Biyernes, Hunyo 26, 2015

Timeline: 2009 - 2010

Hinahayaan ko ang sarili ko ngayong dumayo sa sulok mo ng utak ko pagkatapos kong pagbawalang magawi ito malapit sa iyo ng isang buong araw kahapon.


Nag-ubos ako ng tatlong oras ngayong araw upang magbura ng lahat ng bahid mo sa timeline ko. Simula noong 2009 nang magsimula ako sa Facebook, binalikan ko lahat ng ipinaskil ko. At kasabay ng pagkapansin ko ng evolution ko bilang tao, manaka-naka kong nababasa ang lahat ng bagay na tungkol sa iyo at sa atin na naging matapang akong ibahagi sa mundo.


Naduwag akong burahin ang ilan. Ito na lamang kasi ang mga pruweba na minsan, talagang naging tayo.


Ang mga ito na lamang ang patunay na nagkaroon ng panahong nagmahalan tayo . . . ng mga panahong minahal mo nga ako.



Ngayon ko lang napansin na karamihan ng mga ipinapaskil ko tungkol sa'tin ay ang mga sama ng loob ko sa iyo (na noong panahon na iyo'y kadalasa'y pinapalagpas ko). Mga oras na naghihintay ako ng mga mensahe mula sa iyo, ng mga oras na parati mo akong inaaway nang walang dahilan (na ngayo'y pamilyar na ako sa totoong rason).



Habang itinitipa ko itong post na ito'y napaisip ako kung anong taon na nga ba tayo nagsimula. Tanda ko pa ang araw at ang buwan, ngunit 'di ko maalala ang taon. Hindi ko alam kung dapat ko ba itong ikalungkot, ikabahala o ikatuwa.



Yung mga bagay na akala ko noo'y mahalaga sa pagitan nating dalawa'y unti-unti nang nalulusaw mula sa aking memorya. Lahat ng sabi ko'y mahahalagang araw, mahahalagang nasabi mo, mahahalagang pangyayari sa buhay mo't buhay ko, karamiha'y unti-unti nang nawawala. Iilan na lamang sa mga pangalan ng mga pinsan mo, sa mga tshirts mo, sa mga paborito mong iginuguhit, sa mga gusto mong kinakainan, ang aking naaalala.



Unti-unti na kitang di nakikilala.



Pero hanggang ngayon, nagtataka ako kung kailan na din magsisimulang mawala ang bakas ng iyong pananalita sa aking mga labi, ang amoy ng iyong pawis sa aking balat, ang iyong tawa sa aking tenga. Naghihintay akong dumating ang panahon na hindi ko na maririnig ang iyong boses tuwing kakain ako ng agahan sa McDo, na hindi ko na maaamoy ang iyong mga daliri tuwing may nakakatabi akong naninigarilyo ng Marlboro Red, na hindi na kita malalasahan sa bawat pagdampi ng Red Horse sa aking mga dila, na di ko na mararamdaman ang iyong palad sa aking tuhod tuwing ako'y nagsisimba. Mananatili akong umaasa na hindi na parating mga mata mo ang maaalala ko tuwing may tumitingin sa akin ng diretso.


Hanggang sa 2010 na lamang ang pagsisiyasat ko.
Hanggang 2010 na lamang muna ang kaya ng hintutuna ko.



Hanggang 2010 na lamang muna ang pagbubura ko dahil madilim ang langit ngayon, at paniguradong giginawin na naman ako mamaya sa daan pauwi sa dami ng mga bahid mong kailangan ko pang ibaon.










2 komento: