Lunes, Oktubre 3, 2011

Lihim kong sulat sa'yo




Sa'yo,

Hindi mo alam kung ilang beses na sa loob ng halos limang taon ako napatingin sa parehong tanawin, sa parehong langit, na may parehong mga bugtong sa isipan. Sa mga pagkakataong napapamuni-muni ako, nakakatawa na lamang kung bakit hanggang ngayon, hindi ko pa rin masagot ang mga tanong na
bakit ba mahal pa rin kita?
bakit hanggang ngayon, di ko pa din magawang lumakad palayo sa iyo na di bumibigat ang kalooban? 
bakit hanggang ngayon, di pa rin kita magawang iwan? 
Iyong iwan talaga, iyong tipong magagawa kong burahin ang ating mga alaala mula sa aking isipan na kasing-dali ng pagbubura ng text messages sa cellphone.

Hindi mo alam kung gaano kita kamahal, kung gaanong ang mundo ko ay umiikot sa iyo, kung paanong ang kinabukasan ko ay naka-angkla sa atin, sa iyo.
Hindi mo alam kung ano ang mga ibinuwis ko magtagal lamang tayo, kung paano ko hinamak ang lahat na maaari kong isakripisyo para di ka lamang umalis.
Hindi mo alam kung gaano ko ka-gustong lubayan na 'to, lubayan na tayo, at hindi mo din alam ang impyernong pinagdaraanan ko tuwing "inuuto" mo akong wag nang lumayo.
Kahit ilang beses ko nang sinasabi sa iyo, hindi mo alam kung ilang beses sa ilang taon mo na ako pinatay, at ilang beses sa loob ng relasyong ito pinilit kong tumayo at ipagpatuloy ang buhay ---  ang buhay na ginugugol sa pagmamahal sa'yo simula't sapul tuwing umaga akong gigising sa liwanag ng araw.
Hindi mo alam ang pakiramdam na sa tuwing ako'y didilat, mukha mo ang unang maiisip at pangalan mo ang unang namumutawing bulong mula sa aking mga labi.

Bata pa ako noon, pero sa loob ng ilang taon ay tumanda ako kakaisip sa atin, sa iyo, tumanda akong natututo, at ika'y naiiwan sa ugaling taglay mo mula pa noong una.
Hindi kita sinisi noong ika'y nagpakasasa. 
Alam kong ako'y parte ng naging problema. Tinanggap kong sa ati'y may kulang, at noong mga panahong iyo'y wala akong kapasidad na punan ito kaya di na ako nagdrama.

Hindi kailanman ako naging perpekto, at hangga't sa kaya ko'y pinipilit kong intindihin kapag ika'y "nagkakamali" o "nakakalimot". Ilang beses kitang tinatanong kung ano ba ang kulang, ano pa ba ang iyong kailangan, at alam mong sa ating mga pinagdadaanan, tanging ang iyong sagot dapat ang magiging gamot. Gamot sa nababangag kong puso nang mawala na ang ke-gagandang mga asungot.

Napipinid ang luha, pero kapag ito'y aawas na, kelangan na nitong kumawala. At ayokong dumating muli sa puntong kapag tinanong kitang, "Ano nanaman ba ang problema?" ay makakarinig ako ng isang madaling "BASTA..." o "Wala.."
Putangina, sino ba ang hindi magdududa? Di ako bobo pero pagdating sa'yo at sa lahat ng pagkukulang ko kuno, ako ang pinakamalaking tanga. Kung sasagot ka ng maayos, hala, eh di ito'y tapos na at kung anumang meron ay mareresolba.

Babae ako. 
Lalake ka. 
Ngunit di sapat na dahilan ang pagkakaibang iyon para hindi mo ako mahalin sa paraang mahal kita, para hindi mo ko mahalin sa paraang gusto ko, para idahilan mong iba ka at iba ako. Nagawa na natin 'to, nagawa na nating lusutan ang lahat ng kagaguhang idinulot mo, at sa bawat isang iyon, ikaw ang parating sumusuko at ako'y naiiwang ipinaglalaban ang pagmamahalang naniniwala akong meron tayo. Pre, alam kong alam mong bumabalik pa din tayo sa isa't isa kahit anong klaseng pagtataboy mo sa akin palayo.

Mahal na mahal kita. At kung alam mo ang mga bagay na ito na hindi ko ginustong isumbat sa iyo ng harapan, sana'y maisip mo na kailangan mo nang matutunang matauhan at makitang sa lahat ng taong nasa mundo mo, ako ang nanatiling nasa tabi mo habang ang lahat ay ika'y ipinagkakalulo.



Putangina mo, mahal na mahal kita, gago.

Mula sa akin.

2 komento:

  1. Hindi-nagpakilalaOktubre 04, 2011 8:28 PM

    alam kong hindi mo kailangan ng anuman kagaya ng komentong tunog nagpapayo. nagmamahal ka sa paraang alam mo, at siyempre, kung alam mo ang isang bagay, alam mo rin kung anu-anu nga ba ang dinatnan mo roon, kung wala roon ang inaasahan mo, dapat tanaw mo rin yung exit.

    hindi yan payo essa. ilang realization yan na natutunan ko pero hindi ko rin alam kung para saan.

    TumugonBurahin