Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ako at ang kapayapaang kilala ko





"Nagbago daw ako... Ang dami nang nagsasabi."


"Bothered ka?"


"Ang wirdo lang ng pakiramdam... Nagbago nga ba ako?"


"Di naman. Ganyan naman talaga takbo ng utak mo pati ugali mo."


"Mas harsh daw ako. Mas 'di mabait'." Isang kibit balikat. "Their words, not mine."


"Ganun nga. Ganyan ka naman talaga dati pa, mas expressive ka lang ngayon. Mas sinasabi mo na pag may naiisip ka. Basta gusto mo, gagawin mo na. Dati kasi may restrictions ka. Ngayon, pag trip mo, trip mo."


"Does it show? I mean, the change, does it show?"


"Oo. Parang mas mukha ka nang walang pake sa iisipin ng iba. Yung impression naman na kahit may kasama ka o kausap o katawanan tas para kang may sariling mundo, luma na yan. Inborn ata yan."


"Siraulo."


Isang ngiti mula sa kanya.


 "Basta ganun. Pero pag kasama kita bumabait ka naman."


Di na lamang ako umimik. Sadya nga sigurong may mga tipo ng kapayapaan na mahahanap lamang sa iilang lugar, o sa piling ng ilang mga tao. Maiintindihan niya iyon kapag ipinaliwanag ko, pero mas minabuti ko nang hindi na lamang sabihin --- tingin ko'y dama naman niya, at ang pagkukumpirma ay pagpapatotoo lamang na, hanggang ngayon, ang tanging kapayapaang kilala ko ay kahit saang kasama at kausap siya.


"At least ngayon, matapang ka na," bulong niya bago humugot ng isang malalim na hithit sa kanyang yosi, at dahan-dahan itong ibinuga.




Lunes, Agosto 5, 2013

Duyan


Lilipas din yan.


Lilipas din.


Maglalahong tulad ng paglimot sa masasamang alaala, mananatiling anino ng kung ano man ang iyong magiging bukas.


Mawawala din yan.


Lilipas din yan.

Lunes, Hulyo 8, 2013

Ulan at Sexy Time




Isang malaking tasa ng kape ang aking hawak habang nakikinig sa musika na dala ng mga patak ng ulan.


Putangina. Naaalala na naman kita.


At ang pagtapak ng iyong imahe sa aking utak ay nag-udyok sa akin upang tumayo at magpatugtog, na sa lakas ay naramdaman kong sumasabay ang pulso ko sa kimbot ng awitin ni Eli Mardock.

Hindi mo kailanman nagustuhan ang playlist na 'to.

Napangiti ako.

'Di rin, dahil may oras na alam kong naibigan mo ang himig ng Cut Me Open.




Naninigarilyo tayo noon. Hinuhukay mo ang playlist ng music player ko.

"Eli Mardock?"

"Try mong pakinggan yung Cut Me Open. Nagsimula akong maadik sa mga kanta niya noong narinig ko iyan," sabi ko.

Unang nota pa lamang ay tinigil mo na agad. Natawa ako sa iyo noon dahil alam kong sa dami ng pagkakapareho ng hilig natin sa musika, ganoon din karami ang di natin pagkakasundo sa ibang pinakikinggan.

"Saan mo na-discover yon?"

"Eh."

"Game. Try me," hamon mo.

"Soundtrack yung Cut Me Open sa isang porn video na napanood ko," natatawa kong sagot noon.

Tinignan mo ako ng matagal. Dumako ang iyong paningin sa aking mga labi, sa mga daliri kong nakakapit sa sigarilyo, at sa aking mga matang nakikipaglaro sa iyo.

Sumandal ka. Tumitig ka sa akin. Ilang minuto tayong binalot ng katahimikan habang ang aking mga mata'y unti-unti nang tinatanggal ang saplot ng iyong katawang kabisado ko na.

Kabisadong-kabisado.

Tumayo ka noon, dinampot ang mga tasa nating wala nang laman, kinuha mo ang kakarampot na istik ng sigarilyo na sisimutin ko pa sana at itinapon ito palabas ng bintana.

