Lunes, Oktubre 3, 2011

Lihim kong sulat sa'yo




Sa'yo,

Hindi mo alam kung ilang beses na sa loob ng halos limang taon ako napatingin sa parehong tanawin, sa parehong langit, na may parehong mga bugtong sa isipan. Sa mga pagkakataong napapamuni-muni ako, nakakatawa na lamang kung bakit hanggang ngayon, hindi ko pa rin masagot ang mga tanong na
bakit ba mahal pa rin kita?
bakit hanggang ngayon, di ko pa din magawang lumakad palayo sa iyo na di bumibigat ang kalooban? 
bakit hanggang ngayon, di pa rin kita magawang iwan? 
Iyong iwan talaga, iyong tipong magagawa kong burahin ang ating mga alaala mula sa aking isipan na kasing-dali ng pagbubura ng text messages sa cellphone.

Hindi mo alam kung gaano kita kamahal, kung gaanong ang mundo ko ay umiikot sa iyo, kung paanong ang kinabukasan ko ay naka-angkla sa atin, sa iyo.
Hindi mo alam kung ano ang mga ibinuwis ko magtagal lamang tayo, kung paano ko hinamak ang lahat na maaari kong isakripisyo para di ka lamang umalis.
Hindi mo alam kung gaano ko ka-gustong lubayan na 'to, lubayan na tayo, at hindi mo din alam ang impyernong pinagdaraanan ko tuwing "inuuto" mo akong wag nang lumayo.
Kahit ilang beses ko nang sinasabi sa iyo, hindi mo alam kung ilang beses sa ilang taon mo na ako pinatay, at ilang beses sa loob ng relasyong ito pinilit kong tumayo at ipagpatuloy ang buhay ---  ang buhay na ginugugol sa pagmamahal sa'yo simula't sapul tuwing umaga akong gigising sa liwanag ng araw.
Hindi mo alam ang pakiramdam na sa tuwing ako'y didilat, mukha mo ang unang maiisip at pangalan mo ang unang namumutawing bulong mula sa aking mga labi.

Bata pa ako noon, pero sa loob ng ilang taon ay tumanda ako kakaisip sa atin, sa iyo, tumanda akong natututo, at ika'y naiiwan sa ugaling taglay mo mula pa noong una.
Hindi kita sinisi noong ika'y nagpakasasa. 
Alam kong ako'y parte ng naging problema. Tinanggap kong sa ati'y may kulang, at noong mga panahong iyo'y wala akong kapasidad na punan ito kaya di na ako nagdrama.

Hindi kailanman ako naging perpekto, at hangga't sa kaya ko'y pinipilit kong intindihin kapag ika'y "nagkakamali" o "nakakalimot". Ilang beses kitang tinatanong kung ano ba ang kulang, ano pa ba ang iyong kailangan, at alam mong sa ating mga pinagdadaanan, tanging ang iyong sagot dapat ang magiging gamot. Gamot sa nababangag kong puso nang mawala na ang ke-gagandang mga asungot.

Napipinid ang luha, pero kapag ito'y aawas na, kelangan na nitong kumawala. At ayokong dumating muli sa puntong kapag tinanong kitang, "Ano nanaman ba ang problema?" ay makakarinig ako ng isang madaling "BASTA..." o "Wala.."
Putangina, sino ba ang hindi magdududa? Di ako bobo pero pagdating sa'yo at sa lahat ng pagkukulang ko kuno, ako ang pinakamalaking tanga. Kung sasagot ka ng maayos, hala, eh di ito'y tapos na at kung anumang meron ay mareresolba.

Babae ako. 
Lalake ka. 
Ngunit di sapat na dahilan ang pagkakaibang iyon para hindi mo ako mahalin sa paraang mahal kita, para hindi mo ko mahalin sa paraang gusto ko, para idahilan mong iba ka at iba ako. Nagawa na natin 'to, nagawa na nating lusutan ang lahat ng kagaguhang idinulot mo, at sa bawat isang iyon, ikaw ang parating sumusuko at ako'y naiiwang ipinaglalaban ang pagmamahalang naniniwala akong meron tayo. Pre, alam kong alam mong bumabalik pa din tayo sa isa't isa kahit anong klaseng pagtataboy mo sa akin palayo.

