Huwebes, Oktubre 18, 2018

Tag-Init




Nitong mga nakaraang araw, iniisip ko kung bakit kapag pinipilit kong luksuhin ang lubid at tuluyang magwalang-bahala'y natatalisod bigla ang aking mga paa.


Kailangan ko din sigurong ikumpisal na sobrang natatakot ako -


Na baka ihain ko lahat ng aking mga istorya sa mesa, ilantad lahat ng aking mga kahinaan, kantahin ang buhay ko nang wala sa tono,


At makikita, mababasa, maririnig mong lahat ang mga ito at nanaising humakbang palayo.




Hindi tayo yung alinsangan.
Hindi tayo yung hapdi ng mga sinag tuwing tanghali.



Tayo yung ulan na bigla na lamang babagsak dahil masyado nang naipon ang init at hindi na kaya ng langit ang pangmamanhid.


Tayo yung ulan na bubuhos ng isa, dalawa, tatlong oras bago tuluyang titila at iiwan ang basang hangin.




Tayo yung nangyayaring hindi naaayon sa panahon - 
Tayo yung nangyayaring hindi nagaganap sa tamang tiyempo.





Mayo 2018







Lunes, Setyembre 24, 2018

Wala na akong makwentuhan ng mga walang kwentang bagay



Ipinatong ko ang aking bag sa mesa at nakatayong naghihintay ng kahit anong pares ng mata ng kung sino sa mga serbidor na mapalinga sa kung nasaan ako nakapwesto. Nang may nahagilap akong atensyo'y sumenyas ako na puntahan ako.







Iniabot sa akin ang menu, at porket kabisado'y ngumiti na lamang ako at nagsabing, "Isang order ng Chicken in the Basket tas isang San Mig Light." Tumango naman si Kuya: mabilisang naglista sa notepad na bitbit niya bago pumasok at maya'y maya'y lumabas muli upang abutan ako ng isang bote ng beer, isang baso at isang bucket ng yelo.



May dalang katahimikan ang paglagi sa mga lugar na pamilyar ka.



Umupo ako't hinugot ang aking telepono - sumagot ng ilang mga mensahe, mabilisang kumuha ng litrato, nagpaalam na nasa labas lang ako. Lahat ng ito habang iniiwas ang paningin sa naglilingunang mga ulo ng mga kalalakihang napansin na mag-isa nga yata akong nandito.



Hinintay kong mag-alas siyete - basa ang kalsada, maulap, malamig ang hangin at puno ng amoy ng pinipritong mga ihahain sa mga parokyano.



Habang sinasawsaw ang fried chicken sa gravy na binuhusan ko ng hot sauce ay naisip kita.

Naisip ko kung paano kaya kapag pinili kong ipakilala sa iyo yung mga lugar na naging parte ng aking mga kwento, na nakarinig sa lahat ng mga pagkukumpisal ko, na nanatiling sementado habang yung mundo ko'y nagkalabo-labo.



Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito para maamoy yung hangin, para maramdaman yung ginaw na dumadalaw tuwing alas-otso ng gabi: yung ginaw na pumalibot sa amin, sa akin, sa mga pagkakataong di maarok ang rason ng lahat ng pagaatubili. Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito upang iparinig yung playlist na pinapatugtog nila na kadalasa'y early 2000s hiphop at rnb, habang ngumangata ng liempo at lumalagok ng beer.



Napatanong ako kung makikilala mo kaya ako


sa amoy,


sa tunog,


at sa pakiramdam ng lugar.



Malalaman mo kayang lumalagi nga ako dito? Mapapabulong ka kaya ng, "Oo, ito nga pwesto mo"?







Mapapatingin ka kaya sa kalsada at mapapasabing, "Gets ko na kung ba't madalas kang nandito"?








Agosto 2018





Miyerkules, Agosto 22, 2018

Sampung Dipa



Naroon ka, nakatayo sampung dipa mula sa akin. Nakatingin lamang tayo sa isa't isa, sinisipat kung ayos lang ba ang bugso ng hangin, kung tama ba ang liwanag na dala ng langit, kung sakto ba ang timpla ng oras.



Ito na nga tayo. Nandito na nga tayo.
Sa wakas.



Natawa ako, sabay palukso-luksong lumapit sa iyo - tumigil sa harap mo at humugot ng buntong-hininga. Tumitig sa iyo ng ilang segundo bago ngumiti at bumulong ng,



"Natagalan ka."



Ibinalik mo sa akin ang isang ngiti. "Salamat sa paghihintay."



Bumulahaw ako ng tawa -- tuwang kanina pa kumukulo sa aking kaibuturan at nananakot na lumabas sa pinaka-hindi angkop na panahon: ngayon.



Nagkibit-balikat ako, ngumiti, at inabot ko ang iyong kamay.



"Salamat sa pagdating."