Huwebes, Hunyo 7, 2012

KM3: Maniwala ka



Tinig. Tinig ang magsisimula ng isang dagitab, dagitab na magpapasilakbo sa mga damdamin at lilikha ng apoy sa puso ng ilang. Apoy na susunog sa balat, sa ulirat, at lalamon sa diwa. Apoy na minsan nang kumain sa utak at bumuhay sa rebolusyon noon pang araw, na nagpaagos ng dugo at nakipaglaban para sa tinawag nitong kalayaan. Apoy na pagsisimulan ng pagbabago...


Pagbabagong hindi makakamit ng tinig lamang.


Tinig na walang ibang gagawin kundi maglahad, sumigaw, magsulat, at magpahayag. At sa isang lipunang nilamon na ng pulitika, pera, kapangyarihan at komersyalismo, ang tinig ay mananatiling tinig.


Nailahad.


Naikwento.


Nasabi.


Ngunit parang isang sigaw, ito ay babalik sa’yo bilang isang alingawngaw.


Alingawngaw ng sigaw, ng tinig, ng nailahad.


Babalik sa’yo na hindi man lamang nagbago: isang tunog pa din, katulad noong ito ay naibulalas mo.


Ang tinig ay hindi dapat manatiling tinig lamang. Mula dito’y dapat magbunga ang isang rebolusyon, hindi tulad noong araw nang sa dugo, kundi ng aksyon.


At ang pulutong ng tao ay dapat magtila isa, na kapag narinig ang tinig ay dadaluyan ng dugo upang magkusa. Magkusang gumawa, umaksyon, gumalaw, ayon sa nararapat.


Urong, Pilipinas. Umurong ka’t umayos, umiwas sa dating gawi. Natunaw na ang mga reklamo sa tainga ng mga dapat ay nakikinig dito. Umurong ka’t makita na hindi lamang sapat ang umasa sa kanila, na nariyan ka, sa iyong sarili, upang magkusa, upang gumawa, upang gisingin ang lahi na nagtayo ng sarili mula pa noong una.


Sulong, Pilipinas. Pagkatapos umurong ay humakbang ka pasulong. Pasulong at hindi paatras, hindi pabalik sa lumang ikaw. Gisingin ang iyong dugo sa pamamagitan ng apoy ng tinig, at isa-isang gisingin ang iba mula sa pagkakahimbing --- pagkakahimbing sa paggawa. Sumulong ka’t akitin ang iba upang gumalaw, makisayaw, sumali sa saliw ng awit na likha ng apoy ng pagnanasang maging mas maayos na bansa.


Lumakad ka ng tuluyan, Pilipinas. Tapos na ang pagtayo at pagsigaw. Humayo ka’t pairalin sa sarili ang ninais mong mangyari. Hindi mo kailangan ng bayani, dahil ang bayani ay ikaw.








Oo, ikaw, sa iyong sarili, ang bayani.



Martes, Abril 24, 2012

Uy, Kamusta Na?

Siguro’y maraming magsasabing kapag ang isa sa ati’y hindi na nakapagsulat ng isang akda ay nakalimot na, o naging abala sa kanyang buhay, o may iba nang prayoridad. Sa karamiha’y hindi naman iyon pa mapagkakaila.

 Lahat tayo’y may buhay sa labas ng blogosperyo.

Ilang beses ko ding nababasa sa ilang mga akda nitong mga nakaraang buwan ang ideyang hindi dapat nawawalan ng puwang ang pagsusulat sa iyong buhay, na dapat, hindi mo ito pinapabayaang namamatay o hindi mo dapat hinahayaang maubos ang mga ideya.

 Kaya dapat ay sumulat nang sumulat nang sumulat.

Kapatid, sa mundong ito, sadyang may mga bagay na mas mahalaga kaysa umupo sa harap ng isang kompyuter upang makapagtipa ng isang akda. Ito ding mga bagay na ito ang buburyo at tatatak sa utak mo na kahit gaano mo piliti’y hindi magiging sapat ang mga salita upang ilarawan at gawing buhay sa isang panulat.

Ang pagsusulat ay hindi basta-basta para sa akin. Noon, oo, na kahit anong maisip ay agad na ititipa at ipapaskil. Pero ngayo’y hindi na siguro. Ang mga salita ay nagtila luho na. Ang mga istorya ay nanatiling iginagapos ang aking mga daliri. Parang presong kulong sa kanyang sariling kadiliman at ang mga salita ay nasa baywang ng pulis sa labas ng kosa. Salitang mga susi upang makalaya.

