Sabado, Enero 26, 2013
Last Full Show
Hindi niya alam kung bakit lahat ng pagmumuni-muni ay nagaganap habang, o pagkatapos, ng isang sesyon ng pagpapausok, pakikipagtalik, paglaklak ng alak, o pag-inom ng kape.
Sa pagkakataong ito, naglalakad siya sa kahabaan ng Aurora Blvd., hindi iniinda ang usok mula sa mga humaharurot na sasakyan, at sinasabayan pa ang baho ng lansangan ng paghithit sa kanyang pangatlo nang yosi.
Hindi niya din alam kung bakit sa lahat ng pelikula, Life of Pi pa ang pinili niyang panoorin nang mag-isa sa last full show.
Nakakagambala ang ideya kung mayroon nga bang kaluluwa ang mga hayop. Mas nakakagambala ang ideyang wala sila nito at ang nakikita mo tuwing titig ka sa kanilang mga mata ay ang sarili mong nakasalamin at tumititig pabalik sa'yo.
Nakakita na siya nang mga ganoong tingin. Mga titig mula sa mga tigre, unggoy o elepante sa Manila Zoo. Tinging nasasaktan, natatakot, nawiwirduhan. Tingin ng isang nabubuhay na nakakulong naman.
Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Tingin mula sa mga gumagamit ng droga. Tinging nalilito, nawawala, hindi nakakaunawa. Tingin ng isang taong kahit anong pakikipag-usap ay hindi mo maaabot, maski salita o pakiramdam.
Nakakita na siya ng mga ganoong tingin. Mga pahapyaw na pagdaan ng mga mata ng mga nagbebenta ng ilang oras na aliw. Tinging wala nang magawa, malilikot, nanunuri, nang-eestima, napipilitan, natatawa. Tingin ng mga taong hindi mawari kung bakit hindi sila makaalis sa ganoong sitwasyon kahit anong pilit nila.
Nakakita na siya ng ganoong tingin. Tingin na nakasalamin sa lahat ng mga mata na kanya nang nakasalubong. Tingin na nakikita niya tuwing sinasalubong niya ang sarili niyang pagtitig.
Nakikita niya ang sarili niya sa bawat isang pares ng mata na nakipag-ulayaw na sa kanyang pagtitig. Sarili niya na nawawala, nalilito, nasasaktan, natatawa, napipilitan.
Putangina. Ang nagagawa nga naman ng pag-iisa, oo....
Biyernes, Enero 18, 2013
Great Taste White o Kopiko?
Ibinalot ko ang aking mga palad paikot ng tasa, nag-iisip na sana'y dumaloy ang init ng kape dito patungo sa aking kalamnan.
Masyadong malamig ang Enero. Masyadong malamig ang pagpasok ng bagong taon.
Masyadong malamig ang pagsisimula ko nito.
Naalala ko nung araw na katapusan na ng mundo kuno. Gumising ako nang umagang yun, kinaibigan at kinausap ang kisame sa tapat ng kama ko, tumingin sa orasan at inisip na di pa oras ng katapusan ng mundo sa US, kaya baka delayed din dito sa Pinas. Habang nakahiga ay naisip kong magpadala ng mga mensahe (text man o sa FB) sa mga taong kinamumuhian ko. Yung mga tipong,
"Hindi mo alam na galit na galit ako sa mga pinaggagagawa mo noong elementary tayo..",
"Namura na kita dati, na-offend ka pa nga diba, tas sabi ko joke lang yun. Pero sasabihin ko sa'yo ngayon, totoo yun..",
"Galit ako sa'yo. Galit na galit. Pero mas galit ako sa sarili ko kasi di ako tulad mo..",
o kung ano pang hater-type na message para sa isang tao na maaaring sumulpot sa aking utak.Naalala ko nung araw na ipinasa na ang RH Bill. Tumingin lamang ako sa telebisyon noon at napasabi ng, "Ngayon na magsisimula ang totoong laban.." May mag-asawang nagkondena kuno nito, at ninais na dalhin sa Korte Suprema ang usapan. Mas lalong nabuhay ang mga sermon sa simbahan tungkol sa pagiging imoral ni PNoy. Patuloy ang pagtitig ko sa isang dakot na condoms at lubricant na parati kong dala dala, nagbabakasakali na may makasama akong may gagawing himala at mangangailangan ng proteksyon. Tuloy ang isang ideya na dati ko pang kinakapitan, ideyang hanggang sa lamig nitong umaga ay nananatiling matatag:
Kultura ang kalaban. Isang kultura na hindi sanay sa mga bagong kasagutan sa kanilang mga luma nang problema sa sekswalidad, edukasyon, pulitika at paniniwala. Isang kultura na nakikitang mas imoral ang pagma-masturbate o paggamit ng contraceptives kaysa sa pagpapabayang manatili ang malalaking pamilya sa ilalim ng mga tulay na hindi makaabot sa mga serbisyong angkop para sa kanila. Kulturang may paniniwalang kahihiyan ang mabuntis nang maaga kaya't pinagtsitsismisan sa barangay kaysa tulungang magkaroon ng atensyong medikal upang hindi mamatay sa kumplikasyon sa panganganak gawa nang bata pa. Kulturang patuloy na itinataas ang qualifications sa pagpasok sa mga trabaho habang bumababa ang kalidad ng edukasyon na naibibigay sa mga nag-aaral. Pulitika na madumi na'y dinudumihan pa, na pinapasok lahat ng sulok mula sa mga isyu kay Justin Bieber at Manny Pacquiao hanggang sa pagko-kontrol ng mga baril at pangbubugaw. Pulitikang sala-salabat, pulitikang showbiz, pulitikang may sinasandigang relihiyon, pulitikang idinadaan lahat sa Twitter, pulitikang nagpaparamdam lamang kapag eleksyon o nanalo ang ating kandidata sa Miss Universe.
