5:09 ng hapon
Dalawa tayong parang tangang nakaupo
dito sa labas: nakasilong sa tig-isang pan-lamesang payong na ating panangga
mula sa medyo malakas na buhos ng ulan. Noong tinanong ka kanina ng serbidora
kung gusto mo bang umupo na lamang sa loob ng restawran dahil umuulan, umayaw
ka.
Nakarolyo hanggang siko ang mga
manggas ng iyong polo. Sa harap mo’y nakalatag sa mesa ang dalawang tasa, isang
basong tubig, at isang walang laman na platito.
“Okay lang ako,” sagot ko sa serbidora
noong ako naman ang tanungin niya. Nakita ko sa gilid ng aking paningin na
nahuli ng isang segundo sa tiyempo ang pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa nang
bahagyang narinig mo yata yung sinabi ko. Nagbago ng kaunti ang postura mo;
mukhang medyo sumalampak ka sa iyong pagkakaupo.
O siya, sige, guni-guni ko lang iyon.
5:36 ng hapon
Tuloy pa din ang ulan. Patuloy pa din
ang pag-arangkada ng mga sasakyan sa kalsadang may walong metro mula sa mesa
mo, mula sa mesa ko. Mukhang nakatingin ka sa kanal, pero dahil mahilig akong
magbasa ng mga nobelang may mga lalaking karakter na may malalambot na puso’y
iniisip ko din na baka ang tumatakbo sa utak mo ngayon ay ang paraan ng
pagtilamsik ng bawat butil ng ulan pagkasayad nito sa lupa.
Nakaubos na ako ng tatlong istik ng
yosi. Nangalahati na din ang tasa ko ng kape.
6:00 ng hapon
Natalsikan ka ata ng ulan sa mukha.
6:00 ng hapon
Ang bobo ko talaga. Kung di ko pa
napansing namumula na ang paligid ng iyong mga mata, di ko pa maiisip na
pinipigilan mo palang umiyak.
6:02 ng hapon
Anong gagawin ko? May dapat ba akong
gawin?
6:04 ng hapon
Isa na siguro ‘to sa mga pinakamahirap
na pagdedesisyon sa bente-kwatro na taon ko sa mundong ito. Pag nilapitan kita
upang abutan ng kung ano, o upang sabihan na “Magiging ayos lang din ang
lahat”, baka malaman mo nang ilang araw, ilang buwan na kitang pinapanood mula
sa mesa ko.
Gusto nang kumawala ng mga labi mo sa
pagkakaipit mo sa mga ito.
Baka malaman mong pinapanood kita
noong dalawang beses na sabay kayong nagtanghalian ng kasintahan mo sa mesa mo.
Baka malaman mong hindi lumagpas sa paningin ko yung dahan-dahang pagdaan ng
iyong mga palad sa kanyang itim na buhok, at kung paano ka tumitig sa kanyang
mga mata habang may sinasabi siya sa’yo.
Baka malaman mong nakatatak na sa
isipan ko yung marahang pagsibol ng ngiti sa mga labi mo tuwing may kausap ka
sa telepono – na tingin ko’y siya dahil sadyang kilala ko kung paano ka
sumasaya kahit marinig lang ang boses niya.
Baka mas lalong malaman mo na nakita
ko kung paanong magtila bumbilya kang napundi noong huling beses na iyong sabay
kayong mananghalian. Nang dinampot mo ang kanyang telepono at may nakita dito.
Kung paanong marahang namatay ang iyong ngiti at nag-isang linya ang iyong mga
labi. Kung paanong, noong pagkabalik ng iyong kasintahan sa tabi mo’y inabot mo
sa kanya ang kanyang telepono. Kung paanong natameme siya sa nakita niya, at
hindi makatingin ng diretso sa’yo.
Kung paanong nangarag ang boses niya
nang magsimula siya ng isang, “Kailangan nating mag-usap….”
6:08 ng hapon
Iiyak mo na yan. Ikaw lang naman ang
nandyan sa mesa mo. May dalawang metro naman din ang layo ng mesa mo sa mesa
ko. Tayo lang ang nandito, pati ang kalsada. Wag mong isipin yung mga kotseng
maya’t mayang dumadaan. Iiyak mo lang yan. Naging masyado kang matapang nitong
mga nagdaang araw --- iiyak mo lang yan. Nanatili kang tila bato mula sa iyong
mga nararamdaman sa loob ng tatlong linggo mula noong huli kayong nagkita. Nandito
naman ang ulan upang itago ang iyong mga luha. Nandito naman akong nagkukunwaring
walang nakita. Iiyak mo lang yan.