Mahal na mahal kita. At kung alam mo ang mga bagay na ito na hindi ko ginustong isumbat sa iyo ng harapan, sana'y maisip mo na kailangan mo nang matutunang matauhan at makitang sa lahat ng taong nasa mundo mo, ako ang nanatiling nasa tabi mo habang ang lahat ay ika'y ipinagkakalulo.



Putangina mo, mahal na mahal kita, gago.

Mula sa akin.

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Mamasa-masa


Namulat siya isang araw na may kung anong kaba sa dibdib. Agad agad na bumangon, nag-almusal, naligo, nagsipilyo at lumabas ng bahay.
Nang pagkalabas ng gate at pagkatungtong sa sidewalk, huminga siya ng malalim, napapikit ng ilang segundo at muling humugot ng isa pang buntong-hininga.
Nagsimula syang maglakad patunga sa kanto. Matiim niyang tinitigan ang bintana ng kapitbahay kung saan niya natatanaw na naga-almusal ang mag-asawang bagong kasal. Nakaramdam siya ng kakaibang kurot sa puso. Dire-diretso pa siyang naglakad at nakasalubong si Manang Divina na naka-uniporme, ang babaeng pulis. Ngumiti sa kanya. Nginitian niya din. Muli, kirot sa dibdib.
Nang nakasakay na sa jeep ay di maalis ang pagpapalit-palit ng kanyang tingin sa babaeng halatang teller ng isang malaking bangko at sa isa pang naka-uniporme na pang-guro.
Ayos. Kirot sa dibdib.
Pagkatapos ng mala-praning niyang pagtitig sa lahat ng kanyang nakakasalubong ay umabot din siya sa LRT. Doo'y napasalampak sa pagkaka-upo.
Anong balak kong gawin sa buhay ko?

Ordinaryong umaga. Maalinsangan. Tagaktak ang pawis ng mga batang nakapalumpon sa paligid niya. Ayaw na niyang isipin ano pang itsura niya. Sa harap ng mga bata ng Escopa, siya siya. Nananatiling bata kahit ano pang edad.
Umalingasaw ang baho mula sa katabi nilang creek.
"Ate, mayaman ka ba?"
Napatingin siya sa batang babae sandali.
"Kase si tatay sabi sa'min wag na daw kaming maghintay ng regalo at panghanda sa Pasko. Mahirap lang daw kami, wala daw siyang pambili," pangusong dugtong ng ineng.
Sinabihan muna niya ang mga nakatatandang kabataan na mauna na sa basketball court ng barangay, at nang maiwan na silang dalawa'y hinila niya ang bata palapit sa kanya.
"Ilang beses kayong nakakakain sa isang araw?"
"Tatlo. Minsan asin o toyo lang ulam namin. Mahirap lang kami. Ikaw ate, mayaman ka noh?"
"Tatlong beses din kami kumain sa isang araw. Kahit anong ulam. Lahat ng nakakakain ng tatlong beses isang araw, hindi mahirap. Walang mahirap, maliban na lamang kung wala talaga kayong makain."
Napatingin sa kanya ang bata. "Eh wala kaming Pasko. Paano yon?"
"Anong mas mahalaga? Ang makakain araw araw o ang regalo at handa sa Pasko?"
Matagal na napahinto ang bata. Nang sa tingin niya'y naintindihan na siya ng bata ay hinila niya ang kamay nito at inakay patungo sa basketball court.
"GAME!", sigaw niya. "Patintero! Sino sasali?"
Nagsimula nang maghagikgikan ang mga bata. Mataya-taya.
Pero isa lamang ang nagpangiti sa kanya nang araw na iyon: ang mamasa-masang halik ng batang babae nang siya ay nagpaalam.

