Lunes, Hulyo 4, 2016

Itinabi ko ang liham ng aking pamamaalam sa iyong mga alaala




 11/25/2015



'Di na kita naaamoy sa kahit saang sulok ng CubaoEx.


Hindi na din ako natatakot na makasalubong ka, kayo, at hindi na din ako natatakot na kumustahin ka at ngumiti sa iyo.

Nitong mga nakaraang buwan, marami na masyadong nagbago.

'Di na kita kasama sa maraming pangyayari sa buhay ko.

'Di na kita naaamoy sa aking mga daliri.
'Di ka na din sumasagi sa isipan ko sa bawat umagang gigising ako sa sinag ng araw.
Hindi na ikaw ang naaalala ko sa mga panahong may mga nais akong ikwento, o sa mga panahong masaya ako.


Sumasabit ka pa din naman sa mga alaala ko, pero hindi na ganoon kadalas.


 Kaya ko nang mabuhay nang wala ka.

Kaya ko nang kumain nang 'di iniisip kung nakapagtanghalian ka na ba.
Kaya ko nang uminom nang 'di ka hinahanap.
Kaya ko nang umuwi ng madaling-araw na 'di natatakot na 'di ka kasama.
Kaya ko nang dumayo sa kung saan saan nang 'di nalalaman kung ano ang masasabi mo tungkol sa aking mga pinaggagagawa.
Kaya ko nang manood ng sine nang wala ka sa tabi ko upang ipaalala na hindi ko kailangang umiyak.
Kaya ko nang uminom ng kape na hindi ikaw ang nagtitimpla.





Kaya ko nang tumingin sa mga bituin na 'di nakikita ang mga mata mo.

Kaya ko nang mabuhay nang wala ka sa paraang kaya ko nang huminga ng maluwag nang walang kahit anong salita mula sa iyo.
Kaya ko nang tumawa sa lakas ng hangin na 'di naririnig ang mga bulong mo.
Kaya ko nang matulog sa gabi na di naririnig mula sa iyo ang isang " Sana mapanaginipan mo ako".


Sa ngayon, pwede ko na sabihing kaya ko na na wala ka.



Kaya ko na.












Oo, kaya ko na.







3 komento:

  1. sa wakas! kaya mo na. hahaha saka nagsulat ka ulit xD

    TumugonBurahin
  2. Ang bigat kapatid, maka-tapyas puso yung mga daing. Husay, ramdam ko yung bawat espasyo ng mga taludtud, ramdam ko yung bawat pag-isip ng mga kataga bago simulan.
    Ramdam ko yung nag-aagaw na ngiti at hikbi sa mga salita. Kasiya-siyang kaya mo na, ngunit sana talagang kaya mo na, kaya na natin.

    TumugonBurahin