Huwebes, Pebrero 6, 2014
Sinira muli natin ang CubaoEx
"Cheers," simula mo habang itinataas ang iyong tagay at sumesenyas na sumabay ako.
Iniangat ko ang aking bote at idinampi sa baso mo.
"Para sa isang taon na ninyo ng jowa mo," pagtatapos ko.
Napatigil ang iyong baso sa hangin. Taimtiman kang nakatingin sa akin. Alam ko na kung ano ang tumatakbo sa isip mo --- not again.
Nginitian na lamang kita, at sa ultimong minutong iyo'y napagdesisyunan kong mawawalan ako ng pakialam sa kung anumang iisipin at mararamdaman mo sa gabing ito.
Tatlong kisap-mata bago mo ibinaba ang iyong braso. Tahimik mong ininom ang iyong alak at luminga-linga sa paligid.
Buhay na buhay ang Cubao Expo ngayong gabi. Unti-unti nitong ninanamnam ang mga natitirang sandali ng pagka-ekslusibo bago magsimulang dumumog ang mga pasaherong magiging dala ng bus station na itatayo sa tabi nito.
Nasayangan ako sa lugar.
Nanghinayang ako sa mga alaalang tuluyang di ko na mababalikan kapag pinuno na ito ng tao.
Nakatitig ako sa karatulang "Cubao Expo Bus Terminal" nang sinubukan mo muli ang isang, "Musta?".
Napangiti na lamang ako. Bilib ako sa pagsisikap mong iligtas ang gabing ito mula sa ka-paitang nalalasahan mo nang nanggagaling sa akin.
Bakit nga ba ako nandito?
"Buhay pa naman. Eto."
"Dami nang nagbago sa iyo ah," ika mo. Hindi mo na naitago ang pagkapansin mo sa maikli kong buhok nung nagtagpo tayo. Ang kakaibang pananamit. Ang tahimik ngunit diretsong pananalitang lumabas na lamang nitong mga nakaraang buwang di tayo nagkakausap.
Nagsindi ako ng yosi at hindi sumagot. Hinayaan lang kitang lamunin ng katahimikan. Alam kong mararamdaman mo iyon kahit nasa publiko tayong lugar. Sumandal at napatingin ako sa langit.
Hindi ako hihingi ng paumanhin sa kung paano ko pilit na inaayos at binubuo ang winasak mo.
Hinugot mo ang iyong telepono, tumingin dito at tumipa ng pagkahaba-habang mensahe.
Ano na naman kaya ang sinasabi mo sa kanya ngayon? Na nasa ibang lugar ka at wala sa CubaoEx? Na kasama mo ang mga kaibigan mo at hindi ako?
Gusto kong tumawa nang maisip kong ilang beses din nga pala akong naniwala sa mga ganyang palusot mo.
Nanatili tayong ganoon ng mahigit kalahating oras --- na maya't maya'y humuhugot ako ng bote at sumasagot ng "Oo", "Nah", o ng isang kibit-balikat sa iyong mga tanong; ikaw na pinipilit na magpadaloy ng usapan sa iyong pekeng pagiging masaya.
Kilala kita. Napapraning ka na sa katahimikan ko't iniisip mo nang sana'y iba na lamang ang niyaya mong uminom at hindi ako.
Muli, bakit nga ba ako nandito?
"Naniniwala ka pa din bang mababago mo ang mundo?", tanong mo. Nakalapat na ang mga braso mo sa mesa at tumangan ka palapit sa akin.
Napatingin ako sa iyo. Sa wakas, naalala mo na kung anong klase ng usapan ang makakahuli ng atensyon ko.
"Mas ayos nang subukan kaysa alam mo ngang may dapat baguhin pero hinahayaan mo nalang."
"Di naman mababago ng isang tao ang mundo," natatawa mong sagot.
Humugot ako ng isang malalim na hithit mula sa yosing nakakapit sa aking dalawang daliri. Itinungga ko ang kalahating-basong beer at padabog ko itong ibinaba sa mesa pagkatapos.
Nanlaki ang mga mata mo. Gulat. Mabuti at nagrehistro pala sa napakapal mong balat at sobrang kitid na utak ang galit ko.
"Ganon ba kawalang kwenta yung existence ng isang --- iisang --- tao para sa'yo, kaya kahit manlang mundo mo, o buhay mo, di mo maayos para sa iisang taong iyon?", tahimik kong ibinulalas.
Hindi dapat ganito. Ayoko ng ganito.
