Hinihintay kita.
Gabi gabi, ipinipila ko sa aking isipan ang mga tugtuging ipaparinig ko sa iyo kapag dumating ka na. Paisa-isa ko silang ipaparinig sa iyo, kasabay ang paisa-isang paghuhubad ko ng mga maskarang isinusuot ko sa bawat araw.
Hinihintay kita.
Nakikita ko na kung paano ko aabutin ang iyong mga daliri upang kunin ang iyong atensyon at ituro sa iyo ang bawat isang magandang larawan, bawat isang nakakatuwang bata, bawat isang nakakaaliw na tanawin. Nakikita ko na sa aking isipan ang mga mapang-asar na mga ngiting mamumutawi sa iyong mga labi tuwing magsasabi ako ng biro na hindi nakakatawa.
Hinihintay kita.
Hinahanda ko na ang aking sarili sa iyong mga paninita tuwing tatamarin akong ubusin ang pagkain sa aking plato, tuwing ayokong bumangon, tuwing gugugulin ko ang aking oras kakatulala habang nakahiga sa kama. Hinahanda ko na ang aking sarili para sa mga paninita mo sa mga parte ng pagkatao kong hindi mo magugustuhan.
Hinihintay kita.
Hinihintay na ng aking palad ang iyong mukha, ng aking mga daliri ang iyong batok, ng aking mga labi ang iyong balikat. Hinihintay ko na ang init na ibabahagi mo sa akin tuwing sasabihin kong masyadong malamig ang hangin.
Hinihintay kita.
Nakahanda na ang uupuan mo sa tuwing hihilingin kong samahan mo akong panoorin ang ulan, habang may hawak tayong mga tasa ng mainit na tsokolate at nagpapang-abot sa ating baga ang amoy ng usok ng sigarilyo at nabasang lupa.
Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng espasyo sa tabi ko sa mga gabing ginugugol kong nakahiga sa ilalim ng langit at nakatitig sa mga bituin, habang nananahimik sa himig ng mga along naglalaro sa dalampasigan.
Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng mga bote ng alak na sabay nating pagsasaluhan sa mga pagkakataong gusto lang natin ng kaunting katahimikan mula sa mundo, mula sa isa't isa --- katahimikang gugugulin din naman natin nang magkasama.
Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng aking mga "Namimiss na kita," ng aking mga "Pasensya na, wala ako sa hulog ngayon," ng aking "Mamahalin kita kahit wala nang dahilan para mahalin pa kita --- dahil madalas ganoon talaga ako kabobo, hindi nga lang halata". Hinihintay ka na ng mga mensaheng bubulabog sa iyo tuwing ala una ng umaga. Lahat ng iyo'y ipagpatawad mo sana.
Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng aking paningin na handang tanawin ka mula sa malayo. Hinihintay ka na ng aking pandinig para sa bawat suliranin o kasiyahang nais mong ibahagi sa akin. Hinihintay ka na ng aking mga braso para sa mga oras na hindi mo gugustuhing magkwento tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa iyo.
Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng mga tasa ng malamig na kape, ng mga baso ng maasim na orange juice, ng mga kutsara ng patikim na tinolang lalapatan ng mga labi mo na ihahanda ko. Hinihintay ka na ng papaitan, ng crispy pata, ng adobo, ng lahat ng pagkaing ihahain ng pamilya ko tuwing tanghalian ng Linggo.
Hinihintay kita.
Hinihintay na kita.
Nananabik na ako sa bawat "Mag-ingat ka", "Ayos ka lang?", "Ano bang gusto mo?", "Bakit ba ang gulo gulo mo?", "Wag muna tayong mag-usap ngayon," "Bati na tayo?", "Samahan mo muna ako," at sa bawat "Mahal mo ba 'ko?" na itatanong mo. Nananabik na akong tawanan at patahimikin ka sa pamamagitan ng pagsasabing matagal na kitang hinihintay at salamat,
sa wakas,
nandito ka na.

Ang sarap basahin nang paulit-ulit.
TumugonBurahinPero hindi masarap maghintay ng paulit-ulit lol
Burahin