Naaaliw lamang akong nakatingin sa'yo.

Hinawakan mo ang aking kanang kamay at hinila ako patayo.

Tatawa na ako ng malakas noon. Tandang-tanda ko ang pagkaaliw ko sa ikinikilos mo.

Kahit sa lakas ng ulan na kasabay ng pag-alala ko ngayon, naririnig ko pa din ang sambit mo sa akin noon. Ang nag-iisa mong sinabi sa akin ay dinala ng ilang patungo sa kasalukuyan ko:

"Kwarto."

Sa kwarto mo, doon nga tayo nagtungo.

Hindi mo pa nasasara ang pinto'y hinila mo na ako at isinandal sa pader. Nilapat mo ang iyong sarili sa akin habang ang iyong daliri ay tumalunton sa hugis ng aking mukha, sa aking leeg, sa aking balikat.

Nilamon akong buhay ng iyong mga mata. Nilamon akong buhay ng apoy na dala ng nawalang espasyo sa gitna nating dalawa. Nilamon akong buhay ng iyong mga daliri.

Nilamon akong buhay ng aking pulso noon, na bago mo pa man lapatan ng iyong labi'y tumatakbo na ng milya milya't inuubos ang aking hininga.

Hindi ko inalis ang aking tingin sa iyong mga mata nang hugutin ko ang aking player at tuluyang patugtugin ang kantang inihinto mo.

"Maganda nga sabi 'to," bulong ko sa'yo, sabay hila sa iyo patungo sa iyong kama.

At noon, pinuno tayo ng himig na dumaloy sa ating mga katawan at pumuno sa aking isipan.


Na sa tiyempo ng tugtuging naka-repeat, inangkin kita sa paraang alam ko. Hindi magkamayaw ang iyong mga daliri sa pagkapit sa akin. Inangkin ko ang iyong hininga, ang iyong bawat ungol. Akin ang iyong bawat pamimilipit.

Inangkin kita. Akin ka.







Napuno ako ng kakaibang pagka-payapa matapos ang awitin. Kakaibang payapa na dala ng ating mga alaala, ng walang paga-atubili kong pagbibigay ng kahulugan sa sinabi mo noong huli na ako ang iyong "object of lust".

Sadyang may mga init na dala ng ulan. Sadyang may lamig na dala ang pag-alala.








Huwebes, Hulyo 4, 2013

Basura Tayo






"Ano nga yung inorder natin noon?"


"Di ko na maalala," naiinis mong sagot. Pilit kong kinubli ang aking ngiti. Pilit lang din naman ang pagsama mo sa akin -- pilit lang ang pag-oo mo sa pamimilit kong bisitahin nating muli ang restaurant kung saan tayo unang nag-date.


Hindi mo kasi maintindihan yung pangangailangan kong tapusin natin ito kung saan tayo nagsimula. Hindi mo din kasi maintindihan yung pangangailangan kong tapusin natin 'to -- no loose ends, no arguments, no getting-back-together-again peg.


"Napaka-madrama mo talaga."


"Anim na taon din yun, pre. Six fuckin years with you," nakangiti kong sabi. Hindi mo ako tinitignan ng diretso, kaya't ang aking paninigin na lamang ang walang hiyang nilamon ang bawat detalye ng nasa harapan ko:  ikaw na nakatalumbaba, nakatingin sa malayo, suot ang tshirt na bigay ko. Hinahayaan ko na lamang na tahimik na lumilipad ang utak mo, kahit dito sa huling pagkakataon na magkasama tayo. Kuntento na akong kabisaduhin ang hugis ng iyong mukha, ang taas ng iyong ilong, ang paminsan-minsang pagdako ng iyong tingin sa akin at ang pag-iling ko sa bawat pagtaas ng kilay mo dahil sa aking taimtimang pagtitig sa'yo.


"Ano na naman yan?" Napatanong ka. Kabisado mo kasi ako. Alam mong kung anu-ano na naman ang naiisip ko tuwing nakatitig ako sa'yo.


