Huwebes, Marso 5, 2015

Iced Caramel Macchiato



Nakaupo ako sa kabilang bangko ng mesang ito na "pwesto" natin sa paborito kong kapihan.

Maraming mga lugar sa "teritoryo" ko ang naipakilala ko sa'yo bilang aking mga taguan tuwing gusto kong mapag-isa. Sa mga oras na ito, sipat ko'y nadala mo na din s'ya sa mga lugar na iyon.

Iwan mo itong kapihan para sa akin. Iwan mo itong kapihan bilang sangktwaryo ko, bilang ang iisang lugar na tambayan natin kapag gusto nating lumayo sa kanya-kanya nating mga mundo at magpakalunod sa katahimikan na namamagitan sa atin.

Nakikita kita ngayon sa aking isipan: 
kung paano ka nasasabik na ipakilala sa kanya ang mga putaheng dati'y ating pinagsasaluhan;
kung paano mo masayang ikukuwento sa kanya ang ilang beses mong paglalakad sa kahabaan ng Maginhawa;
kung paano mo itatawa ang kabobohang lakarin ang kahabaan ng Kalayaan hanggang Kamias;
kung paano mo ibabahagi ang lahat ng ito sa kanya nang 'di binabanggit na ako noon ang iyong kasama.

Sa iyo, mananatili akong parte ng mga kuwento ng ilang masasayang alaala mo na hindi na kailangan pang ipaalam sa kanya.

Iwan mo itong kapihan para sa akin. Hayaan mong i-immortalize ko sa aking memorya yung mga panahong nakaupo tayo sa bangkong katapat ko ngayon, naguusap tungkol sa nakaraan, sa kinabukasan at sa ating mga nararamdaman. Hayaan mo 'kong kabahan tuwing maaaninag ko sa malayo ang bawat magkasintahang dadaan sa pagaakalang sila'y kayo.

Nakikiusap ako. 'Wag mong dudungisan ang kakarampot kong sulok na ito sa mundo ng presensiya ninyo. Sana, para din sa iyo, manatili ang kapihan na ito bilang lugar na sa akin, at di mo magagawang ipakilala sa kanya o sa kahit pa kanino.




Iwan mo ang kapihang ito para sa mga alaala natin. Iwan mo ang kapihang ito para sa akin.




4 (na) komento:

  1. Haaay :( nakakarelate nanaman ako dito :( nagdate ba naman sila sa expoooo waaaah :(

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Bruh, gusto ko lang ipaalam sa iyo na ang CubaoEx ay ang venue ng lahat-lahat ng kabobohang nagiging dahilan ng aking mga isinusulat. Napakadami kong pinagdaanan (sa emosyonal na aspeto siguro) sa Expo.

      Oo, minsan, sa sobrang emosyonal ng koneksyon ko sa lugar, mahirap isiping "nandoon" din sila minsan.

      Peste. Nalulungkot na naman tuloy ako. Hahaha

      Burahin
  2. At talagang nakakalungkot ang mga gantong pangyayari :( tawa na lang. Hahaha

    TumugonBurahin