Huwebes, Hunyo 15, 2017

Listahan ng mga bagay na alam ko


Alam ko kung anong pakiramdam ng boses niya sa umaga, kung paano ito bumabalot sa mga panaginip ko upang sabihing, "Halika na, gumising ka na."


Alam ko ang guhit ng kanyang mga palad sa dilim: ang eksaktong mga linyang tumutupi kapag ibinabalik niya lahat ng matiim kong mga pagkapit.


Alam ko ang amoy niya sa mga oras na galit na galit ang araw, kapag nagpapanghalo ang amoy ng tuyong lupa at ang kanyang pawis.


Alam ko kung sino siya tuwing 3:18 ng umaga, kapag tulog pa ang mundo at hindi namin alam pareho kung sino pa ang gising upang makinig sa aming mga kwento.


Alam ko din kung paano kumurba ang boses niya tuwing nagsasabi siyang, "Pasensya ka na", kung paano kumapit sa yosi yung dalawa niyang daliri kapag ayaw na niyang makipagtalo pa.


Alam ko yung tipo ng katahimikang nagpapakalma sa kanya: yung mga pagkakataong hindi siya dapat hawakan, yung mga oras na hahayaan lang dapat siyang mag-isa.


Alam ko yung tipo ng mga nota na kukuha ng atensyon niya, kung paanong pipitik ang kanyang mga daliri sa saliw ng mga huning tatapik sa ulirat niya.



Alam ko ang mga salita sa lahat ng mga emosyong hindi niya kayang sabihin.



Alam ko din ang mga salitang hindi niya bibitawan upang hindi ako masaktan.



Alam kong mahal niya ako.
Alam kong patuloy naming mamahalin ang isa't isa sa mga pagkakataong walang ibang nakakakita kundi ang hangin.



Alam ko ang ngiti ng kanyang kasiyahan, ang bilang ng bawat pagluha, ang piyok ng mga pagtawa, ang ngiwi ng bawat paga-alangan.



Alam ko din ang itsura ng kanyang likod kapag lumalakad palayo.

Puta, 'di ko alam na iyon ang imaheng iiwan niya sa memorya ko.






Pero ang totoo,







hanggang ngayon, may mga hindi pa din ako alam.





Hindi ko alam


kung paano burahin ang kanyang tawa sa aking hintutuna,


kung paanong 'di lumingon sa kanyang amoy,


kung paanong 'di balikan ang kanyang mga alaala.










'Di ko alam kung paano makalimot.








Mayo 2017

Biyernes, Pebrero 24, 2017

Mga bagay na ayaw kong malaman mo

O mga bagay na tumatakbo sa isipan ko
O mga bagay na itinatago ko mula sa iyo

PART 165

Sinadya kong iiwas ang paningin ko bago ko sabihing, "Ang epic tuwing magkasama tayo" kagabi.

Sinadya kong yumuko, pumikit at umiling habang sinundan ko it ng isang "Marami masyadong nangyayari."

Natawa ka. Sinimulan mong isa-isahin ang mga nangyayari sa mga pagkakataong nagkakasabay na libre ang ating mga oras at kinakaladkad natin ang isa't isa para sa sesyon ng alak at pagpapausok.

Masyado tayong maraming ginawa upang takasan ang kalungkutan. Masyado tayong maraming ginawa upang palitan ang mga alaala nila, upang kimkimiin ang sakit ng kawalan ng mga brasong tinatawag nating tahanan, upang palayain ang mga sarili mula sa nakaraan.

Sinipat ko kagabi kung ano ang mga salitang kaya kong bitawan na may kinalaman sa atin.

Dinala ako ng takot ko sa isang malamyang, "Tayong dalawa? We make a great story", sa isang ngiti at sa isang paglalahad ng palad para sa ligtas na batiang pangkaibigang apir.


Puta.


Ang totoo'y natatawa ako kapag iniisip ko kung saan tayo dinala nitong nagdaang dalawang buwan, kung gaano kalalim yung kalungkutang nahukay natin sa isa't isa sa ilalim ng namumutawing mga bituin na, punyeta, hindi ko alam kung bakit tuwing magkasama tayo'y parating nariyan.

Hindi mo alam ang pag-aalinlangan sa bawat yakap tuwing tayo'y nagpapaalam.

Hindi mo alam ang kaba tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata sa mga pagkakataong may nababanggit tayong tumatama sa mga nakatining sa dibdib ng bawat isa.

Hindi mo alam kung gaano kadalas ang mga pagkakataong kusang inaabot ng mga daliri ko ang iyong mga kamay, at hindi mo alam ang libong mura na tumatakbo sa isipan ko upang ihinto ito (kaya malamang, mabibilang sa isang kamay ang mga pagkakataong hinahayaan ko ang sarili ko).