Maulan na hapon nang datnan niya ang trak ng MMDA sa bangketa malapit sa kanila. Nakita niyang madaliang inilalagay ni Aling Selma ang mga panindang gulay sa bayong na akay-akay. Kung kelan siya bibili ng ilang pirasong baguio beans na mangangata, tsaka pa nagkaroon ng ganitong eksena.
Nanaog ang mga naka-asul na mama mula sa trak. Nagsimula ang mga ito na kunin ang mga paninda ng mga tindero/tindera sa bangketa. Nakita niya si Aling Selma na pumalag nang dalawang mamang naka-asul ang humila sa bayong nito.
Na-stuck-up siya.
Galaw... Galaw...
Humugot si Aling Selma ng patola mula sa kanyang bayong at pinagpapalo ang mga lalakeng di binibitawan ang kanyang bayong.
Tangina, galaw. Tutunganga ka nalang?
Napakuyom ang kanyang kamay.
Nagsimulang umalingawngaw sa kanyang utak ang pagmumura ng mga mamang naka-asul at ang pagsagot ng mga magtitinda.
Unti-unti'y nagdilim ang kanyang paningin, at humakbang ng kusa ang kanyang mga paa.
"Putangina, tanda, akin na nga ang benta!"
"Boss, wag naman ganyan! Walang pangkain ang mga apo ko mamaya!"
"Pinapakumpiska nga ang mga basura nyo eh! Alam niyo namang nanghuhuli, nandito pa din kayo!"
Nangamoy ang langsa.. Wala pang segundo'y naramdaman niyang namamasa ang laylayan ng kanyang pantalon.
"Boss, wag naman!!", sigaw ni Aling Selma.
Langsa. Basa. Pagmamakaawa.
Nagliwanag ang kanyang paningin at natagpuan niya ang kanyang sariling isang dipa na lamang mula sa tatlo na ngayong mamang naka-asul na pinagkakaisahan si Aling Selma.
Uwi na. Bilis.
Sabay talikod, at matulin na naglakad palayo sa gulo.
Langsa. Amoy pa din niya ang langsa kahit gaano na siya kalayo.



Alas dyes ng gabi nang maalimpungatan siya gawa ng bulungan sa labas ng kanyang kwarto. Nagtakip ng tenga, nagtalukbong ng kumot. Pinilit niyang bumalik sa kawalan nang makapagpahinga... Pinilit, kaso...
"Wala ka nang aasahan diyan. Nagsasayang lang ng oras ang batang yan. Di na nga bata yan eh, ganyan pa din!"
"Ewan ko ba dyan. Hayaan mo sya nang malaman nyang walang patutunguhan ang buhay nya."
Buntong-hiniga.
Dadi Lord, ginusto mo bang marinig ko to? Alam ko hindi eh, kaya tama na, pwede? Changgala, patulugin mo ako.
"Ma, kakaen pa ba yan si ate?"
"Iwanan mo lang dyan ng pagkaen. Dapat nga di na pinapakaen yan eh."
"Nakikini-kinita ko, wala talagang kalalagyan yang ate mo. Walang mararating."
Sapul.
Balikwas paupo. Napagawi ang tingin sa door knob, at nang ito'y nakitang naka-lock, napasabi na lamang siya ng, "Putaena niyo, itaga niyo sa bato!"
Dagdag pa ang boses ng nanay niya, "Pag tumagal at wala pa din yang kwenta, let her be. Wala nang nagawang mabuti. Wala nang nagawang tama."
Tumayo siya. Pumunta sa kabinet, binuksan ito at kinapa sa may likuran.
Isang kaha ng yosi para sa isang gabing page-emote.
Nang siya'y nakasindi na at napaupo sa sahig sa paanan ng kanyang kama, nagsimula nanaman ang pagwawari-wari.
Lahat nalang mali.
Sabay tingin ng masama sa sangkatutak na medalya at sertipiko sa pader.
Lahat nalang kulang.
Puff. Malalim. Nagnanais na pakalmahin ang nagma-marathon na pulso.
Kaya kahit kelan di ko sinabing matalino ako kase parati akong pinakabobo sa pamilyang 'to. Kahit anong gawin ko. Kahit ano. One day you're all gonna swallow what you said about me. NOTED. One day, I'll call you up and shout at you guys to say I've passed the Bar with you expecting me not to!
At nang nilapit niya ang kanyang yosi sa bibig, naramdaman niya na nabasa ang kanyang daliri.
Luha. At sakit.
Sarap.



