Lunes, Setyembre 24, 2018
Wala na akong makwentuhan ng mga walang kwentang bagay
Ipinatong ko ang aking bag sa mesa at nakatayong naghihintay ng kahit anong pares ng mata ng kung sino sa mga serbidor na mapalinga sa kung nasaan ako nakapwesto. Nang may nahagilap akong atensyo'y sumenyas ako na puntahan ako.
Iniabot sa akin ang menu, at porket kabisado'y ngumiti na lamang ako at nagsabing, "Isang order ng Chicken in the Basket tas isang San Mig Light." Tumango naman si Kuya: mabilisang naglista sa notepad na bitbit niya bago pumasok at maya'y maya'y lumabas muli upang abutan ako ng isang bote ng beer, isang baso at isang bucket ng yelo.
May dalang katahimikan ang paglagi sa mga lugar na pamilyar ka.
Umupo ako't hinugot ang aking telepono - sumagot ng ilang mga mensahe, mabilisang kumuha ng litrato, nagpaalam na nasa labas lang ako. Lahat ng ito habang iniiwas ang paningin sa naglilingunang mga ulo ng mga kalalakihang napansin na mag-isa nga yata akong nandito.
Hinintay kong mag-alas siyete - basa ang kalsada, maulap, malamig ang hangin at puno ng amoy ng pinipritong mga ihahain sa mga parokyano.
Habang sinasawsaw ang fried chicken sa gravy na binuhusan ko ng hot sauce ay naisip kita.
Naisip ko kung paano kaya kapag pinili kong ipakilala sa iyo yung mga lugar na naging parte ng aking mga kwento, na nakarinig sa lahat ng mga pagkukumpisal ko, na nanatiling sementado habang yung mundo ko'y nagkalabo-labo.
Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito para maamoy yung hangin, para maramdaman yung ginaw na dumadalaw tuwing alas-otso ng gabi: yung ginaw na pumalibot sa amin, sa akin, sa mga pagkakataong di maarok ang rason ng lahat ng pagaatubili. Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito upang iparinig yung playlist na pinapatugtog nila na kadalasa'y early 2000s hiphop at rnb, habang ngumangata ng liempo at lumalagok ng beer.
Napatanong ako kung makikilala mo kaya ako
sa amoy,
sa tunog,
at sa pakiramdam ng lugar.
Malalaman mo kayang lumalagi nga ako dito? Mapapabulong ka kaya ng, "Oo, ito nga pwesto mo"?
Mapapatingin ka kaya sa kalsada at mapapasabing, "Gets ko na kung ba't madalas kang nandito"?
Agosto 2018
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

salamat sa pagiging bahagi ng blog ko sa 10 years...celebrating 10 years, Written Feelings....
TumugonBurahininom tayo..
Dayong, hayaan mong mag paalam ako sayo. Mabasa mo man ito o hindi, gusto ko lang sabihin sayong SALAMAT at MAHAL NA MAHAL KITA. Gusto kong kahit ngayon lang at ito lang nag huwag mong kukuwistyunin at kakalimutan. Labing isang taon na ikaw lang ang mundo ko at tanging dahilan ng aking pag hinga. Paalam.
TumugonBurahinMadaling-araw nang mabasa ko ang iyong mga komento, at hindi ko mapigilang mapatingin sa kisame habang naghihintay na magbukang-liwayway.
BurahinHindi ko alam kung mababasa mo ito, pero kung sakali, gusto ko lang sabihin na bigyan mo ang sarili mo ng panahon. Mahirap kumalas - napakatapang mo para gawin ito para sa mga umaasa sa iyo, pero higit sa kanino man, para sa sarili mo.
Oras ang karamay mo sa pagtawid. Ang mga taong tunay na nagmamahal sa iyo ng walang paga-atubili at kondisyon ang hihilom ng mga sugat. Mabigat man ngayon, at kahit anong sabihin ng kung sino ay hindi mawawala iyon, pero manalig kang may bukas. At bukas, manalig kang may susunod pa ring bukas. At bukas. At bukas.
Hindi matatapos ang paghahabol natin sa pag-asang makakaupo tayo sa katahimikan ng ating mga sarili. Hindi pa ngayon, pero bukas. O bukas makalawa. Bukas lang ng bukas hangga't makarating ka doon.
Salamat sa pagtatala. Salamat sa pagbabahagi ng sakit na kalakip ng sulok na ito ng blogospersyo. Maniwala kang parating may makakabasa - hindi man siya - pero parating may makakabasa.
Parati kong mababasa. At sa bawat pagkakataon na kakatok sa akin ang kalungkutan mo, hindi man tayo magtagpo sa oras ay asahan mong sa bawat linyang naaabutan ko'y nandyan ako kasama mo.
Kaya kapit lang. Darating rin ang bukas.