkababa mo, lumapit na ako sa drayber, nagbayad. Napatingin saken si Manong with matching "Ang baet mo naman, di ka pumalag" na nagpangiti nalang saken.

Ale, siguro di malaking isyu sayo yun, pero para saken, oo, big deal.

Ang ganda ganda ng umaga ko, babahiran mo ng dungis ng pagkagago mo. Buti at di pumutok pasensya ko.

Kaya ngayon, naisip kong
  • Una, Ale, Pinoy ka ba? Dahil alam ng bawat isang Pinoy na kapag nasa jeep ay mao-obliga kang mag-abot ng mababahong mga barya mula sa mga kamay na kung san san na humawak. Simpleng Filipino courtesy.


  • Pangalawa, naging magalang ako. Ikaw, ano tawag mo sa sarili mo? Anong tawag mo sa ginawa mo?


  • Pangatlo, madadala ako sa isang isang simpleng "Naiinggit ako sa chandelier earrings mo, at dahil sa inggit ko, ayaw kong iabot ang bayad mo", o sa "Bata ka pa, sariwa kumbaga, at ipinamumukha mo saken na matanda na ako at mataba na. kaya iha, ikaw na mag-abot". Tumatanggap ako ng kahit anong dahilan na para saken ay papalo para sa rason. Kaso tinaasan mo ako ng boses, Ale. Sa di malamang dahilan. Isang "Pasensya na, di ko maiaabot eh" could work miracles, Ale.


  • Pangapat, di ko alam ano pinagdadaanan mo. Siguro madami kang kaaway noh? Siguro lubog ka sa utang? Siguro paborito ng anak mo ang fried chicken pero tuwing luto mo'y may dugo padin ang laman? Siguro naubusan ka ng sabong panlaba? O kaya, siguro, Ale, tigang ka na? Kung ano man dahilan mo para subuking babuyin ang umaga ko, wala akong kinalaman dun.



Kahit na. Ang ganda padin ng umaga. Hay.



Dadi Lord, pasensya na kung di ako agad makaget over kay Ale.



Ale, nahiya ako para sa anak mo. Di ko ikukundena ang pagiging tarantado mo dahil mas tarantado pa ako sayo. Nahiya ako para sa bata dahil alam kong sa ugali mo, di mo sya kayang turuan ng kagandahang-asal, o kahit ang basic na PAGGALANG. Ale, kung anuman ang dinadala mo, sana di mo ituloy ang pangiinis ng mga taong makakahalubilo mo ngayong araw. Tsaka siguro, marami kang kapit-bahay na handang sumalang sa Face-to-Face para bara-barahin ka.



Dadi Lord, alam kong maliit ang tsansang mabasa ito ni Ale, pero ganun padin, ipagdadasal kong sa isang pahagip na paraa'y maiparating mo sa kanya


na sa dinami dami ng tao sa mundo,

sa dinami dami ng masama ang loob sa kanya,

yung estrangherong sinungitan, binastos, at pinahiya niya sa jeep

ang di sumagot sa kagaguhan niya, at bagkus

ay inubos ang isang buong magandang umaga

PARA INTINDIHIN SIYA AT ANG MGA PINAGDADAANAN NIYA.



Amen.



P.S.

Ano moral lesson?

Wag magsuot ng chandelier earrings dahil may mga naiinggit.