Naging bakante ang parehas kong lungga sa napakatagal na panahon. At kung siguro’y nabasa mo o nabalikan mo ang aking huling mga panulat ay maiinitindihan mo kapag sinabi ko sayong sa bawat akda, ako’y naiiiwang nauupos, nanghihina, halos namamatay. Na malaking pagbubuwis para sa akin ang hugutin palabas ang mga istorya, ang mga imahe, ang mga pakiramdam, at pilit na ilagay ito sa mga salita.

Hindi ko pinanghihinayangang gawin ang sabi ko nga’y buwis-buhay na pagsusulat. Di rin naman ako mahusay upang maipagmalaking pang-patimpalak na ang aking mga nagawa. Hindi ako umaabot sa lebel na yon. Ngunit para sa katiting kong puso at ga-munggong isipan, ang paglalarawan ng katotohanan na hawak ko sa aking mga palad ay napakalaking bagay. Katotohanang dapat ibahagi, at ilatag sa inyong mga mata at isipan upang kahit papaano’y madala ko rin kayo sa katotohanang iyon.

Hindi ko alam kung nagagawa ko nga, ngunit patuloy akong nawawala at sumusulpot muli kapag naghilom na ang sugat ng huling nagawang akda.

Sabi ko nga’y masarap kuskusin ang mga sugat ng iyong pagkatao at ng iyong isipan, dahil sa mga ito’y may mahahanap kang dugo na magpapatunay na ikaw ay buhay.

Bihira akong makapagsulat ng mga akda. Ngunit siguro’y maipapangako kong ang ilalahad ko ay magiging bunga ng panahong nawala ako. At lahat iyo’y aagos patungo sa’yo sa mga salitang akin mang hiniram ay sinubukang gawing totoo para sa’yo.

Nakakaranas ka din ba ng ganito? Ano ang mga istorya o akdang nahihirapan kang isulat?


Nakatitig kong kinakabisado ang mga duming nakasiksik sa gilid ng aking mga kuko sa paa, sa puting linyang-tsinelas na dulot ng pagkasunog ng aking balat.
Napakahabang lakaran. Masukal na daanan.

Butil-butil ng lupa at alikabok na iniikot ng hangin sa aking mga binti at talampakan.

Gumuguhit ako ng mga bilog gamit ang aking maduming tsinelas sa asul na karpet. Gumawi ang aking tingin sa pares ng paa sa aking harapan.

Havianas. Hot red nail polish. Bagong foot spa.
(SA ILALIM NG ARAW. Basahin ang kabuuan ng akda dito)


Magdiwang, kaibigan. Ilabas na ang inumin diyan, at samahan niyo akong pagnilay-nilayan ang Sa Ilalim ng Araw.


Sa Ilalim ng Araw

Nakatitig kong kinakabisado ang mga duming nakasiksik sa gilid ng aking mga kuko sa paa, sa puting linyang-tsinelas na dulot ng pagkasunog ng aking balat.

Napakahabang lakaran. Masukal na daanan.
Butil-butil ng lupa at alikabok na iniikot ng hangin sa aking mga binti at talampakan.

Gumuguhit ako ng mga bilog gamit ang aking maduming tsinelas sa asul na karpet. Gumawi ang aking tingin sa pares ng paa sa aking harapan.

Havianas. Hot red nail polish. Bagong foot spa.

Pinagpatuloy ko ang pagliligalig ng aking mga paa.

“When we reach Manila, mas mainit pa. What’s up, Philippines?”

“Na-upload mo na yung pictures? Ang saya nun, di ba? Dapat ma-post!”

“Ma, flight delayed. Don’t yell at me because I’m not PAL to be yelled at!”

Mala-butil-butil na lupa at alikabok na umiikot sa akin at sa aking isipan ang mga usapan. Usapan tungkol sa kung ano ang masarap, sa kung saan magandang pumunta, sa kung gaano kainam na nasa aircon pagkatapos manggaling sa labas na mainit ang temperatura, sa kung gaano sila naabala.

Usapang kung tutuusi’y katiting ang halaga ngunit kinailangan pang ibunganga.

Kumambyo ako ng isang malalim na buntong-hininga bago idinako ang paninigin sa mga eroplanong nagkakarga ng kargo (“PAL Flight PR *** from Manila will be delayed. Passengers, please wait for further announcements.” Sabay-sabay ang mga pasaherong napaungol dahil sa anunsiyo. Ginto para sa kanila ang kanilang oras, at bawat segundong pagpatak nito’y napakahalaga... masyadong mahalaga para sila ay maghintay.) at sa mga puno lagpas ng mga ito. Maliwanag ang kalangitan na malamang pati mga ibo’y nakangiting lumilipad, at ang mga ulap ay nagpinta ng mga alaala sa aking isipan...

