Martes, Nobyembre 18, 2014

Hilaw



5:09 ng hapon
Dalawa tayong parang tangang nakaupo dito sa labas: nakasilong sa tig-isang pan-lamesang payong na ating panangga mula sa medyo malakas na buhos ng ulan. Noong tinanong ka kanina ng serbidora kung gusto mo bang umupo na lamang sa loob ng restawran dahil umuulan, umayaw ka.
Nakarolyo hanggang siko ang mga manggas ng iyong polo. Sa harap mo’y nakalatag sa mesa ang dalawang tasa, isang basong tubig, at isang walang laman na platito.
“Okay lang ako,” sagot ko sa serbidora noong ako naman ang tanungin niya. Nakita ko sa gilid ng aking paningin na nahuli ng isang segundo sa tiyempo ang pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa nang bahagyang narinig mo yata yung sinabi ko. Nagbago ng kaunti ang postura mo; mukhang medyo sumalampak ka sa iyong pagkakaupo.
O siya, sige, guni-guni ko lang iyon.

5:36 ng hapon
Tuloy pa din ang ulan. Patuloy pa din ang pag-arangkada ng mga sasakyan sa kalsadang may walong metro mula sa mesa mo, mula sa mesa ko. Mukhang nakatingin ka sa kanal, pero dahil mahilig akong magbasa ng mga nobelang may mga lalaking karakter na may malalambot na puso’y iniisip ko din na baka ang tumatakbo sa utak mo ngayon ay ang paraan ng pagtilamsik ng bawat butil ng ulan pagkasayad nito sa lupa.
Nakaubos na ako ng tatlong istik ng yosi. Nangalahati na din ang tasa ko ng kape.

6:00 ng hapon
Natalsikan ka ata ng ulan sa mukha.

6:00 ng hapon
Ang bobo ko talaga. Kung di ko pa napansing namumula na ang paligid ng iyong mga mata, di ko pa maiisip na pinipigilan mo palang umiyak.

6:02 ng hapon

Anong gagawin ko? May dapat ba akong gawin?

6:04 ng hapon

Isa na siguro ‘to sa mga pinakamahirap na pagdedesisyon sa bente-kwatro na taon ko sa mundong ito. Pag nilapitan kita upang abutan ng kung ano, o upang sabihan na “Magiging ayos lang din ang lahat”, baka malaman mo nang ilang araw, ilang buwan na kitang pinapanood mula sa mesa ko.
Gusto nang kumawala ng mga labi mo sa pagkakaipit mo sa mga ito.
Baka malaman mong pinapanood kita noong dalawang beses na sabay kayong nagtanghalian ng kasintahan mo sa mesa mo. Baka malaman mong hindi lumagpas sa paningin ko yung dahan-dahang pagdaan ng iyong mga palad sa kanyang itim na buhok, at kung paano ka tumitig sa kanyang mga mata habang may sinasabi siya sa’yo.
Baka malaman mong nakatatak na sa isipan ko yung marahang pagsibol ng ngiti sa mga labi mo tuwing may kausap ka sa telepono – na tingin ko’y siya dahil sadyang kilala ko kung paano ka sumasaya kahit marinig lang ang boses niya.
Baka mas lalong malaman mo na nakita ko kung paanong magtila bumbilya kang napundi noong huling beses na iyong sabay kayong mananghalian. Nang dinampot mo ang kanyang telepono at may nakita dito. Kung paanong marahang namatay ang iyong ngiti at nag-isang linya ang iyong mga labi. Kung paanong, noong pagkabalik ng iyong kasintahan sa tabi mo’y inabot mo sa kanya ang kanyang telepono. Kung paanong natameme siya sa nakita niya, at hindi makatingin ng diretso sa’yo.
Kung paanong nangarag ang boses niya nang magsimula siya ng isang, “Kailangan nating mag-usap….”

6:08 ng hapon

Iiyak mo na yan. Ikaw lang naman ang nandyan sa mesa mo. May dalawang metro naman din ang layo ng mesa mo sa mesa ko. Tayo lang ang nandito, pati ang kalsada. Wag mong isipin yung mga kotseng maya’t mayang dumadaan. Iiyak mo lang yan. Naging masyado kang matapang nitong mga nagdaang araw --- iiyak mo lang yan. Nanatili kang tila bato mula sa iyong mga nararamdaman sa loob ng tatlong linggo mula noong huli kayong nagkita. Nandito naman ang ulan upang itago ang iyong mga luha. Nandito naman akong nagkukunwaring walang nakita. Iiyak mo lang yan.

