Naalala ko ang pag-aninag natin sa isa't isa noong isang gabi nang binalot tayo ng usok mula sa ating mga sigarilyo.
Nakaupo tayo sa labas ng bahay: maya't mayang sumisipol upang tawagin ang hanging hindi naman dumadating upang pawiin ang lagkit na dala ng init.
Tag-araw kahit gabi.
Nakatingin ako sa iyo sa ibabaw ng bunganga ng bote ng alak. Tinititigan ko ang iyong mukha, naghahanap ng kahit isang segundong emosyon sa iyo habang nagkukuwento ka tungkol sa iyong tatay.
Ilang minuto sa loob ng iyong kuwento'y itinuon ko na ang aking paningin sa maliwanag na langit ng gabi. Kaunti na lamang noo'y maniniwala na akong wala ka nga talagang puso dahil ni anumang bahid ng pakiramdam ay wala akong makapa mula sa iyo.
Ilang saglit pa nang mapansin kong tumigil ka na sa monotonong pagkukuwento mo.
"O, tuloy mo lang," giit ko.
Ang isang palad mo noo'y nakatakip sa iyong bibig.
Pagtataka sa biglaang katahimikan at sa palad mong nasa iyong mga labi.
"Sorry," wika mo.
"Anyare sa'yo?"
"Muntik na...." Nagsindi ka ng isang yosi, napabuntong-hininga, sabay tumingin sa langit.
"Sore point ba yung kinukuwento mo kanina?"
"Di naman...." Tumingin ka sa akin, sinisipat mo kung paano ko tatanggapin ang mga susunod mong salita.
"Di naman. Muntik lang kitang sabihang mahal kita nung natigil ako bigla at napansin kong di ka na nakikinig sa akin."
Napasindi ako ng yosi. Isang hithit upang magkaroon ako ng tapang na salubungin ang tingin mo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento