Huwebes, Hulyo 9, 2015

Sana kaya kitang isuka sa parehong paraan kung paano ko isinuka ang aking kalamnan kagabi







Masyadong maginaw kagabi.

Hindi napawi ang kalamigan ng dalawang bucket ng red horse at isang kaha ng yosi.

Hindi ka gaanong gumulo sa aking hintutuna dahil may mga kasama ako.

Pero nang nakauwi na, nang natagpuan ko na lamang ang sarili kong nakaupo sa sahig ng kubeta habang pinapatigil ko ang pag-ikot ng aking paningin at habang pinapakalma ko ang aking sarili, naluha ako nang, mula sa kawalan, naalala ko na mas komportable akong magpakalasing na kasama ka.

Sa lahat lahat ng pagkakataong nalasing ako habang nariyan ka, hindi mo ako kailanman nakitang umiyak.

Mabuti na lamang na kagabi ako humagulgol dala ng sobrang pagkaalila at kalungkutan.

Mabuti na lamang at kagabi'y

wala ka.

Dahil hindi mo kailanman maiintindihan na sadyang may tipo ng pagkabalisa na hindi dala ng panahon o ng hormones.

Malungkot ang tag-ulan.

Mas malungkot nang maalala kong hanggang ngayo'y sinasanay ko ang aking sarili na uminom na wala ka. Nalulungkot ako sa kakaisip kung saan ko hinahagilap ang lakas ng loob na kahit walang umaakay sa aki'y nakakauwi ako ng mag-isa, kung paano ko sinusubok na lumakad sa isang tuwid na linya bilang batayan kung kaya ko pa.

Kaya ko. Kaya ko pa.

Madalas akong masabihang malakas daw ako uminom pero pag narinig mo ito'y sigurado akong tatawa ka.

Kilala mo ako. Kilala mo ang mga kahinaan ko. Kabisado mo kung hanggang ilang bote lang talaga ang kaya ng aking sikmura bago ako tumingin sa kawalan at punuin ang sarili ng katahimikan. Sa mga ganoong pagkakataon ka na tatayo at yayayain akong umalis na.

Na-miss kita kagabi. Walang bola. Walang drama.

Walang kamay na mahagip ang aking mga palad habang naglalakad ako mag-isa. Walang umaagaw sa payong na hawak ko dahil kulang tayo sa silungan. Walang naniguradong tama ang pinara kong dyip pauwi. Walang nagsisindi ng yosi sa bawat hugot ko dahil hindi ko na makapa kung saang bulsa ko inihagis ang lighter. Walang nagyayayang dumaan sa 7-11 o Ministop upang bumili ng kahit anong fluid, dahil puta, hilong-hilo na ako.

Naalala ko lahat ng iyon kagabi. Naramdaman ko ang kabuuan ng kawalan mo kagabi.

Na-miss kita, pero hindi ko nanaising bumalik ka pa.

Na-miss kita, pero sa ngayo'y sapat na para sa aking gawing kapitan ang mga alaala.

Na-miss kita, pero habang nakasalampak ako sa sahig na iyon at umiiyak habang dumuduwal, naisip kong kayang punan ng iba ang espasyo mo sa buhay ko.

Na-miss kita, pero sigurado akong ang iniyak ko talaga ay ang pagkatanto kong, sa wakas, patapos na ito.

PUTANGINA,


patapos na ITO.






Kaunti na lamang at bibitaw na ako.


6 (na) komento:

  1. ang gusto ko dito ay yong malutong na mura na hindi ko nagagawa.

    pero ramdam ko pa rin ang lungkot essa. :-)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Salamat sa pagdaan, Ani. Bagong hangong chicharon ang lutong ba? Ganyan talaga ang dala ng ulan, huhubells

      Burahin
  2. Hindi-nagpakilalaHulyo 16, 2015 10:28 PM

    Bumuga na naman ng apoy ang putangina... hayufff walang kupas...

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Hi Anon! Salamat sa pag-refer sa'kin as "putangina", dahil natawa akong wagas! Mas trip kong tinatawag akong ganyan, hahaha! Salamat sa pagbabasa. Kahit minsan na lamang magpaskil eh may mga naki-click bait pa pala :)

      Burahin
  3. Hindi-nagpakilalaHulyo 17, 2015 10:40 AM

    Essa!!! tagos sa puso't kaluluwa ang post na 'to.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Salamat sa pagdaan! Wala ako pareho nung tinukoy mo, loljk. Musta na pogi? Ano nang balita sa'yo?

      Burahin