6:13 ng hapon

Nagtama yung paningin natin. Di ko inasahan yung sakit sa dibdib na mararamdaman ko nang tumingin ng diretso sa akin yung mga mata mo. Parang may pumiga sa puso ko.

6:15 ng hapon

Anong gagawin ko anong gagawin ko anong gagawin ko

6:23 ng hapon

Tuwing akala kong kalmado ka na, nagpapakawala ka ng isang malalim at mala-hikbing buntong-hininga. Sige lang, sabayan mo lang ang ulan sa paglakas at paghina.
Imbentaryo: Siyam na istik ng yosi, isang kalahating tasa ng kape, at ang mga giniginaw kong daliri.

6:24 ng hapon

Ano ba ‘tong ginagawa ko sa sarili ko?

7:00 ng gabi

Araw at buwan ang bibilangin kapag tinanong ako kung gaano katagal na kitang pinagmamasdan, pinapanood yung mga emosyong naglalaro sa iyong mukha, sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng pagtapik ng iyong mga daliri sa kahoy na mesa. Di pa din kita kilala. Kilala ko lamang yung aspeto ng pagkatao mong parati kong nakakasabay tumambay sa kainang ito.
Nakakapagod din pala. Nakakapagod din palang manood lang.

7:28 ng gabi

Napatingin ako sa orasan ko. Petsa na pala. Halos tumila na ang ulan at bumagal hanggang sa ito’y maging manaka-nakang pagpatak ng ambon sa payong sa ibabaw ng ulo ko. Patayo na ako nang makita kong nagpantig ang iyong panga at kumuyom ang iyong mga palad sa isang kamao. Naaawa na ako sa mga labi mo, kanina mo pa kagat kagat ang mga ito.

7:30 ng gabi

Kasabay ng pangako ko sa aking sarili na uuwi na ako ng alas-otso ay ang pagkalampag ng iyong mesa at ang pagtalon ng iyong tasa. “Tama na. Tama na. Tama na,” ang mantra mo sa bawat matunog na pagtapik ng iyong mga daliri.

7:38 ng gabi

Naisip ko, sa pagkakataong ito, na totoong lapitan ka. Hindi bungantulog. Hindi isasama sa listaha-ng-mga-dapat-na-magawa-bago-ako-mag-bente-singko na siguradong di ko naman maisakakatuparan. Yung totoo na.
Kaya isinuksok ko ang aking palad sa bulsa ng aking bag at kumapa ng tatlong piso. Pinakalansing ang mga ito. Kapag mas maraming ulo, pinagbabawalan ako ng kawalan na lapitan at kausapin ka ngayong gabi. Kapag naman mas maraming selyo ---  alam mo na. Syet.

7:39 ng gabi

Selyo. Tatlong selyo.



Syet.

7:43 ng gabi

Ayoko na. Tama na ‘to. Nakatitig ka sa telepono mo. Nakakunot ang iyong noo. Nanlilisik ang namumugtong mga mata. Kagat ang mga labi na di mo na ata pinakawalan simula nang umupo ka kanina.
Anong hinihintay mo? Mensahe mula sa kanya?
Tama na.
Tama na yung wala akong ginagawa.

7:48 ng gabi

Bago pa ako sakluban ng kaba, tumayo na ako at marahang naglakad patungo sa mesa mo. Mukhang inasahan mong gagawin ko nga ang paglapit sa’yo dahil mula nang itinulak ko ang aking sarili mula sa aking mesa’y nakatingin ka na sa akin na nakatingin na din sa iyo.
Tumayo ako sa labas ng silong ng iyong pan-lamesang payong. Di ko inalintana ang kaunting ambon dahil naiintindihan ko na sa panahong ito’y nais mong magkaroon ng sariling espasyo upang itayo ang mga pader sa paligid mo.
Inisip ko nang ang sasabihin ko sa’yo ay, “Maaayos din ang lahat”, pero sa pagkakataong iyong nakatingin ka sa akin, napagtanto kong sa malapita’y mukha kang isang taong nawalan ng laman. Lobong walang hangin. Araw na walang init. Kandilang walang sindi.
Kaya ang dumulas mula sa aking dila ay ang mga katagang,
“Makakahanap ka din ng pag-ibig na mas mahirap pa dyan --- mahirap iwasan, mahirap sukuan, mahirap hindian. Yung pag-ibig na mahirap takasan.”
Katahimikan ang isinagot mo sa akin. Titig at katahimikan.
Tumakbo sa isipan ko yung mga pagkakataong nakita kitang masaya. Kung paanong hindi karapat-dapat yung naging pakikitungo sa iyo at sa inyong relasyon ng iyong kasintahan. Kung paanong, mula sa mesang madalas kong tambayan, ay nasilip ko ng kaunti ang iyong puso’t isipan.
Dahan-dahang kumurba ang iyong mga labi sa isang malungkot na ngiti kasabay ang pagsisimula ng isang serye ng pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa. Nanatiling nasa iyong gilid ang kabila mong braso.
Hanggang doon na lamang ang kaya kong sabihin. Hanggang doon na lamang ang masasabi ko. Kasabay ng isang kiming ngiti ay humakbang ako palayo sa iyo.
Kumatok ka ng tatlong beses sa iyong mesa. Malakas. Isang dipa mula sa hangganan ng personal na espasyo mo’y huminto ako at lumingon sa iyo.
Matiim kang nakatingin sa akin.
Nasa likuran ng hintutuna ko ang mangilan-ngilang pagbusina ng mga sasakyan sa kalye, ang pag-aayos ng serbidora sa iniwan kong mesa, ang pagkatuyo ng hangin pagkatapos ng ulan.
Lahat ng iyo’y hindi ko gaanong pinansin dahil lahat ng pandamdam ko ay nakasentro sa sandali kung kailan iniangat mo ang kabila mong braso at inilapag sa mesa ang mga baryang nasa iyong mga palad.
Katabi ng marahan na pagtapik ng iyong mga daliri ay tatlong mamiso


 

na puro selyo.





Dinala ng hangin ang iyong bulong.


“Selyo. Samahan mo daw muna ako.”

Isang nahihiyang ngiti mula sa iyo.

Hindi ako nakagalaw. Nanatili akong parang tangang nakatitig pa din sa’yo, nanonood pa din sa  mga emosyong naglalaro sa iyong mukha, sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng pagtapik ng iyong mga daliri sa kahoy na mesa.
Hinila mo yung upuang walang laman sa tabi mo at kumumpas na lumapit ako, kasabay ng isang nahihiyang ngiti at ng mga salitang, 

“Kahit sandali lang. Kahit sandali lang, iligtas mo ‘ko.”


Isang paanyaya papasok sa personal na espasyo mo. Isang paanyaya upang tumingin sa iyo mula sa loob, at hindi mula sa malayo.




Lumakad ako palapit at papasok sa iyo.


  


Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Nangangapa

Nagkakaproblema ako ngayon sa paggawa ng dapat sana'y entry ko para sa SBA 2014. May nakapagbanggit sa akin na walang laman ang draft na ginawa ko. Totoo, dinibdib ko ito. Simula noong pagkakataong nalaman ko iyo'y di na ako natigil kakaisip kung saan ko huhugutin yung kilig na kailangan sa akda. Mahirap gumawa ng walang musa. Hanga ako sa kakayanan ng iba. Nangangapa ako ngayon. Kinailangan kong patunayan sa sarili ko kung saan nga ba kulang sa pamamagitan ng pagsulat gamit ang pakiramdam na pamilyar ako --- sa pagiging lunod.

At ang pangangapa ko'y nauwi sa akdang ito.

------------------------------------------------------------------------------------------






Ayokong nakikita yung pangalan niyang nakakalat sa daan, sa bangketa, sa kalsada, at sa lahat ng taong nakakasalubong ko.


Nakikita ko ito sa mga maraming ID,
sa gilid ng bus,
sa isang palangganang bulaklak na ibinebenta sa tabi,
sa disenyo ng mga gusali,
sa tattoo ng babaeng nakasabay ko sa dyip,
sa tshirt.


At sa bawat pagdaan nito sa aking paningi'y kasabay ang pagsampal sa akin ng katotohanang siya ang pinili mo at hindi ako.


At ang bawat segundong lumalabas ang kanyang pangalan sa aking mga inbox ay pagpapatotoong tapos na tayo.


Sinira mo ako. Dinala mo ang katiting kong pagkatao noong pagkaalis mo.


Hawak mo ito sa iyong kanang kamay habang ang iyong kaliwa'y nakakapit sa kanya,


At iniwan mo akong tuliro.


Walang laman.


Anino ng taong dating ako.


Katawang tinanggalan mo ng laman at pagkatao.