"Wala. Naisip ko lang na kelangan mong magpakulay ulit ng buhok. Parehas kasi tayo diba. Papalitan mo yan," ani ko.


"Next time na. Pakulay tayo ulit ng parehas."


"Wala nang next time," bulong ko.


"Tangina. Ilang beses ba natin kelangang pag-usapan na kahit anong gawin nating dalawa, babalik at babalik pa din tayo sa isa't isa? Di mo ba maintindihan yun? Kahit lumayo ka, kahit may iba ako, ikaw pa din yung orig eh, sa'yo at sa'yo pa din ako babalik. Tangina naman. Ang tagal tagal na natin eh, di mo pa din ba alam iyon? Di kita matitiis. Di mo din ako matitiis. Di naman nagbabago yun eh. Ikaw kasi. Ikaw naman kasi talaga. Sa'yo pa din naman landing ko."


Kung sa ibang pagkakataon mo sinabi yung birada mo'y baka kinilig pa ako. Napatingin na lamang ako sa malayo. Ganoon ba ako kahina pagdating sa'yo?


Hindi na. Hindi na siguro. Hindi na ngayon.


"Order na nga lang tayo. Yung Manager's Choice yung trip ko. Pagkatapos nito, uwi na tayo. Magalit pa girlfriend mo."


Padabog kang sumandal sa upuan mo, tinikom ang bibig. Nakikita kong nagsisimula nang sumindi ang galit sa iyong mga mata.


"Tas burahin mo na number ko. I-block mo 'ko sa FB. Wag mo na ako itetext unless may sobrang kailangan ka. Pag nabo-bore ka, itext mo jowa mo, wag ako. Papatungan mo yung tattoo ng pangalan ko. Sunugin mo yung mga punyetang love letters na binigay ko sa'yo. Isama mo na din siguro yung mga damit kong naiwan pa dun sa kwarto mo. Sabihin mo sa pamilya mo na di na ako magpapakita doon. Ipakilala mo na yung jowa mo. Di ka na maha-hassle na pag may problema ako, sa'yo ako pupunta kasi maghahanap na ako ng ibang makakausap. Ayoko na. Tapusin na natin 'to," tuloy tuloy kong sabi, sabay taas ng kamay upang sumenyas sa waiter na oorder na tayo ng pagkain.






Higit anim na taon na ang nakakaraan, nakaupo tayo sa parehong mesa. Nagkakahiyaan. Nagkakangitian. Mukha tayong basura dahil nabasa tayo ng ulan.


Ngayon, nakaupo tayo sa parehong mesa. Mabigat ang loob sa isa't isa. Malungkot at masama ang palitan ng tinginan. Maaayos ang ating itsura ngunit di nila nakikitang sa loob, kung anumang mayroon tayo ang totoong naging basura.





Martes, Hunyo 4, 2013

Kapit



Kinakapa at pilit kong hinahanap ang iyong mga daliri.



Ika mo nga'y tayo ay mga taong dilim.

Na ang pagtanglaw sa maulap na kalangitan ay isang bisyo na ating pinagsasaluhan.Tulad ng dagliang pagdampi ng ating mga labi sa isa't isa.Tulad ng ating walang kibuan habang nalulunod sa kanya-kanyang kaisipan na may hawak na tig-isang tasa.Sa bawat di pag-imik kapag ang isa ay balisa.Sa lahat lahat ng bisyo, ng pagpapakasasa, ng gawain, na di magawa ng isa kapag di tayo magkasama.

May mundo sila.

May mundo kayo.

May mundo ako.

May mundo tayo.

At ang pag-iisa ay matatagpuan sa takot natin pareho sa dilim.




Sa takot na nawawala din naman tuwing magkahawak ang kamay natin.








Huwebes, Mayo 23, 2013

Daplis



Kung papayagan ko ang aking sarili
na lamunin ng panahon ang mga
alaala
mo...
natin...
malamang pagkatapos ng isang buwan,
ako ay ubos na
tulad ng upos ng yosi na iyong
tinatapakan
o ng latak ng alak na iyong
itinatapon.