Isang mabilis na pagpapasya na ilalagay ko na lang ang sarili ko sa isang mahinang posisyon. Batid ko ang pagkatalo ko, at tinanggap itong buo bago tuloy-tuloy na tahimik na nagsalitang, "Kung niyaya mo ako para makita if I've been miserable without you, wala kang makikita sa akin. Di ako nagbago, kilala mo na akong ganito. Nung iniwan mo 'ko, napagtanto kong hindi ko naman kailangang magkubli at humalo sa nakararami. Di pa ako okay. I know you have moved on long time ago. I haven't. Does that make your male ego so fuckin' proud now? Yun lang ba gusto mo? Sana tinext mo na lang ako para gumawa ako ng madramang text at nasatisfy yung craving mong nakasira ka na naman ng isang buong araw, buwan, o taon ng isang tao."
Nagpantig ang iyong panga. Lumibot ang iyong paninigin sa paligid at pilit na hindi bumabalik sa akin. Padabog kang sumandal sa iyong upuan at nagsindi ng iyong yosi.
Kitang-kita ko ang iyong panggigigil. Napaisip akong gusto ko nang tapusin ito sa isang napakadumi, napakasakit at nakakarinding paraan: Yung tipo ng masasakit na salitang makakapagpahiwalay na at tuluyan nang makakabura sa anim na taon nating dalawa.
Yung tipo ng masasakit na salitang ikakalugmok ko lalo sa impyernong kinalalagyan ko na.
Humugot ka ng isang malalim na hininga. Maingay mo itong inilabas. Kinuha mo ang lighter mula sa aking mga daliri, sinindihan ang iyong yosi, at sa gitna ng halakhakan mula sa kabilang mesa, narinig kitang nagsabing,
"Mas gusto kasi kitang kasama compared to anyone else. Tahimik mundo ko pag ikaw kasama ko. Kahit hanggang ngayon. Nasaktan kita, oo, sorry, pero hanggang ngayon, yung katahimikang hinahanap ko eh natatagpuan ko lang pag ikaw kasama ko."
Para akong pisikal na sinampal ng iyong mga salita. Gustong-gusto kong umiyak: sa gitna ng mga tawanan at biruang pumapalibot sa atin, sa ilalim ng mga bituing nakipagsapalarang lumabas kasabay ng malamig na hangin, at sa loob ng mga alaala at emosyong dala ng lugar.
Isang hithit ng yosi upang humupa ang biglaang pagnanais ng mga luha na kumawala.
Parehas lang din tayo ng sagot sa tanong kung bakit nga ba tayo nandito.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Ay naku. Moments. Pero sayang talaga ang Cubao Ex.
TumugonBurahinOnga. Ikinatulala ko talaga nung nakita ko yung signage ng gagawing bus terminal.
BurahinAyos ito! Galing, :)
TumugonBurahinMinsan iniisip ko kung yung mga kwentong ganito ay non-fiction puno kasi ng emosyon.
Punong-puno ho ata ng pait Sir at napuna ninyong umaapaw sa emosyon, kainaman, hahaha.
BurahinHalos di ko na kailangan bumili pa ng mga pinoy books. Andaming magagaling sa blogosphere :) last visit ko yata sa Cubao Expo ay October 2013 pa, tapos mawawala na sya :(
TumugonBurahinPwede pang habulin, Yccos. Iba ang vibe ng Cubao Ex dating dati pa, mas commercial at mainstream na sya ngayon, pero maaamoy mo pa din sa hangin yung "dating Expo". Salamat sa pagdaan!
Burahinpffffft. ha? mawawala na ang cubao ex? as in magiiba ng pangalan o magiiba lang yung mga tindahan?
TumugonBurahinanyway. ang kumplikado talaga ng mga ex kaya ayokong nakikipag-ugnayan ulit sa ganyan kahit gano pa katempting. meheheh. intense post :)
Salamat sa pagdaan, Marshee :)
BurahinHindi naman mawawala. Hindi ako sigurado kung magbabago ang mga boutiqe. Ang sigurado lang eh tatayuan na ng bus terminal sa tabi nito.
Naniniwala akong masakit talaga sa bangs makipag-ugnayang muli sa ex, pero, alam mo yun, sadyang may mga taong maituturing na bisyo mo sila, yung you always gravitate back to them, yung mga ganoong drama.
Charot ;)
parang yoyo kumbaga. :P pabalikbalik hanggang mapagod at magkaroon naman ng bagong bisyong pagbubuntunan. pero interesting kasi kausap yung mga ex noh? parang treading a verrry thin line.
Burahintapos magugulat ka nalang lumipas na sila. :)
TANGENA. SAKIT NITO. PAKSHET.
TumugonBurahinSorry sa capslock. Dem feels. Great post :)
Hi Nox. Dem feels, indeed :) Yung dalawang mura sa komento mo, habang ginagawa ko itong akda'y inuulet ko sa sarili ko ang mga murang iyan ng 12muras per minute. Lels. Salamat sa pagbisita!
Burahin