Biyernes, Hulyo 11, 2014

Sa bawat letrang itinitipa ko




Walang nakapaghanda sa akin sa katotohanang kasabay ng pagkawala ng tanginang taong inakala mong hindi ka iiwan, ay mawawala din ang parte ng sarili mong nabuo at natagpuan mo sa piling niya.


Hinanap ko ang sarili kong iyon

sa tuktok ng isang gusali sa Makati,

sa gulo at takot sa Zamboanga,

sa damuhan sa ilalim ng araw sa Taguig,

sa gitna ng isang pulutong ng tao sa kahabaan ng EDSA,

sa gintong sahig ng mga templo ng Bangkok,

sa ingay ng mga nagiinuman sa CubaoEx,

sa mga dalampasigan ng Boracay,

sa maligamgam na bukal ng Laguna,

sa mga palaisdaan ng Capiz,

sa loob ng isang matandang simbahan sa Aklan,

sa hangin na dala ng taas ng Tagaytay,

sa init ng tanghali sa Cavite,

sa mga alon ng Romblon,





sa himpapawid,

sa gabi,

sa lasa ng kape,

sa lamig ng madaling-araw,

sa bawat bote ng alak,

sa bawat guhit ng pintura sa aking mga daliri,

sa bawat hithit ng sigarilyo,



at sa mga alaala ng aking sarili na nagmumura, lumuluha, tumatalon sa tuwa ----



sa mga alaalang pinuno ng mga imahe mong nakayakap sa akin,

sa mga mabilis na pagdampi ng iyong labi sa aking buhok,

sa mahigpit na paghawak mo sa aking kamay tuwing di mo namamalayan.





Hinahanap ko ang aking sariling nabuo at natagpuan ko sa piling mo.




Walang nakapaghanda sa akin sa hirap at tagal ng proseso.




Walang nakapagturo sa akin kung, putaaaanginaaaa, paano.


Walang nakapagdetalye na sa tuwing pakiramdam ko'y makakapa ko na sa loob ng puso ko ang kakarampot na kasiyahang bubuo dito'y tatangayin agad ito ng hangin dahil sa alaala ng tawa mo.


Ako'y patuloy na titingin sa mundo sa pamamagitan ng patay na mga mata,


dahil ultimong mga liwanag nito'y



nasa mga palad mo pa.



Martes, Mayo 20, 2014

Heatstroke




Naalala ko ang pag-aninag natin sa isa't isa noong isang gabi nang binalot tayo ng usok mula sa ating mga sigarilyo.

Nakaupo tayo sa labas ng bahay: maya't mayang sumisipol upang tawagin ang hanging hindi naman dumadating upang pawiin ang lagkit na dala ng init.

Tag-araw kahit gabi.

Nakatingin ako sa iyo sa ibabaw ng bunganga ng bote ng alak. Tinititigan ko ang iyong mukha, naghahanap ng kahit isang segundong emosyon sa iyo habang nagkukuwento ka tungkol sa iyong tatay.

Ilang minuto sa loob ng iyong kuwento'y itinuon ko na ang aking paningin sa maliwanag na langit ng gabi. Kaunti na lamang noo'y maniniwala na akong wala ka nga talagang puso dahil ni anumang bahid ng pakiramdam ay wala akong makapa mula sa iyo.

Ilang saglit pa nang mapansin kong tumigil ka na sa monotonong pagkukuwento mo.

"O, tuloy mo lang," giit ko.

Ang isang palad mo noo'y nakatakip sa iyong bibig.

Pagtataka sa biglaang katahimikan at sa palad mong nasa iyong mga labi.

"Sorry," wika mo.

"Anyare sa'yo?"

"Muntik na...." Nagsindi ka ng isang yosi, napabuntong-hininga, sabay tumingin sa langit.

"Sore point ba yung kinukuwento mo kanina?"

"Di naman...." Tumingin ka sa akin, sinisipat mo kung paano ko tatanggapin ang mga susunod mong salita.

"Di naman. Muntik lang kitang sabihang mahal kita nung natigil ako bigla at napansin kong di ka na nakikinig sa akin."




Napasindi ako ng yosi. Isang hithit upang magkaroon ako ng tapang na salubungin ang tingin mo.





Miyerkules, Marso 19, 2014

Pinaalala mo sa akin ang nangyari noong isang gabi

Nakatitig ako sa iyo habang nangangako kang babawi na, di na uulit.


