Namulat siya isang araw na may kung anong kaba sa dibdib. Agad agad na bumangon, nag-almusal, naligo, nagsipilyo at lumabas ng bahay.
Nang pagkalabas ng gate at pagkatungtong sa sidewalk, huminga siya ng malalim, napapikit ng ilang segundo at muling humugot ng isa pang buntong-hininga.
Nagsimula syang maglakad patunga sa kanto. Matiim niyang tinitigan ang bintana ng kapitbahay kung saan niya natatanaw na naga-almusal ang mag-asawang bagong kasal. Nakaramdam siya ng kakaibang kurot sa puso. Dire-diretso pa siyang naglakad at nakasalubong si Manang Divina na naka-uniporme, ang babaeng pulis. Ngumiti sa kanya. Nginitian niya din. Muli, kirot sa dibdib.
Nang nakasakay na sa jeep ay di maalis ang pagpapalit-palit ng kanyang tingin sa babaeng halatang teller ng isang malaking bangko at sa isa pang naka-uniporme na pang-guro.
Ayos. Kirot sa dibdib.
Pagkatapos ng mala-praning niyang pagtitig sa lahat ng kanyang nakakasalubong ay umabot din siya sa LRT. Doo'y napasalampak sa pagkaka-upo.
Anong balak kong gawin sa buhay ko?
Ordinaryong umaga. Maalinsangan. Tagaktak ang pawis ng mga batang nakapalumpon sa paligid niya. Ayaw na niyang isipin ano pang itsura niya. Sa harap ng mga bata ng Escopa, siya siya. Nananatiling bata kahit ano pang edad.
Umalingasaw ang baho mula sa katabi nilang creek.
"Ate, mayaman ka ba?"
Napatingin siya sa batang babae sandali.
"Kase si tatay sabi sa'min wag na daw kaming maghintay ng regalo at panghanda sa Pasko. Mahirap lang daw kami, wala daw siyang pambili," pangusong dugtong ng ineng.
Sinabihan muna niya ang mga nakatatandang kabataan na mauna na sa basketball court ng barangay, at nang maiwan na silang dalawa'y hinila niya ang bata palapit sa kanya.
"Ilang beses kayong nakakakain sa isang araw?"
"Tatlo. Minsan asin o toyo lang ulam namin. Mahirap lang kami. Ikaw ate, mayaman ka noh?"
"Tatlong beses din kami kumain sa isang araw. Kahit anong ulam. Lahat ng nakakakain ng tatlong beses isang araw, hindi mahirap. Walang mahirap, maliban na lamang kung wala talaga kayong makain."
Napatingin sa kanya ang bata. "Eh wala kaming Pasko. Paano yon?"
"Anong mas mahalaga? Ang makakain araw araw o ang regalo at handa sa Pasko?"
Matagal na napahinto ang bata. Nang sa tingin niya'y naintindihan na siya ng bata ay hinila niya ang kamay nito at inakay patungo sa basketball court.
"GAME!", sigaw niya. "Patintero! Sino sasali?"
Nagsimula nang maghagikgikan ang mga bata. Mataya-taya.
Pero isa lamang ang nagpangiti sa kanya nang araw na iyon: ang mamasa-masang halik ng batang babae nang siya ay nagpaalam.
Maulan na hapon nang datnan niya ang trak ng MMDA sa bangketa malapit sa kanila. Nakita niyang madaliang inilalagay ni Aling Selma ang mga panindang gulay sa bayong na akay-akay. Kung kelan siya bibili ng ilang pirasong baguio beans na mangangata, tsaka pa nagkaroon ng ganitong eksena.
Nanaog ang mga naka-asul na mama mula sa trak. Nagsimula ang mga ito na kunin ang mga paninda ng mga tindero/tindera sa bangketa. Nakita niya si Aling Selma na pumalag nang dalawang mamang naka-asul ang humila sa bayong nito.
Na-stuck-up siya.
Galaw... Galaw...
Humugot si Aling Selma ng patola mula sa kanyang bayong at pinagpapalo ang mga lalakeng di binibitawan ang kanyang bayong.
Tangina, galaw. Tutunganga ka nalang?
Napakuyom ang kanyang kamay.
Nagsimulang umalingawngaw sa kanyang utak ang pagmumura ng mga mamang naka-asul at ang pagsagot ng mga magtitinda.
Unti-unti'y nagdilim ang kanyang paningin, at humakbang ng kusa ang kanyang mga paa.
"Putangina, tanda, akin na nga ang benta!"
"Boss, wag naman ganyan! Walang pangkain ang mga apo ko mamaya!"
"Pinapakumpiska nga ang mga basura nyo eh! Alam niyo namang nanghuhuli, nandito pa din kayo!"
Nangamoy ang langsa.. Wala pang segundo'y naramdaman niyang namamasa ang laylayan ng kanyang pantalon.
"Boss, wag naman!!", sigaw ni Aling Selma.
Langsa. Basa. Pagmamakaawa.