Its what keeps her alive.

Linggo, Agosto 7, 2011

Gusto Ko ng Kape Galing sa Vendo Machine




“Oist, naalala ko nung nakita kitang nakaupo sa ilalim ng ulan!”



“Aaarghh, those were the days. Wag mo na ipaalala. Sabihin na nating naglaho na yung taong naaalala mo.”



“Siraulo…. Ikaw yun eh. Ikaw na ikaw. Kutusan kaya kita. Sa ganoon ka namin nakilala. Tahimik ka lang naman talaga, tas pag badtrip ka, dun ka lang namin maririnig na nag-iingay kase pumupunta ka sa likuran tas dire-diretsong mura na ang sinasabi mo, hahahaha.”



“Kaya nga wag na. Enough. I was immature. I was stupid. I was self-centered. I was everything a kid with exploding angst was. Tae (sabay malalim na puff sa yosi).”



“You never changed. Wag kang epal.”



“I did. Di mo lang halata. Di mo lang nakikita. Ang panget kase sa inyong mga bestfriends, parati nyong pinamumuka yung vulnerabilities ng isang tao. Napapansin mo yun, pre? When I try to change something or do something different, hala, sasabihin mo hindi ako yun, o di ko kaya.”



“Hindi naman sa ganoon… Ayoko lang na nawawala yung identity mo. Yan ka eh. Wag na tayong magkupalan na gagawa ka ng paraan para magbago ka.”


“O sige, for your arguments sake, I am still immature. Still stupid. Still self-centered. Still that kid with exploding angst PLUS exploding hormones. I tried working my ass off for other people dahil pakiramdam ko yun lang yung paraan para masabi kong may kwenta ako. I started trying to reconcile with my past but I still end up feeling sorry for myself. Ayan, masaya ka na? Masaya ka na na malamang I’m still that shit na sumubok lumayo sa anino mo para buuin pagkatao ko?”



“O, eh ba’t nagagalit ka na? Tsaka ba’t parang pang drama-serye yang dialogue mo?”



“-----”



“Anong nangyari sayo nung umiwas ka na saken?”



“Sumaya buhay ko. I laughed a lot. Parati kong ginagawa yung kung ano yung matripan ko na walang umaangal, na no one looks at me with those eyes na parang naaawa. Naging ako ako nung wala ka.”



“Ikaw ikaw pag andito ako. Tanggapin mo na, ulul.”



“Bestfriend lang kita. Di kita konsensya. Di magkadugtong pusod natin. Di kita kalahati. Wag kang feeler.”



“Harsh mo.”



“Matagal na.”



“Mas sumama ka.”



“Natuto akong lumaban kesa umiyak. Natuto akong panindigan yung sinasabi ko kahit kelangan ko lumamon ng putik. Yung mga ganon.”



“Literal?”



“Gago.”



“Ahahahaha. Eh sa bahay?”



“Eeeergh. Ibang usapan na yan.”



“O diba, ikaw pa din yan, same as you were four years ago.”



“……………….”



“Ano lang kita?”



“Bestfriend.”



“Sure kang kilala mo ko?”



“Oo.”



“Kung kilala mo ‘ko, dapat alam mong kaya di kita pinansin nang ganoon katagal dahil hindi kita kelangan.”



“Ansaket na nyan ah.”



“Pre, sorry ah, pero you are a part of my past na ayoko nang binabalikan. Tapos na. Ako na yun, wala na akong mababago. Hayskul pa ako noon. Bente anyos na ako ngayon. Let me be…”



“Grabe ka…”



“GRABE KA. Kinulong mo 'ko sa kahon noon. Yung taong pinipilit mong ako eh yung taong you made out of me. Di mo ko tinulungan umalis sa lunggang yon. Di mo ko tinuruan na mas maging maayos na tao. It took me years to figure that out - na ginusto mong maging ganoon lang ako para manatili akong dependent sayo. GRABE KA.




Ikaw ang aalis this time, o ako nanaman ulet?”



“Bakit ba kase kelanga-----“



“Bye, BESTFRIEND.”