Martes, Mayo 14, 2013
Hina-halimaw na yata ako
Hindi ko alam kung may makakaintindi ng takot na dala sa akin ng gabi, kung kailan ang bawat ideya, emosyon at pakiramdam na aking ibinabaon at itinatago mula sa haring araw ay nagkakaroon ng sarili nilang buhay:
mga galamay na lalabas mula sa aking kaibuturan,
mga ulong may mga bibig na kapag iyong sinilip ay may hindi maarok ang kailaliman,
mga matang nagtitila salamin at ipinapakita ang sakit at hinagpis na parati kong ikinukubli.
Gagapang sila paakyat sa kisame kung saan sila ay sasayaw, magliligalig, maglalaro at magpipiyesta habang ang aking mga mata'y hindi magkamayaw sa pagtanaw sa kanila. Ganyan ang sakit: nais mong hindi lingunin, nais mong hindi tignan, ngunit hindi mo mapipigilang panoorin ang iyong sariling nilalamon, kinakain nito.
Sa kisame, sila'y buhay na buhay, at dadalhin ako sa isang impyernong gabi lamang ang makakapagparanas sa akin: kung kailan ang bawat alaala ng araw ay babalik, susuriin sa kabuuan, at hihimayin, hanggang ang bawat isa sa pinakamaliliit na detalye ay magkakaroon ng kakaibang ibig sabihin, na kung titignan mo sa pangkalahata'y kabaligtaran ng una mong naging impresyon sa nangyari.
Mawawalan ka ng ulirat, malulunod sa kanilang mapanlinlang na pagbabalik ng bawat tinig, bawat salita, bawat himas, bawat kapit, na iyong tinanggap sa buong araw, at ika'y dadalhin sa isa pang dimensyon kung saan ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay ang ultimong mga bagay na iyong kinakatakutan.
Nanaisin mong umiyak, umungol, magtago mula sa dilim na sa iyo ay bumabalot, ngunit mapagtatanto mong wala kang kawala dito. Hindi magiging sapat ang pagpapatugtog ng masayang musika, o ng pagbubukas ng ilaw, o ng pagkukubli sa ilalim ng sangkatutak na kumot at unan, dahil hindi ka man nila pisikal na gagapangin ay unti-unting lalasunin ng dilim ang kaunting katinuang naipon mo sa buong araw.
Hindi, oo, hindi mo maiintindihan ang takot na dala sa akin ng gabi.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Galing! You never fail to amaze me... Talentado ka!
TumugonBurahinhanga ako sa bagsakan ng iyong mga salita! Hanep!
At hanga ako Sir sa iyong parating pagdaan!
BurahinBihira ang mga taong nakaka-appreciate sa "dilim" ng ibang tao. Hanga ako sa mga taong bukas ang isip upang tanggapin ang pagkakaiba-iba ng bawat isa.
At dahil ako'y nagising na maganda ang mood, nabola tuloy kita.
Hahahaha, salamat po muli!
Iba-iba ang impresyon natin sa dilim, may nagsasabing may saya, may landi. Yung iba'y may takot at pangamba.
TumugonBurahinBuhay na buhay ang iyong tahanan.. samantalang ako... NGANGA... hohohohohoho...
Taas dalawang paa!!! rak en rol! \m/
Shy, samahan kitang maghukay ng maisusulat sa tulong ni Pareng Tanduay Ice :) Miss ko na kayo! Laboy tayo minsan? :)
BurahinUy! Nakita ulit kita :) Hehehe
TumugonBurahinWah! :)
Burahinramdam kong madalas akong mapapatambay dito. *himas sa kakaunting balbas*
TumugonBurahin*nakihimas sa kakaunting balbas* Salamat po sa pagdaan :)
Burahinhanggang dito na muna ang pagbabackread ko sa mga post mo, baka sabihin nila na masyado akong bias sa pagbabloghop.
TumugonBurahinsa dilim mo kasi makikita ang tunay na kulay ng mundo... dahil lahat tayo sa dilim nagumpisang sumibol bago pa man maipanganak sa mundo.
TumugonBurahinBack read po ako sa mga post nyo. ang mga ito ay Simple pero Rock.