Pagkatapos ng isang buwan,
ako ay maiiwang tila isang
bao
na walang laman...
lagayan
na puro hangin
ang nasa kalamnan.

Pagkatapos ng isang buwan,
hihintayin kitang maalala ako.

Hihintayin kita na ako'y
    sindihan,
    lamnan
muli

at buhayin.

Buhayin sa paraang
buhay ako




para lamang
sa iyo...




Martes, Mayo 14, 2013

Hina-halimaw na yata ako


Hindi ko alam kung may makakaintindi ng takot na dala sa akin ng gabi, kung kailan ang bawat ideya, emosyon at pakiramdam na aking ibinabaon at itinatago mula sa haring araw ay nagkakaroon ng sarili nilang buhay:




mga galamay na lalabas mula sa aking kaibuturan,


mga ulong may mga bibig na kapag iyong sinilip ay may hindi maarok ang kailaliman,


mga matang nagtitila salamin at ipinapakita ang sakit at hinagpis na parati kong ikinukubli.



Gagapang sila paakyat sa kisame kung saan sila ay sasayaw, magliligalig, maglalaro at magpipiyesta habang ang aking mga mata'y hindi magkamayaw sa pagtanaw sa kanila. Ganyan ang sakit: nais mong hindi lingunin, nais mong hindi tignan, ngunit hindi mo mapipigilang panoorin ang iyong sariling nilalamon, kinakain nito.



Sa kisame, sila'y buhay na buhay, at dadalhin ako sa isang impyernong gabi lamang ang makakapagparanas sa akin: kung kailan ang bawat alaala ng araw ay babalik, susuriin sa kabuuan, at hihimayin, hanggang ang bawat isa sa pinakamaliliit na detalye ay magkakaroon ng kakaibang ibig sabihin, na kung titignan mo sa pangkalahata'y kabaligtaran ng una mong naging impresyon sa nangyari.



Mawawalan ka ng ulirat, malulunod sa kanilang mapanlinlang na pagbabalik ng bawat tinig, bawat salita, bawat himas, bawat kapit, na iyong tinanggap sa buong araw, at ika'y dadalhin sa isa pang dimensyon kung saan ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay ang ultimong mga bagay na iyong kinakatakutan.





Nanaisin mong umiyak, umungol, magtago mula sa dilim na sa iyo ay bumabalot, ngunit mapagtatanto mong wala kang kawala dito. Hindi magiging sapat ang pagpapatugtog ng masayang musika, o ng pagbubukas ng ilaw, o ng pagkukubli sa ilalim ng sangkatutak na kumot at unan, dahil hindi ka man nila pisikal na gagapangin ay unti-unting lalasunin ng dilim ang kaunting katinuang naipon mo sa buong araw.









Hindi, oo, hindi mo maiintindihan ang takot na dala sa akin ng gabi.





Huwebes, Abril 11, 2013

Hayaan Mo Akong Sambahin Ka



Ako'y nagdadasal,
palapit sa iyo

     

            Habang ang aking mga braso ay unti-unting umiigting
            At ang aking mga kamay ay naglalaro sa hangin,
            Ang aking mga daliri'y natutuksong maging
            Tila nagliliparang dahon sa kanyang
            dibdib.



Ako'y nagdadasal,
palapit sa iyo

       

             Kumakalas, dahan dahan, ang mga salita sa aking isipang pumapatol
             At nagliligalig, sumasayaw, sa tugtog ng kanyang mga ungol
             Oo, totoo na ang pag-iisang ito ang siyang hahatol
             Sa katuparan ng mga panalangin namin sa iyo na inihahabol
             Sa bawat himas at pagkalunod.



Ako'y nagdadasal,
palapit sa iyo

      

             Sa pagdampi ng kanyang mga labi at kanyang paghimas sa aking buhok
             Sa pagdaan ng kanyang dila sa aking leeg at batok
             Ay sa wakas,
             sa wakas,
             Ang aking huling sigaw ika'y mahimok
             Na ako ay iyong pasilipin sa kapiraso ng langit
             na iyong iniaalok.