6:13 ng hapon
Nagtama yung paningin natin. Di ko
inasahan yung sakit sa dibdib na mararamdaman ko nang tumingin ng diretso sa
akin yung mga mata mo. Parang may pumiga sa puso ko.
6:15 ng hapon
Anong gagawin ko anong gagawin ko
anong gagawin ko
6:23 ng hapon
Tuwing akala kong kalmado ka na,
nagpapakawala ka ng isang malalim at mala-hikbing buntong-hininga. Sige lang,
sabayan mo lang ang ulan sa paglakas at paghina.
Imbentaryo: Siyam na istik ng yosi,
isang kalahating tasa ng kape, at ang mga giniginaw kong daliri.
6:24 ng hapon
Ano ba ‘tong ginagawa ko sa sarili ko?
7:00 ng gabi
Araw at buwan ang bibilangin kapag tinanong
ako kung gaano katagal na kitang pinagmamasdan, pinapanood yung mga emosyong
naglalaro sa iyong mukha, sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng
pagtapik ng iyong mga daliri sa kahoy na mesa. Di pa din kita kilala. Kilala ko
lamang yung aspeto ng pagkatao mong parati kong nakakasabay tumambay sa kainang
ito.
Nakakapagod din pala. Nakakapagod din
palang manood lang.
7:28 ng gabi
Napatingin ako sa orasan ko. Petsa na
pala. Halos tumila na ang ulan at bumagal hanggang sa ito’y maging
manaka-nakang pagpatak ng ambon sa payong sa ibabaw ng ulo ko. Patayo na ako
nang makita kong nagpantig ang iyong panga at kumuyom ang iyong mga palad sa
isang kamao. Naaawa na ako sa mga labi mo, kanina mo pa kagat kagat ang mga
ito.
7:30 ng gabi
Kasabay ng pangako ko sa aking sarili
na uuwi na ako ng alas-otso ay ang pagkalampag ng iyong mesa at ang pagtalon ng
iyong tasa. “Tama na. Tama na. Tama na,” ang mantra mo sa bawat matunog na
pagtapik ng iyong mga daliri.
7:38 ng gabi
Naisip ko, sa pagkakataong ito, na
totoong lapitan ka. Hindi bungantulog. Hindi isasama sa listaha-ng-mga-dapat-na-magawa-bago-ako-mag-bente-singko
na siguradong di ko naman maisakakatuparan. Yung totoo na.
Kaya isinuksok ko ang aking palad sa
bulsa ng aking bag at kumapa ng tatlong piso. Pinakalansing ang mga ito. Kapag
mas maraming ulo, pinagbabawalan ako ng kawalan na lapitan at kausapin ka
ngayong gabi. Kapag naman mas maraming selyo --- alam mo na. Syet.
7:39 ng gabi
Selyo. Tatlong selyo.
Syet.
7:43 ng gabi
Ayoko na. Tama na ‘to. Nakatitig ka sa
telepono mo. Nakakunot ang iyong noo. Nanlilisik ang namumugtong mga mata. Kagat
ang mga labi na di mo na ata pinakawalan simula nang umupo ka kanina.
Anong hinihintay mo? Mensahe mula sa
kanya?
Tama na.
Tama na yung wala akong ginagawa.
7:48 ng gabi
Bago pa ako sakluban ng kaba, tumayo
na ako at marahang naglakad patungo sa mesa mo. Mukhang inasahan mong gagawin
ko nga ang paglapit sa’yo dahil mula nang itinulak ko ang aking sarili mula sa
aking mesa’y nakatingin ka na sa akin na nakatingin na din sa iyo.
Tumayo ako sa labas ng silong ng iyong
pan-lamesang payong. Di ko inalintana ang kaunting ambon dahil naiintindihan ko
na sa panahong ito’y nais mong magkaroon ng sariling espasyo upang itayo ang
mga pader sa paligid mo.
Inisip ko nang ang sasabihin ko sa’yo
ay, “Maaayos din ang lahat”, pero sa pagkakataong iyong nakatingin ka sa akin,
napagtanto kong sa malapita’y mukha kang isang taong nawalan ng laman. Lobong
walang hangin. Araw na walang init. Kandilang walang sindi.
Kaya ang dumulas mula sa aking dila ay
ang mga katagang,
“Makakahanap ka din ng pag-ibig na mas
mahirap pa dyan --- mahirap iwasan, mahirap sukuan, mahirap hindian. Yung
pag-ibig na mahirap takasan.”
Katahimikan ang isinagot mo sa akin.
Titig at katahimikan.