Nagliwanag ang kanyang paningin at natagpuan niya ang kanyang sariling isang dipa na lamang mula sa tatlo na ngayong mamang naka-asul na pinagkakaisahan si Aling Selma.
Uwi na. Bilis.
Sabay talikod, at matulin na naglakad palayo sa gulo.
Langsa. Amoy pa din niya ang langsa kahit gaano na siya kalayo.
Alas dyes ng gabi nang maalimpungatan siya gawa ng bulungan sa labas ng kanyang kwarto. Nagtakip ng tenga, nagtalukbong ng kumot. Pinilit niyang bumalik sa kawalan nang makapagpahinga... Pinilit, kaso...
"Wala ka nang aasahan diyan. Nagsasayang lang ng oras ang batang yan. Di na nga bata yan eh, ganyan pa din!"
"Ewan ko ba dyan. Hayaan mo sya nang malaman nyang walang patutunguhan ang buhay nya."
Buntong-hiniga.
Dadi Lord, ginusto mo bang marinig ko to? Alam ko hindi eh, kaya tama na, pwede? Changgala, patulugin mo ako.
"Ma, kakaen pa ba yan si ate?"
"Iwanan mo lang dyan ng pagkaen. Dapat nga di na pinapakaen yan eh."
"Nakikini-kinita ko, wala talagang kalalagyan yang ate mo. Walang mararating."
Sapul.
Balikwas paupo. Napagawi ang tingin sa door knob, at nang ito'y nakitang naka-lock, napasabi na lamang siya ng, "Putaena niyo, itaga niyo sa bato!"
Dagdag pa ang boses ng nanay niya, "Pag tumagal at wala pa din yang kwenta, let her be. Wala nang nagawang mabuti. Wala nang nagawang tama."
Tumayo siya. Pumunta sa kabinet, binuksan ito at kinapa sa may likuran.
Isang kaha ng yosi para sa isang gabing page-emote.
Nang siya'y nakasindi na at napaupo sa sahig sa paanan ng kanyang kama, nagsimula nanaman ang pagwawari-wari.
Lahat nalang mali.
Sabay tingin ng masama sa sangkatutak na medalya at sertipiko sa pader.
Lahat nalang kulang.
Puff. Malalim. Nagnanais na pakalmahin ang nagma-marathon na pulso.
Kaya kahit kelan di ko sinabing matalino ako kase parati akong pinakabobo sa pamilyang 'to. Kahit anong gawin ko. Kahit ano. One day you're all gonna swallow what you said about me. NOTED. One day, I'll call you up and shout at you guys to say I've passed the Bar with you expecting me not to!
At nang nilapit niya ang kanyang yosi sa bibig, naramdaman niya na nabasa ang kanyang daliri.
Luha. At sakit.
Sarap.
Its what keeps her alive.

Pursigido ka namang mag aral ate essa diba? sabi nga papasa ka kung sa tingin mo di ka matalino, pero kung wala kang motibasyon sa sarili posibleng hindi mangyari ang gusto mo.
TumugonBurahinMatalino ka, naikukumpara mo lang yung sarili mo sa paligid mo. Wag silang pansinin. Ganyan ako minsan. Pakiramdam ko ako yung pinaka mahina. Kaya kadalasan gumagawa ako ng sarili kong mundo yung ako lang. Dun kase bida ako. :)
wag nang mag-aral! mag-aasawa lang din naman eh hahaha. peace tayo!
TumugonBurahinmahalaga ang pag aaral. mandato ito sa henerasyon nating sinusukat ang pagkatao sa propesyong kaakibat ng ating pangalan.
TumugonBurahinpero, pero, pero...
hindi lahat ng may titulo ay nakakakita at nakakaramdam sa nakikita mo at nararamdaman. higit ang meron kang hindi nakuha sa eskwelahan ng iilan. may saysay ang pintig ng puso mong nagpapaliwanag sa bata bilang ate, bilang kalaro, bilang nakiki-alam na mamamayan.
yun na yun essa. kailangan ang edukasyon para hasain pa ang dati nang meron ka na.
ingat lagi!
batit ka lumipat sa blogspot? mas madali sa akin maka access sa wp, mapa post at comment. hate ko kasi yung mga captcha bullshit dito. yun lang po!
TumugonBurahin@Monik : Lels kang tunay Monik, pinag-iisipan ko pa kung gusto ko ngang mag-aral.
TumugonBurahin@Sir Joey : Gusto ko ngang mag-asawa na, kaso kakalbuhin ako ng nanay ko. Lels
@Sir Duks : Pasensya na kung napalipat ako Sir Duks. Pero masaya ako na hanggang dito eh dumadayo ka padin. Siguro nga'y tama kang kailangan pang hasain ang meron ako, kaso napupurol din ang teorya at substantive lessons sa aplikasyon sa tunay na buhay. Madalas, hindi naman ito talaga ginagamit kung gusto mong mabuhay na parang tunay na tao. Pero ika mo nga, "sinusukat ang pagkatao sa propesyong kaakibat ng ating pangalan". Sa puntong yon, I rest my case Sir. Salamat ng madami :)