Hindi mo alam ang pakiramdam na para akong itinapon sa kawalan noong sinabihan mo akong mahal mo ako sa platonic na paraan, noong nabasa ko ang tulang isinulat mo para sa akin, at sa lahat ng pagkakataong sinasabi mong natatakot ka sa kung anumang mayroon tayo.

Hindi mo alam kung gaano ako nagtataka sa mga pagkakataong nahuhuli ko ang sarili kong tahimik na nakaupo sa tabi o tapat mo. Hindi mo alam ang pagtataka na nakahanap ako ng katahimikan sa piling ng iba (sa iyo) at hindi sa kanya.

Hindi mo alam ang pagtataka na dala ng pagiging komportable kong 'di magsalita kapag ayaw kong magsalita.

Hindi mo alam kung gaanong nangangatog ang kalamnan ko tuwing napagtatanto kong komportable akong malaman mong malungkot at nasasaktan ako sa mga panahong ginugupo ako ng mga emosyon ko... na natatakot ako dahil hinahayaan ko ang sarili kong magiba sa presensiya mo: walang mga pader, walang pagkukunwari, walang pagtatabil ng mga labi.

Nakakatakot na hinahanap kita sa mga pagkakataong kailangan ko ng kakapitan.

Kaya kong sabihin lahat sa iyo, maliban na lamang sa mga bagay na may kinalaman sa atin ---


pero wala namang "atin" tayong maituturing.












Kaya kitang mahalin.












Hindi ako mahihirapan kung magdedesisyon akong pakawalan ang aking mga limitasyon at piliing ika'y mahalin.

Kahit may mga anino niya, nabuo ko na muli ang sarili ko sa paraang nais ko, sa paraang purong ako. Kasama nito'y namutawi ang buhos buhos na pag-ibig sa loob ko na sa kasalukuya'y walang paglagyan

na maaaring sa iyo ko ipasalo kung matapang lamang akong sabihin sa iyo.

Hindi ko alam kung bakit ako nagsusulat ng tungkol sa iyo ngayon.

Ang alam ko'y nananatiling puno ang tinta ng aking mga panulat at blangko ang mga pahina ng aking journal habang naubusan naman na ako ng mga salita dahil sa iyo ko ito lahat inilalahad. Wala na akong naisusulat. Ang mayroon na lamang ako ay puro kuwento na sasambitin sa iyo

ngunit nandito na ako sa puntong itong aspeto ng nararamdaman ko para sa iyo ay hindi ako kailanman magkakaroon ng tapang na sabihin sa iyo ng harapan o diretso.


Maiintindihan mo ako kapag sinabi kong, "Baka umalis ka din naman. Baka maisip mong mas matagal ang 'tayo' kung pananatilihing magkaibigan na lamang."


Pero kapag niyaya mo akong tawirin ang napakakitid na linya kung saan tayo naglalaro ng ilang buwan na, papayag lamang ako kung kasabay ng pag-aalok mo ay ang paglahad ng palad mo upang abutin ako.


Alam nating pareho na kapag pinagsama tayong dalawa'y magiging malawak ang mundo at hahayaan tayo nitong maglaro dito nang walang katapusan,

ng buong kalaliman.


Anumang kulang doo'y hihindian ko.


Masyadong maganda ang magiging kuwento natin kung hahayaan lamang nating pagbigyan ang ating mga sarili.


At dito,





dito ako pinaka-natatakot.








Nobyembre 2015

Biyernes, Pebrero 10, 2017

Hinihintay na Kita

Hinihintay kita.
Gabi gabi, ipinipila ko sa aking isipan ang mga tugtuging ipaparinig ko sa iyo kapag dumating ka na. Paisa-isa ko silang ipaparinig sa iyo, kasabay ang paisa-isang paghuhubad ko ng mga maskarang isinusuot ko sa bawat araw.

Hinihintay kita.
Nakikita ko na kung paano ko aabutin ang iyong mga daliri upang kunin ang iyong atensyon at ituro sa iyo ang bawat isang magandang larawan, bawat isang nakakatuwang bata, bawat isang nakakaaliw na tanawin. Nakikita ko na sa aking isipan ang mga mapang-asar na mga ngiting mamumutawi sa iyong mga labi tuwing magsasabi ako ng biro na hindi nakakatawa.

Hinihintay kita.
Hinahanda ko na ang aking sarili sa iyong mga paninita tuwing tatamarin akong ubusin ang pagkain sa aking plato, tuwing ayokong bumangon, tuwing gugugulin ko ang aking oras kakatulala habang nakahiga sa kama. Hinahanda ko na ang aking sarili para sa mga paninita mo sa mga parte ng pagkatao kong hindi mo magugustuhan.