Tumakbo sa isipan ko yung mga
pagkakataong nakita kitang masaya. Kung paanong hindi karapat-dapat yung naging
pakikitungo sa iyo at sa inyong relasyon ng iyong kasintahan. Kung paanong,
mula sa mesang madalas kong tambayan, ay nasilip ko ng kaunti ang iyong puso’t
isipan.
Dahan-dahang kumurba ang iyong mga
labi sa isang malungkot na ngiti kasabay ang pagsisimula ng isang serye ng
pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa. Nanatiling nasa iyong gilid ang kabila
mong braso.
Hanggang doon na lamang ang kaya kong
sabihin. Hanggang doon na lamang ang masasabi ko. Kasabay ng isang kiming ngiti
ay humakbang ako palayo sa iyo.
Kumatok ka ng tatlong beses sa iyong
mesa. Malakas. Isang dipa mula sa hangganan ng personal na espasyo mo’y huminto
ako at lumingon sa iyo.
Matiim kang nakatingin sa akin.
Nasa likuran ng hintutuna ko ang
mangilan-ngilang pagbusina ng mga sasakyan sa kalye, ang pag-aayos ng serbidora
sa iniwan kong mesa, ang pagkatuyo ng hangin pagkatapos ng ulan.
Lahat ng iyo’y hindi ko gaanong
pinansin dahil lahat ng pandamdam ko ay nakasentro sa sandali kung kailan
iniangat mo ang kabila mong braso at inilapag sa mesa ang mga baryang nasa
iyong mga palad.
Katabi ng marahan na pagtapik ng iyong
mga daliri ay tatlong mamiso
na puro selyo.
Dinala ng hangin ang iyong bulong.
“Selyo. Samahan mo daw muna ako.”
Isang nahihiyang ngiti mula sa iyo.
Hindi ako nakagalaw. Nanatili akong
parang tangang nakatitig pa din sa’yo, nanonood pa din sa mga emosyong naglalaro sa iyong mukha,
sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng pagtapik ng iyong mga daliri sa
kahoy na mesa.
Hinila mo yung upuang walang laman sa
tabi mo at kumumpas na lumapit ako, kasabay ng isang nahihiyang ngiti at ng mga
salitang,
“Kahit sandali lang. Kahit sandali lang, iligtas mo ‘ko.”
Isang paanyaya papasok sa personal na
espasyo mo. Isang paanyaya upang tumingin sa iyo mula sa loob, at hindi mula sa
malayo.
Lumakad ako palapit at papasok sa iyo.

TumugonBurahin1:19 ng hapon.
Napahanga nanaman ako sa nabasa ko.
12:25 ng hapon
BurahinNapadampot na naman ako ng yosi. Napaisip tuloy ako kung anong klaseng pagpapasalamat ba ang kailangan kong gawin para sa inyong mga nagagawi dito sa lungga ko. :)
Bayaran mo kami sa patuloy mong pagku kwento, Essa. huwag mo akong tutularan. Sobrang tamad na hindi naman dapat.
TumugonBurahinBagong kabanata ba ito, Bb. Essa? Paglalapit ka, tignan mo yung espasyong kailangan mong punan para marating mo yung lalapitan mo. Kapag papasok ka, alamin mo din kung saan yung labasan...just in case. Dahil mahirap makulong.
Gusto ko yung paalala na kailangan ko ding sipatin kung saan ang labasan.
BurahinSulat sulat din pag may time. Namiss ko na ang wittiness mo, Sir. Haha.
Tama si sir. Kwento lang okay na kami. Saka yosi at kape na din :P
TumugonBurahinKaya kong ilibre kayo ng mga ganyan, wag nga lang sa mamahaling kapihan. Hahaha! Madali akong kausap!
Burahinhahaha gusto ko yan. may pagkakataong makameet and greet si idol haha
BurahinNakakahawa ang emosyong naramdaman kong kalakip nito.
TumugonBurahinMay angas, sadyang malakas. 'Yun bang tila naroon ka mismo sa loob ng bawat salita.
Nagmamasid.
Reilly, nasubukan mo na bang magtoss coin? Sa maraming pagkakataon, mas napapadali ang pagdedesisyon kung hahayaan mo ang hanging gawin ito para sa iyo.
BurahinSiguro minsa'y dapat lang na isuko sa kawalan ang mga bagay bagay.
Mabigat ang mga salitang lumabas sa isip at puso mo at isinatitik sa pamamagitan ng panulat.Napahanga mo ako sa tindi ng emosyong itinarak mo sa mga bumabasa nito.Nagiging inspirasyon ko ang ganitong uri ng panulat.Mabuhay ka at ipagpatuloy ang'paggising ng emosyon ng mga taong bumabasa ng iyong mga likha!
TumugonBurahin