Kaya't ako'y parating nagdadasal,
palapit sa'yo.


Miyerkules, Marso 13, 2013

Mabasa Mo Kaya Ito?

Akala mo'y magsusulat pa din ako ng tungkol sa'yo?


Nasabi ko na sa'yo na naubos na ang mga salita. Lahat na ay nasabi, nasulat, naitext, at sa iyo ay naipahalata. Ang ending, sasabihin mo pa din na ako ay madrama.


Akala mo'y magsusulat pa din ako ng tungkol sa'yo?


Eh alam ko namang sa kung anumang isusulat ko ay di ka interisado. Na kahit gaano katotoo ang mga damdaming aking isasatinta, lahat pa din ito'y itatawa mo. Katulad ng lahat ng liham na inabot ko sa'yo ---- pagkatapos basahi'y itutupi muli, ngingiti ka ng konti, at itatabi ito sa kung saan mang patungang maaabot ng mga palad mo.


Akala mo'y magsusulat pa din ako tungkol sa'yo?


Dahil ang bawat salita ay gasgas na sa paulit-ulit kong kakabanggit sa'yo. Dahil ang bawat pangungusap ay inikot-ikot lang ngunit ang landing eh yung dati mo pa ding nababasa at hanggang ngayon para sa'yo ay malabo. Dahil ang bawat liham na parating puno ng pagmamakaawa ay hindi ka pa din napapabago.


Dahil ikaw, at hindi ang mga liham ko, ang totoong makakapagpaisip sa iyo. Ikaw, di ang pagmamahal ko, ang babago sa sarili mo.


Akala mo'y magsusulat pa din ako tungkol sa'yo?


Ngayong pagod na ang mga salita at nahihiya nang lumabas dahil sa di mo pagpansin. Ngayong pagod na ako kakahabol sa'yo at pagbibigay-daan sa mga dahilang di mo naisip na gawing dahilan noon para sa atin (at hindi para sa kanya).Ngayong ang bawat luha na lamang ang matapang na magpakita upang pumalit sa mga salitang nabitin.


Akala mo'y magsusulat pa din ako tungkol sa'yo?













*sabay backread sa mga itinipa at patawang magsasabing "Punyeta, nagsulat pa din ako tungkol sa kanya"*





Miyerkules, Pebrero 6, 2013

1/29/2013

11:56 am



Nakakuha ako ng isang mensahe na sumira ng araw ko.
Gumagawa din ako ngayon ng isang mensahe na sasagot sa mensaheng iyon. Ang mensaheng ginagawa ko ngayon ay di lamang para ayusin ang nasira kong araw, kundi para na din masubukang ayusin ang mga darating pa.
Hindi ko alam kung kailan ko ito ibibigay, pero kahit papaano'y nagliwanag ang aking paningin at lumuwag ng kaunti ang aking dibdib. Kaunti lang naman.
Pero dedepende ako sa oras upang ako ay maghilom. Dedepende ako sa oras, hindi sa aking sarili (dahil alam kong magbe-break down talaga ako sa mga di inaaasahang panahon), at mas lalong hindi sa kanya (na tatanggap ng mensaheng ito).
Aasa akong oras ang gagamot sa akin.

Huwebes, Enero 31, 2013

Tatlong Piso

Sa panahon ng walang kaalaman kung paano magdedesisyon, nakaupo na lamang ako sa dilim, at nakatingin sa ilaw ng kalsada sa labas ng bintana.

Alas-dos ng umaga. Karamihan sa mga pagdedesisyon ko sa buhay ay ginagawa ko sa ganitong sitwasyon at oras.

Ngunit sa panahng ito na naglalaban na ang tama at mali ayon sa pananaw ng iba, pananaw ng aking isipan at pananaw ng aking puso----

Napahugot ako ng tatlong piso.


Pinagmasdan ko ang kintab ng mga ito.


Ihahagis ko ang mga barya sa hangin. Kapag karamihan ay ulo ni Rizal, alam na. Kapag karamihan ay selyo, alam na.


Nakakatawang wala akong hinihintay na mangyari. Walang bumubulong sa utak ko na "Sana ulo...." o "Sana selyo..."


