Huwebes, Oktubre 18, 2018

Tag-Init




Nitong mga nakaraang araw, iniisip ko kung bakit kapag pinipilit kong luksuhin ang lubid at tuluyang magwalang-bahala'y natatalisod bigla ang aking mga paa.


Kailangan ko din sigurong ikumpisal na sobrang natatakot ako -


Na baka ihain ko lahat ng aking mga istorya sa mesa, ilantad lahat ng aking mga kahinaan, kantahin ang buhay ko nang wala sa tono,


At makikita, mababasa, maririnig mong lahat ang mga ito at nanaising humakbang palayo.




Hindi tayo yung alinsangan.
Hindi tayo yung hapdi ng mga sinag tuwing tanghali.



Tayo yung ulan na bigla na lamang babagsak dahil masyado nang naipon ang init at hindi na kaya ng langit ang pangmamanhid.


Tayo yung ulan na bubuhos ng isa, dalawa, tatlong oras bago tuluyang titila at iiwan ang basang hangin.




Tayo yung nangyayaring hindi naaayon sa panahon - 
Tayo yung nangyayaring hindi nagaganap sa tamang tiyempo.





Mayo 2018







7 komento:

  1. *Hindi tayo yung alinsangan.* Gusto ko to. Napadaan lang ulit sa blogger world. :))

    TumugonBurahin
  2. hinanap kitang muli

    TumugonBurahin
  3. Hindi-nagpakilalaAbril 18, 2026 2:59 PM

    at muli kong binalikan ang damdaming matagal tagal ko na ding isinilid sa limot

    TumugonBurahin
  4. Hindi-nagpakilalaAbril 19, 2026 1:44 PM

    bakit ang kanyang marahang buntunghinnga pa din ang nadidinig ko sa gitna ng ingay ng lansangan?

    TumugonBurahin
  5. Hindi-nagpakilalaAbril 19, 2026 1:46 PM

    kagabi, katabi ko siya kasama ng lahat ng mga pangarap naming dalawa. pag gising ko kinumutan ako ng pangamba, kaya ba namin? sapat ba talaga ang pag ibig lamang?

    TumugonBurahin
  6. Hindi-nagpakilalaAbril 30, 2026 3:20 PM

    kailangan ko lang mag sumbong --- hindi ko na kaya, hindi ko alam kung iiiyak ko ba o mananatili akong bato pansamantala habang nag aantay ng katapusan nating dalawa. o katapusan nga ba ang nag aantay sa araw na ito. natatakot ako nanananabik, dahil alam kong masakit kung tuluyan tayong matapos, ngunit makakahinga akong muli sa espasyong matagal kong nilisan, makakapag luto akong muli, makakapag tupi ng damit, maaalagaan kong muli ang aking mga anak, ang aking sarili.. ang aking mga aso na siyang nag salba sa akin sa loob ng sampung buwan nong iniwan mo ako, at ngayon kung muli kang lilisan, at sabi mo nga ay kung matuloy ang iyong poag suko ngayong araw, ay hinding hindi mo na ako muling gagambalaing muli, magpakailanman... paano ko ba ilalarawan ang nararamdaman ko ngayon, yung puso ko tumitibok pero parang sinugatan ng blade, mahapdi - pero tumitibok... mahal na mahal kita, labing isang taon na wala akong ibang ginawa kundi isuko ang lahat ng komportable at maglaro ng bahay bahayan at siguruhing ama ka ng tahanan , hari kahit pa ang ako ay ang may buhat ng lahat... ngunit kahit ako pa ang pinaka maganda at matingkad na kulay berde, kung kulay asul ang tunay nakatha ng puso mo, hinding hindi ako magiging sapat. Panginoon ko, nagmamakaawa ako sayo, di ko na mababalik ang labing isang taon, kung hindi naman talaga kami ang tinakda mo, kapag nawasak ang puso ko ngayon, huwag mo po akong bibitawan at hayaang matumba. kailangan ako ng mga tunay na nagpapahalaga sa akin at nag mamahal. paranga wa mo na po Panginoon.

    TumugonBurahin