Nakikinig ako sa tono mo habang sinasabi mo sa akin kung gaano kalaking pagkakamali ang lahat ng ginawa mo sa akin, na may "tayo" na hindi mo tuluyang maiwan.


Lumipad ang utak ko. Iniwan kang nagsasalita sa tabi ko at dumayo sa parte ng puso kong nagtila yelo na simula nang iniwan mo ako.


Tinanong kita kung sigurado ka bang hindi kita mahihindian, kung seryoso ka bang babalikan natin ang "tayo" at hahayaan ang mga sariling lunurin ng impyernong lumamon sa atin nitong nakaraang ilang taon.


Sabi mo oo.


Na ramdam mong kung may isang pareha man ng mga taong dapat talagang magkasama, iyon ay tayo. Ika mo'y dama mo ito. Alam mo ito.



Hindi ko na din siguro maitatanggi, at kagaguhan kung gagawin ko pa, kung paanong tayo ay parang lastikong bumabalik sa isa't isa kapag dinumog na ng kawalan, kalituhan o ng kalungkutan.



Ikaw lang din ang tatawagin ko sa mga ganoong pagkakataon. Ako lang din ang hahanapin mo.



Hindi ko alam kung mababasa mo ito, pero sinasabi ko sa pagkakataong ito na kayang-kaya kong lumayo sa iyo.


Pinili ko na lamang na hindi gawin.



Siguro'y doon pa lamang, wala na akong dapat pang patunayan.



At maiiwan ay ang tipo ng paguulayaw sa tag-araw, na kapag nainita'y mag-aapoy ----- na maaaring maapula kapag nabasa na sa tag-ulan.



Mahirap ibalik ang tiwala. Mahirap burahin ang mga alaala.



Salamat sa pagsang-ayon na gawin natin ito ng dahan-dahan. Ngunit sa ating dalawa,





Ikaw pa din ang maraming kailangang patunayan.





Huwebes, Pebrero 6, 2014

Sinira muli natin ang CubaoEx






"Cheers," simula mo habang itinataas ang iyong tagay at sumesenyas na sumabay ako.



Iniangat ko ang aking bote at idinampi sa baso mo.



"Para sa isang taon na ninyo ng jowa mo," pagtatapos ko.



Napatigil ang iyong baso sa hangin. Taimtiman kang nakatingin sa akin. Alam ko na kung ano ang tumatakbo sa isip mo --- not again.



Nginitian na lamang kita, at sa ultimong minutong iyo'y napagdesisyunan kong mawawalan ako ng pakialam sa kung anumang iisipin at mararamdaman mo sa gabing ito.



Tatlong kisap-mata bago mo ibinaba ang iyong braso. Tahimik mong ininom ang iyong alak at luminga-linga sa paligid.



Buhay na buhay ang Cubao Expo ngayong gabi. Unti-unti nitong ninanamnam ang mga natitirang sandali ng pagka-ekslusibo bago magsimulang dumumog ang mga pasaherong magiging dala ng bus station na itatayo sa tabi nito.


Nasayangan ako sa lugar.



Nanghinayang ako sa mga alaalang tuluyang di ko na mababalikan kapag pinuno na ito ng tao.



Nakatitig ako sa karatulang "Cubao Expo Bus Terminal" nang sinubukan mo muli ang isang, "Musta?".



Napangiti na lamang ako. Bilib ako sa pagsisikap mong iligtas ang gabing ito mula sa ka-paitang nalalasahan mo nang nanggagaling sa akin.



Bakit nga ba ako nandito?



"Buhay pa naman. Eto."



"Dami nang nagbago sa iyo ah," ika mo. Hindi mo na naitago ang pagkapansin mo sa maikli kong buhok nung nagtagpo tayo. Ang kakaibang pananamit. Ang tahimik ngunit diretsong pananalitang lumabas na lamang nitong mga nakaraang buwang di tayo nagkakausap.



Nagsindi ako ng yosi at hindi sumagot. Hinayaan lang kitang lamunin ng katahimikan. Alam kong mararamdaman mo iyon kahit nasa publiko tayong lugar. Sumandal at napatingin ako sa langit.



Hindi ako hihingi ng paumanhin sa kung paano ko pilit na inaayos at binubuo ang winasak mo.



Hinugot mo ang iyong telepono, tumingin dito at tumipa ng pagkahaba-habang mensahe.



Ano na naman kaya ang sinasabi mo sa kanya ngayon? Na nasa ibang lugar ka at wala sa CubaoEx? Na kasama mo ang mga kaibigan mo at hindi ako?