Ang bukas ko ay buong-buong nakasalalay sa tatlong piso.

Sabado, Enero 26, 2013

Last Full Show


Hindi niya alam kung bakit lahat ng pagmumuni-muni ay nagaganap habang, o pagkatapos, ng isang sesyon ng pagpapausok, pakikipagtalik, paglaklak ng alak, o pag-inom ng kape.


Sa pagkakataong ito, naglalakad siya sa kahabaan ng Aurora Blvd., hindi iniinda ang usok mula sa mga humaharurot na sasakyan, at sinasabayan pa ang baho ng lansangan ng paghithit sa kanyang pangatlo nang yosi.



Hindi niya din alam kung bakit sa lahat ng pelikula, Life of Pi pa ang pinili niyang panoorin nang mag-isa sa last full show.


Nakakagambala ang ideya kung mayroon nga bang kaluluwa ang mga hayop. Mas nakakagambala ang ideyang wala sila nito at ang nakikita mo tuwing titig ka sa kanilang mga mata ay ang sarili mong nakasalamin at tumititig pabalik sa'yo.



Nakakita na siya nang mga ganoong tingin. Mga titig mula sa mga tigre, unggoy o elepante sa Manila Zoo. Tinging nasasaktan, natatakot, nawiwirduhan. Tingin ng isang nabubuhay na nakakulong naman.


Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Tingin mula sa mga gumagamit ng droga. Tinging nalilito, nawawala, hindi nakakaunawa. Tingin ng isang taong kahit anong pakikipag-usap ay hindi mo maaabot, maski salita o pakiramdam.


Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Mga pahapyaw na pagdaan ng mga mata ng mga nagbebenta ng ilang oras na aliw. Tinging wala nang magawa, malilikot, nanunuri, nang-eestima, napipilitan, natatawa. Tingin ng mga taong hindi mawari kung bakit hindi sila makaalis sa ganoong sitwasyon kahit anong pilit nila.


Nakakita na siya ng ganoong tingin. Tingin na nakasalamin sa lahat ng mga mata na kanya nang nakasalubong. Tingin na nakikita niya tuwing sinasalubong niya ang sarili niyang pagtitig.


Nakikita niya ang sarili niya sa bawat isang pares ng mata na nakipag-ulayaw na sa kanyang pagtitig. Sarili niya na nawawala, nalilito, nasasaktan, natatawa, napipilitan.











Putangina. Ang nagagawa nga naman ng pag-iisa, oo....


Biyernes, Enero 18, 2013

Great Taste White o Kopiko?


Ibinalot ko ang aking mga palad paikot ng tasa, nag-iisip na sana'y dumaloy ang init ng kape dito patungo sa aking kalamnan.


Masyadong malamig ang Enero. Masyadong malamig ang pagpasok ng bagong taon.


Masyadong malamig ang pagsisimula ko nito.


Naalala ko nung araw na katapusan na ng mundo kuno. Gumising ako nang umagang yun, kinaibigan at kinausap ang kisame sa tapat ng kama ko, tumingin sa orasan at inisip na di pa oras ng katapusan ng mundo sa US, kaya baka delayed din dito sa Pinas. Habang nakahiga ay naisip kong magpadala ng mga mensahe (text man o sa FB) sa mga taong kinamumuhian ko. Yung mga tipong,
"Hindi mo alam na galit na galit ako sa mga pinaggagagawa mo noong elementary tayo..", 
"Namura na kita dati, na-offend ka pa nga diba, tas sabi ko joke lang yun. Pero sasabihin ko sa'yo ngayon, totoo yun..", 
"Galit ako sa'yo. Galit na galit. Pero mas galit ako sa sarili ko kasi di ako tulad mo..", 
o kung ano pang hater-type na message para sa isang tao na maaaring sumulpot sa aking utak.


