Sabado, Enero 26, 2013
Last Full Show
Hindi niya alam kung bakit lahat ng pagmumuni-muni ay nagaganap habang, o pagkatapos, ng isang sesyon ng pagpapausok, pakikipagtalik, paglaklak ng alak, o pag-inom ng kape.
Sa pagkakataong ito, naglalakad siya sa kahabaan ng Aurora Blvd., hindi iniinda ang usok mula sa mga humaharurot na sasakyan, at sinasabayan pa ang baho ng lansangan ng paghithit sa kanyang pangatlo nang yosi.
Hindi niya din alam kung bakit sa lahat ng pelikula, Life of Pi pa ang pinili niyang panoorin nang mag-isa sa last full show.
Nakakagambala ang ideya kung mayroon nga bang kaluluwa ang mga hayop. Mas nakakagambala ang ideyang wala sila nito at ang nakikita mo tuwing titig ka sa kanilang mga mata ay ang sarili mong nakasalamin at tumititig pabalik sa'yo.
Nakakita na siya nang mga ganoong tingin. Mga titig mula sa mga tigre, unggoy o elepante sa Manila Zoo. Tinging nasasaktan, natatakot, nawiwirduhan. Tingin ng isang nabubuhay na nakakulong naman.
Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Tingin mula sa mga gumagamit ng droga. Tinging nalilito, nawawala, hindi nakakaunawa. Tingin ng isang taong kahit anong pakikipag-usap ay hindi mo maaabot, maski salita o pakiramdam.
Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Mga pahapyaw na pagdaan ng mga mata ng mga nagbebenta ng ilang oras na aliw. Tinging wala nang magawa, malilikot, nanunuri, nang-eestima, napipilitan, natatawa. Tingin ng mga taong hindi mawari kung bakit hindi sila makaalis sa ganoong sitwasyon kahit anong pilit nila.
Nakakita na siya ng ganoong tingin. Tingin na nakasalamin sa lahat ng mga mata na kanya nang nakasalubong. Tingin na nakikita niya tuwing sinasalubong niya ang sarili niyang pagtitig.
Nakikita niya ang sarili niya sa bawat isang pares ng mata na nakipag-ulayaw na sa kanyang pagtitig. Sarili niya na nawawala, nalilito, nasasaktan, natatawa, napipilitan.
Putangina. Ang nagagawa nga naman ng pag-iisa, oo....
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

hahahaha.. natawa ako sa huling sentence.. seryoso na eh... namnam ko na ang bawat salita...
TumugonBurahinMuli kang nagsulat Essay... mabuti ka pa samantalang ako'y laging sabaw.. :D
Shy, BnP na ni Sir Bino, sali us :)
TumugonBurahinplano ko rin sumali.. pero hanggang ngayon sabaw na sabaw... pero subukan natin humabol.. AJA!!! :D
TumugonBurahin