O mga bagay na tumatakbo sa isipan ko
O mga bagay na itinatago ko mula sa iyo
PART 165
Sinadya kong iiwas ang paningin ko bago ko sabihing, "Ang epic tuwing magkasama tayo" kagabi.
Sinadya kong yumuko, pumikit at umiling habang sinundan ko it ng isang "Marami masyadong nangyayari."
Natawa ka. Sinimulan mong isa-isahin ang mga nangyayari sa mga pagkakataong nagkakasabay na libre ang ating mga oras at kinakaladkad natin ang isa't isa para sa sesyon ng alak at pagpapausok.
Masyado tayong maraming ginawa upang takasan ang kalungkutan. Masyado tayong maraming ginawa upang palitan ang mga alaala nila, upang kimkimiin ang sakit ng kawalan ng mga brasong tinatawag nating tahanan, upang palayain ang mga sarili mula sa nakaraan.
Sinipat ko kagabi kung ano ang mga salitang kaya kong bitawan na may kinalaman sa atin.
Dinala ako ng takot ko sa isang malamyang, "Tayong dalawa? We make a great story", sa isang ngiti at sa isang paglalahad ng palad para sa ligtas na batiang pangkaibigang apir.
Puta.
Ang totoo'y natatawa ako kapag iniisip ko kung saan tayo dinala nitong nagdaang dalawang buwan, kung gaano kalalim yung kalungkutang nahukay natin sa isa't isa sa ilalim ng namumutawing mga bituin na, punyeta, hindi ko alam kung bakit tuwing magkasama tayo'y parating nariyan.
Hindi mo alam ang pag-aalinlangan sa bawat yakap tuwing tayo'y nagpapaalam.
Hindi mo alam ang kaba tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata sa mga pagkakataong may nababanggit tayong tumatama sa mga nakatining sa dibdib ng bawat isa.
Hindi mo alam kung gaano kadalas ang mga pagkakataong kusang inaabot ng mga daliri ko ang iyong mga kamay, at hindi mo alam ang libong mura na tumatakbo sa isipan ko upang ihinto ito (kaya malamang, mabibilang sa isang kamay ang mga pagkakataong hinahayaan ko ang sarili ko).
Hindi mo alam ang pakiramdam na para akong itinapon sa kawalan noong sinabihan mo akong mahal mo ako sa platonic na paraan, noong nabasa ko ang tulang isinulat mo para sa akin, at sa lahat ng pagkakataong sinasabi mong natatakot ka sa kung anumang mayroon tayo.
Hindi mo alam kung gaano ako nagtataka sa mga pagkakataong nahuhuli ko ang sarili kong tahimik na nakaupo sa tabi o tapat mo. Hindi mo alam ang pagtataka na nakahanap ako ng katahimikan sa piling ng iba (sa iyo) at hindi sa kanya.
Hindi mo alam ang pagtataka na dala ng pagiging komportable kong 'di magsalita kapag ayaw kong magsalita.
Hindi mo alam kung gaanong nangangatog ang kalamnan ko tuwing napagtatanto kong komportable akong malaman mong malungkot at nasasaktan ako sa mga panahong ginugupo ako ng mga emosyon ko... na natatakot ako dahil hinahayaan ko ang sarili kong magiba sa presensiya mo: walang mga pader, walang pagkukunwari, walang pagtatabil ng mga labi.
Nakakatakot na hinahanap kita sa mga pagkakataong kailangan ko ng kakapitan.
Kaya kong sabihin lahat sa iyo, maliban na lamang sa mga bagay na may kinalaman sa atin ---
pero wala namang "atin" tayong maituturing.
Kaya kitang mahalin.
Hindi ako mahihirapan kung magdedesisyon akong pakawalan ang aking mga limitasyon at piliing ika'y mahalin.
Kahit may mga anino niya, nabuo ko na muli ang sarili ko sa paraang nais ko, sa paraang purong ako. Kasama nito'y namutawi ang buhos buhos na pag-ibig sa loob ko na sa kasalukuya'y walang paglagyan
na maaaring sa iyo ko ipasalo kung matapang lamang akong sabihin sa iyo.
Hindi ko alam kung bakit ako nagsusulat ng tungkol sa iyo ngayon.
Ang alam ko'y nananatiling puno ang tinta ng aking mga panulat at blangko ang mga pahina ng aking journal habang naubusan naman na ako ng mga salita dahil sa iyo ko ito lahat inilalahad. Wala na akong naisusulat. Ang mayroon na lamang ako ay puro kuwento na sasambitin sa iyo
ngunit nandito na ako sa puntong itong aspeto ng nararamdaman ko para sa iyo ay hindi ako kailanman magkakaroon ng tapang na sabihin sa iyo ng harapan o diretso.
Maiintindihan mo ako kapag sinabi kong, "Baka umalis ka din naman. Baka maisip mong mas matagal ang 'tayo' kung pananatilihing magkaibigan na lamang."
Pero kapag niyaya mo akong tawirin ang napakakitid na linya kung saan tayo naglalaro ng ilang buwan na, papayag lamang ako kung kasabay ng pag-aalok mo ay ang paglahad ng palad mo upang abutin ako.
Alam nating pareho na kapag pinagsama tayong dalawa'y magiging malawak ang mundo at hahayaan tayo nitong maglaro dito nang walang katapusan,
ng buong kalaliman.
Anumang kulang doo'y hihindian ko.
Masyadong maganda ang magiging kuwento natin kung hahayaan lamang nating pagbigyan ang ating mga sarili.
At dito,
dito ako pinaka-natatakot.
Nobyembre 2015

Ang sarap-sarap at ang sakit-sakit basahin ng mga akda mo. Sana 'wag ka muna magsawa sa pagsulat, sana marami pa akong mabasang gaya nito.
TumugonBurahinSana nga din talaga di tayo magsawa. Pwedeng hindi na ganoon kadalas, pero wag lang magsawa. Hindi pa naman nauubos ang bala natin Sir, sulat lang kapag merong mailalabas.
BurahinMarami pong salamat sa pagdaan! :)
Na-miz ko to!!!!!!!!!!!!! Yey!
TumugonBurahinAy wow! Nangilid ang luha ko loljk. Tatanungin ko sana kung kailan mo balak mag-update, pero ayoko mang-pressure. Magandang araw!! :)
Burahinyung hapdi ng napaper cut ka at binuhasan ng alcohol, marahil ganung klase ng hapdi - di ko magawang lagyan ng turing kung gaano kahapdi, pero nagsusumbong lagi ang puso ko sa aking mga mata... bakit napakasarap mong ibigin kahit pa ang kapalit ay ang pag gunaw ng bawat sulok ng buhay ko? -ffm
TumugonBurahin