Hinihintay kita.
Hinihintay na ng aking palad ang iyong mukha, ng aking mga daliri ang iyong batok, ng aking mga labi ang iyong balikat. Hinihintay ko na ang init na ibabahagi mo sa akin tuwing sasabihin kong masyadong malamig ang hangin.

Hinihintay kita.
Nakahanda na ang uupuan mo sa tuwing hihilingin kong samahan mo akong panoorin ang ulan, habang may hawak tayong mga tasa ng mainit na tsokolate at nagpapang-abot sa ating baga ang amoy ng usok ng sigarilyo at nabasang lupa.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng espasyo sa tabi ko sa mga gabing ginugugol kong nakahiga sa ilalim ng langit at nakatitig sa mga bituin, habang nananahimik sa himig ng mga along naglalaro sa dalampasigan.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng mga bote ng alak na sabay nating pagsasaluhan sa mga pagkakataong gusto lang natin ng kaunting katahimikan mula sa mundo, mula sa isa't isa --- katahimikang gugugulin din naman natin nang magkasama.

Hinihintay kita. 
Hinihintay ka na ng aking mga "Namimiss na kita," ng aking mga "Pasensya na, wala ako sa hulog ngayon," ng aking "Mamahalin kita kahit wala nang dahilan para mahalin pa kita --- dahil madalas ganoon talaga ako kabobo, hindi nga lang halata". Hinihintay ka na ng mga mensaheng bubulabog sa iyo tuwing ala una ng umaga. Lahat ng iyo'y ipagpatawad mo sana.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng aking paningin na handang tanawin ka mula sa malayo. Hinihintay ka na ng aking pandinig para sa bawat suliranin o kasiyahang nais mong ibahagi sa akin. Hinihintay ka na ng aking mga braso para sa mga oras na hindi mo gugustuhing magkwento tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa iyo. 

Hinihintay kita. 
Hinihintay ka na ng mga tasa ng malamig na kape, ng mga baso ng maasim na orange juice, ng mga kutsara ng patikim na tinolang lalapatan ng mga labi mo na ihahanda ko. Hinihintay ka na ng papaitan, ng crispy pata, ng adobo, ng lahat ng pagkaing ihahain ng pamilya ko tuwing tanghalian ng Linggo. 



Hinihintay kita. 

Hinihintay na kita.

Nananabik na ako sa bawat "Mag-ingat ka", "Ayos ka lang?", "Ano bang gusto mo?", "Bakit ba ang gulo gulo mo?", "Wag muna tayong mag-usap ngayon," "Bati na tayo?", "Samahan mo muna ako," at sa bawat "Mahal mo ba 'ko?" na itatanong mo. Nananabik na akong tawanan at patahimikin ka sa pamamagitan ng pagsasabing matagal na kitang hinihintay at salamat, 


sa wakas, 


nandito ka na.

Biyernes, Enero 27, 2017

Minsan talaga, dapat bumibitaw ka na

Nakatitig ako sa iyong mukha at humahanap ng anumang guhit ng pagkadismaya.

Wala akong nakita.

Halos isang taon din tayong hindi nagkausap.

Mabilisang dumaan ang aking paningin sa iyong mga pisngi at mga braso, tinatantya kung namayat ka ba, naghahanap ng kahit anong senyales na pinuno ka ng kalungkutan.

Mukhang naging maayos ka naman. Mukhang masaya ka naman.

"Kwento ka," simula ko. Tumingin ka sa akin. Itinaas mo ang isa mong palad. "Sandali lang," sabi mo. Hinahabol mo ang iyong hininga dahil nagmadali kang puntahan ako.

Iniangat ko ang aking baso at tinikman ang inorder kong mojito. Pakiramdam ko'y hindi sapat ang isang baso para sa gabing ito.

"Kamusta?," tanong mo, kasabay ng isang mabilis na ngiti.

Gusto kong humugot ng yosi pero naalala kong iniiwasan ko na nga palang manigarilyo. Pagkatapos ng mahabang panahong pag-iwas ko sa iyo, pumayag din akong tumambay tayo.

Sasalubungin kita at ang mga tanong mo sa paraang nais ko, sa paraang alam ko.

Tinitigan kita ng diretso. Naghihintay ka ng sagot ko (na alam nating dalawa'y magdidikta ng magiging mood natin sa gabing ito).

Bumunot ako ng isang buntong-hininga sabay sabing, "Nagkaroon ng tayo para maging kayo sa huli."

Nasipat kong pumintig ang mga daliri mong nakabalot sa bote ng beer pero nanatili kang kimi, nakatingin sa akin, at hindi nagsasalita.

Napatingin ako sa langit. Umaalingawngaw sa katahimikan sa pagitan natin ang mga salitang aking binitawan.

Tangina, galaw galaw, 



nasa dako mo na ng korte ang bola.