Naalala ko nung araw na ipinasa na ang RH Bill. Tumingin lamang ako sa telebisyon noon at napasabi ng, "Ngayon na magsisimula ang totoong laban.." May mag-asawang nagkondena kuno nito, at ninais na dalhin sa Korte Suprema ang usapan. Mas lalong nabuhay ang mga sermon sa simbahan tungkol sa pagiging imoral ni PNoy. Patuloy ang pagtitig ko sa isang dakot na condoms at lubricant na parati kong dala dala, nagbabakasakali na may makasama akong may gagawing himala at mangangailangan ng proteksyon. Tuloy ang isang ideya na dati ko pang kinakapitan, ideyang hanggang sa lamig nitong umaga ay nananatiling matatag:


Kultura ang kalaban. Isang kultura na hindi sanay sa mga bagong kasagutan sa kanilang mga luma nang problema sa sekswalidad, edukasyon, pulitika at paniniwala. Isang kultura na nakikitang mas imoral ang pagma-masturbate o paggamit ng contraceptives kaysa sa pagpapabayang manatili ang malalaking pamilya sa ilalim ng mga tulay na hindi makaabot sa mga serbisyong angkop para sa kanila. Kulturang may paniniwalang kahihiyan ang mabuntis nang maaga kaya't pinagtsitsismisan sa barangay kaysa tulungang magkaroon ng atensyong medikal upang hindi mamatay sa kumplikasyon sa panganganak gawa nang bata pa. Kulturang patuloy na itinataas ang qualifications sa pagpasok sa mga trabaho habang bumababa ang kalidad ng edukasyon na naibibigay sa mga nag-aaral. Pulitika na madumi na'y dinudumihan pa, na pinapasok lahat ng sulok mula sa mga isyu kay Justin Bieber at Manny Pacquiao hanggang sa pagko-kontrol ng mga baril at pangbubugaw. Pulitikang sala-salabat, pulitikang showbiz, pulitikang may sinasandigang relihiyon, pulitikang idinadaan lahat sa Twitter, pulitikang nagpaparamdam lamang kapag eleksyon o nanalo ang ating kandidata sa Miss Universe.


Naalala ko ang palagian kong pagnanais na makalayo sa lahat at makahanap ng katahimikan na hindi utang kanino man.


Naalala ko ang init ng araw sa dalampasigan.


Naalala ko ang mga katawang binalot ng putik nang nanalasa ang bagyo sa Compostela at Davao. At ang walang kamatayang paninisi ng mga mamamayan sa gobyerno sa hindi pagliligtas sa kanila. At ang paulit-ulit na bulong kong, "Sinabihan po kayo, pero sabi niyo po ay kaya ng kubo niyo o maiiwan ang pananim at alagang hayop niyo.." na hindi ko na ninais pang lakasan dahil aking natandaan na magaling tayong lahat sa paninisi sa iba sa kinahitnan ng ating mga sitwasyon.


Wag kayong mag-alala, sakit ko din yan bilang isang Pinoy, na ngayo'y inuunti-unti kong baguhin. Na sinisimulan ko sa pagwawari ng mga nangyaring mali, ano nga ba ang ginawa ko nang mga panahong iyon, ano ang payo sa akin nang iba noon, at kung paanong hindi ako nakinig sa kanila. Na paunti-unti ko ding sinusubukang ayusin ngayon sa aking maliliit na paraan.

Naalala ko.... Naalala ko siya.




At sa lamig ng umaga na di mapawi ng init ng tasa o ng kapeng dumadausdos sa aking lalamunan, napaisip ako kung saan ba tayo nagkamali. Kung bakit nga ba ang utak ko ay paikot-ikot at takot atang tutukan ang dahilan ng lamig at pagkatulala ko ngayon.


Magliligpit ako, pupunta sa inyo, kakatok sa iyo. Makikisabay magyosi sa'yo at babalutin ang oras na iyon ng katahimikan. At dahil alam kong maiinis ka sa di ko pag-imik at alam kong magtatanong ka kung bakit ako napadaan, isa lamang ang isasagot ko sa iyo:


"Ginaw eh..."


At alam kong malalaman mo na ang ibig sabihin nun ay hindi tungkol sa katapusan ng mundo, RH Bill, dalampasigan, o bagyo.