Naalala ko ang palagian kong pagnanais na makalayo sa lahat at makahanap ng katahimikan na hindi utang kanino man.
Naalala ko ang init ng araw sa dalampasigan.
Naalala ko ang mga katawang binalot ng putik nang nanalasa ang bagyo sa Compostela at Davao. At ang walang kamatayang paninisi ng mga mamamayan sa gobyerno sa hindi pagliligtas sa kanila. At ang paulit-ulit na bulong kong, "Sinabihan po kayo, pero sabi niyo po ay kaya ng kubo niyo o maiiwan ang pananim at alagang hayop niyo.." na hindi ko na ninais pang lakasan dahil aking natandaan na magaling tayong lahat sa paninisi sa iba sa kinahitnan ng ating mga sitwasyon.
Wag kayong mag-alala, sakit ko din yan bilang isang Pinoy, na ngayo'y inuunti-unti kong baguhin. Na sinisimulan ko sa pagwawari ng mga nangyaring mali, ano nga ba ang ginawa ko nang mga panahong iyon, ano ang payo sa akin nang iba noon, at kung paanong hindi ako nakinig sa kanila. Na paunti-unti ko ding sinusubukang ayusin ngayon sa aking maliliit na paraan.
Naalala ko.... Naalala ko siya.
At sa lamig ng umaga na di mapawi ng init ng tasa o ng kapeng dumadausdos sa aking lalamunan, napaisip ako kung saan ba tayo nagkamali. Kung bakit nga ba ang utak ko ay paikot-ikot at takot atang tutukan ang dahilan ng lamig at pagkatulala ko ngayon.
Magliligpit ako, pupunta sa inyo, kakatok sa iyo. Makikisabay magyosi sa'yo at babalutin ang oras na iyon ng katahimikan. At dahil alam kong maiinis ka sa di ko pag-imik at alam kong magtatanong ka kung bakit ako napadaan, isa lamang ang isasagot ko sa iyo:
"Ginaw eh..."
At alam kong malalaman mo na ang ibig sabihin nun ay hindi tungkol sa katapusan ng mundo, RH Bill, dalampasigan, o bagyo.
Huwebes, Hunyo 7, 2012
KM3: Maniwala ka
Tinig. Tinig ang magsisimula ng isang dagitab, dagitab na magpapasilakbo sa mga damdamin at lilikha ng apoy sa puso ng ilang. Apoy na susunog sa balat, sa ulirat, at lalamon sa diwa. Apoy na minsan nang kumain sa utak at bumuhay sa rebolusyon noon pang araw, na nagpaagos ng dugo at nakipaglaban para sa tinawag nitong kalayaan. Apoy na pagsisimulan ng pagbabago...
Pagbabagong hindi makakamit ng tinig lamang.
Tinig na walang ibang gagawin kundi maglahad, sumigaw, magsulat, at magpahayag. At sa isang lipunang nilamon na ng pulitika, pera, kapangyarihan at komersyalismo, ang tinig ay mananatiling tinig.
Nailahad.
Naikwento.
Nasabi.
Ngunit parang isang sigaw, ito ay babalik sa’yo bilang isang alingawngaw.
Alingawngaw ng sigaw, ng tinig, ng nailahad.
Babalik sa’yo na hindi man lamang nagbago: isang tunog pa din, katulad noong ito ay naibulalas mo.
Ang tinig ay hindi dapat manatiling tinig lamang. Mula dito’y dapat magbunga ang isang rebolusyon, hindi tulad noong araw nang sa dugo, kundi ng aksyon.
At ang pulutong ng tao ay dapat magtila isa, na kapag narinig ang tinig ay dadaluyan ng dugo upang magkusa. Magkusang gumawa, umaksyon, gumalaw, ayon sa nararapat.
Urong, Pilipinas. Umurong ka’t umayos, umiwas sa dating gawi. Natunaw na ang mga reklamo sa tainga ng mga dapat ay nakikinig dito. Umurong ka’t makita na hindi lamang sapat ang umasa sa kanila, na nariyan ka, sa iyong sarili, upang magkusa, upang gumawa, upang gisingin ang lahi na nagtayo ng sarili mula pa noong una.
Sulong, Pilipinas. Pagkatapos umurong ay humakbang ka pasulong. Pasulong at hindi paatras, hindi pabalik sa lumang ikaw. Gisingin ang iyong dugo sa pamamagitan ng apoy ng tinig, at isa-isang gisingin ang iba mula sa pagkakahimbing --- pagkakahimbing sa paggawa. Sumulong ka’t akitin ang iba upang gumalaw, makisayaw, sumali sa saliw ng awit na likha ng apoy ng pagnanasang maging mas maayos na bansa.
Lumakad ka ng tuluyan, Pilipinas. Tapos na ang pagtayo at pagsigaw. Humayo ka’t pairalin sa sarili ang ninais mong mangyari. Hindi mo kailangan ng bayani, dahil ang bayani ay ikaw.
Oo, ikaw, sa iyong sarili, ang bayani.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)