Mukha ng isang batang lalaking may malamlam na mga mata at buhok na nag-kulay tanso dahil sa paglagi sa ilalim ng araw. Di mapalagay ang kanyang mga kamay at ang kanyang mga daliri noon ay nagbubuhol-buhol sa isa’t isa.
Nakita ko ang alangan sa kanyang mga mata habang hinihintay niyang sagutin ko ang tanong na kanya lamang kakabulalas; alangan sa mga matang sumusukat sa reaksyon na pinipilit kong ikubling lumabas sa aking mukha. Parang CD na pinirata, kanyang maliit na boses ay paulit-ulit um-echo sa aking hintutuna:
“Ate, ayos lang bang kumantot ng four-legs?”
Hindi pa ako humuhugot ng naudlot na paghinga ay pinabayaan na niya ang kanyang bibig na ilabas ang naaninag kong namuong resolba sa kanyang mga mata:
“Mas okey na ngang kumantot ng four-legs kesa mangrape, di ba?”

“Hey, did you buy lechon? Masarap yun dito.”

“Artista yun, di ba? Bilis, tignan mo. Di ba yan yung dating girlfriend ni ano.... Nagkakasuhan sila, ano kaya nangyari dun? Bilis, halika, pa-piktyur tayo!”

“Ayoko ngang umuwi dyan sa bahay na di pa ayos ang wi-fi! Paano ako makakapag-kompyuter?!”


Mga binting kakulay ng mga muwebles na kahoy sa bahay ang nagkukuskusan. Apat na pares ng mga mata ang kung saan saan tumitingin at iniiwasan ang aking mukha. Sa bintana’y tanaw ang ilang mukhang dumadaan: payat, sunog sa araw ang balat na kakulay na ng lupang kanilang sinasaka.
Ang likot ng mga binti’y umakyat sa maninipis na mga bisig. Ang mga kamay ay maya’t mayang hinihipo ang likod ng kanilang mga siko kung saan sa ilalim ng balat ay naroon ang kanilang mga pulso.
Di na nila itinago ang pagkabagot at pagnanais na umalis at tumungo sa lugar na batid kong saan sila didiretso.
“O sige. Di ko alam kung kelan ako babalik dito pero wag nyo ko tataguan pag nakita nyo ako ha. May bibigay ako sa inyo sa susunod (apat na pares ng mata na kanina’y malayo ang tinatanaw, ang agad na tumitig sa akin), seryoso, magugustuhan niyo.”
“Tsokoleyt noh?”, ngiti ng isa.
“Hindi! Donat dadalhin ni ate!”
“Gusto ko yung natutunaw sa bibig!” malakas na sabad ng isa.
“Donat na tsokoleyt na natutunaw sa bibig, tsek. Okey na?”, ngiti ko sa pagkahuli ko ng kanilang atensyon. Tumango sila, at nang pagkasenyas kong maaari na silang umalis, tsaka tumayo’t patakbong lumabas ng pinto kasabay ng nagmamadaling, “Babay!”
Apat na bata na kasama sa kinseng iba pa, na nasa isang barangay kung saan kalahati ng mamamayan ay nagtuturok ng nubane. Di na baling magutom, basta makapagturok. Di na baling walang nubane, kahit tubig poso ay pwede na, basta’y may hiringgilya, at ang karayom ay tatagos sa kanilang at ang likido ay aabot sa pulso.
Hindi ko talaga lubos maisip kung ano ang masarap sa karayom.
Ngunit mas lubos kong hindi maisip ang katotohanan na may ganito pala talagang mga mundo.
Na may ganitong mga buhay.



“Dapat kunin nya yung trabaho. Maganda kita dun, mas malaki kaysa sa sweldo nya ngayon, managerial pa. Kikita sya ng hinggit bente sa ibang buwan.”

“As if she wouldn’t know, duh?! You know what? Let’s look at the stall over there nalang. Libre mo ko native accessories!”

Ibinaling ko ang aking atensyon sa kasalukuyan, sa pulutong ng mga pagod na tao, mga de-make up na mga dalaga, mga naka-Folded and Hung na mga binata, mga maliliit na batang naka-Keds, at tambak tambak na dalahing puro pasalubong.

Yumuko ako at tinignan muli ang mga paa kong ngayo’y napahinto na sa paggawa ng mga bilog, at sa aking mga daliri sa kamay. Mga kukong siningitan na ng dumi at lupa at alikabok dahil sa mahahabang paglalakad, sa pagkakamot ng batok at bisig dahil sa init ng araw. Mga daliring nakipagkamay sa mga daliring may uling. Mga palad na humawak sa balikat ng isang paslit. Mga kamay na yumapos sa likod ng ilang mga inang lumuluha.


“Look, I bought this pair of slippers for 1k! Imagine, nag-sale sa Havianas!”




KADIRI.