Gusto kong tumawa nang maisip kong ilang beses din nga pala akong naniwala sa mga ganyang palusot mo.



Nanatili tayong ganoon ng mahigit kalahating oras --- na maya't maya'y humuhugot ako ng bote at sumasagot ng "Oo", "Nah", o ng isang kibit-balikat sa iyong mga tanong; ikaw na pinipilit na magpadaloy ng usapan sa iyong pekeng pagiging masaya.



Kilala kita. Napapraning ka na sa katahimikan ko't iniisip mo nang sana'y iba na lamang ang niyaya mong uminom at hindi ako.



Muli, bakit nga ba ako nandito?



"Naniniwala ka pa din bang mababago mo ang mundo?", tanong mo. Nakalapat na ang mga braso mo sa mesa at tumangan ka palapit sa akin.



Napatingin ako sa iyo. Sa wakas, naalala mo na kung anong klase ng usapan ang makakahuli ng atensyon ko.



"Mas ayos nang subukan kaysa alam mo ngang may dapat baguhin pero hinahayaan mo nalang."



"Di naman mababago ng isang tao ang mundo," natatawa mong sagot.



Humugot ako ng isang malalim na hithit mula sa yosing nakakapit sa aking dalawang daliri. Itinungga ko ang kalahating-basong beer at padabog ko itong ibinaba sa mesa pagkatapos.



Nanlaki ang mga mata mo. Gulat. Mabuti at nagrehistro pala sa napakapal mong balat at sobrang kitid na utak ang galit ko.



"Ganon ba kawalang kwenta yung existence ng isang --- iisang --- tao para sa'yo, kaya kahit manlang mundo mo, o buhay mo, di mo maayos para sa iisang taong iyon?", tahimik kong ibinulalas.



Hindi dapat ganito. Ayoko ng ganito.



Isang mabilis na pagpapasya na ilalagay ko na lang ang sarili ko sa isang mahinang posisyon. Batid ko ang pagkatalo ko, at tinanggap itong  buo bago tuloy-tuloy na tahimik na nagsalitang, "Kung niyaya mo ako para makita if I've been miserable without you, wala kang makikita sa akin. Di ako nagbago, kilala mo na akong ganito. Nung iniwan mo 'ko, napagtanto kong hindi ko naman kailangang magkubli at humalo sa nakararami. Di pa ako okay. I know you have moved on long time ago. I haven't. Does that make your male ego so fuckin' proud now? Yun lang ba gusto mo? Sana tinext mo na lang ako para gumawa ako ng madramang text at nasatisfy yung craving mong nakasira ka na naman ng isang buong araw, buwan, o taon ng isang tao."



Nagpantig ang iyong panga. Lumibot ang iyong paninigin sa paligid at pilit na hindi bumabalik sa akin. Padabog kang sumandal sa iyong upuan at nagsindi ng iyong yosi.



Kitang-kita ko ang iyong panggigigil. Napaisip akong gusto ko nang tapusin ito sa isang napakadumi, napakasakit at nakakarinding paraan: Yung tipo ng masasakit na salitang makakapagpahiwalay na at tuluyan nang makakabura sa anim na taon nating dalawa.



Yung tipo ng masasakit na salitang ikakalugmok ko lalo sa impyernong kinalalagyan ko na.



Humugot ka ng isang malalim na hininga. Maingay mo itong inilabas. Kinuha mo ang lighter mula sa aking mga daliri, sinindihan ang iyong yosi, at sa gitna ng halakhakan mula sa kabilang mesa, narinig kitang nagsabing,



"Mas gusto kasi kitang kasama compared to anyone else. Tahimik mundo ko pag ikaw kasama ko. Kahit hanggang ngayon. Nasaktan kita, oo, sorry, pero hanggang ngayon, yung katahimikang hinahanap ko eh natatagpuan ko lang pag ikaw kasama ko."



Para akong pisikal na sinampal ng iyong mga salita. Gustong-gusto kong umiyak: sa gitna ng mga tawanan at biruang pumapalibot sa atin, sa ilalim ng mga bituing nakipagsapalarang lumabas kasabay ng malamig na hangin, at sa loob ng mga alaala at emosyong dala ng lugar.



Isang hithit ng yosi upang humupa ang biglaang pagnanais ng mga luha na kumawala.









Parehas lang din tayo ng sagot sa tanong kung bakit nga ba tayo nandito.