Alam ko kung anong pakiramdam ng boses niya sa umaga, kung paano ito bumabalot sa mga panaginip ko upang sabihing, "Halika na, gumising ka na."
Alam ko ang guhit ng kanyang mga palad sa dilim: ang eksaktong mga linyang tumutupi kapag ibinabalik niya lahat ng matiim kong mga pagkapit.
Alam ko ang amoy niya sa mga oras na galit na galit ang araw, kapag nagpapanghalo ang amoy ng tuyong lupa at ang kanyang pawis.
Alam ko kung sino siya tuwing 3:18 ng umaga, kapag tulog pa ang mundo at hindi namin alam pareho kung sino pa ang gising upang makinig sa aming mga kwento.
Alam ko din kung paano kumurba ang boses niya tuwing nagsasabi siyang, "Pasensya ka na", kung paano kumapit sa yosi yung dalawa niyang daliri kapag ayaw na niyang makipagtalo pa.
Alam ko yung tipo ng katahimikang nagpapakalma sa kanya: yung mga pagkakataong hindi siya dapat hawakan, yung mga oras na hahayaan lang dapat siyang mag-isa.
Alam ko yung tipo ng mga nota na kukuha ng atensyon niya, kung paanong pipitik ang kanyang mga daliri sa saliw ng mga huning tatapik sa ulirat niya.
Alam ko ang mga salita sa lahat ng mga emosyong hindi niya kayang sabihin.
Alam ko din ang mga salitang hindi niya bibitawan upang hindi ako masaktan.
Alam kong mahal niya ako.
Alam kong patuloy naming mamahalin ang isa't isa sa mga pagkakataong walang ibang nakakakita kundi ang hangin.
Alam ko ang ngiti ng kanyang kasiyahan, ang bilang ng bawat pagluha, ang piyok ng mga pagtawa, ang ngiwi ng bawat paga-alangan.
Alam ko din ang itsura ng kanyang likod kapag lumalakad palayo.
Puta, 'di ko alam na iyon ang imaheng iiwan niya sa memorya ko.
Pero ang totoo,
hanggang ngayon, may mga hindi pa din ako alam.
Hindi ko alam
kung paano burahin ang kanyang tawa sa aking hintutuna,
kung paanong 'di lumingon sa kanyang amoy,
kung paanong 'di balikan ang kanyang mga alaala.
'Di ko alam kung paano makalimot.
Mayo 2017

mahirap nga makalimot minsan sa naging bahagi ng buhay...pero darating din na makakalimutan siya pag may bago na..
TumugonBurahinAng sakit!
TumugonBurahinHindi naman nakakalimot ang tao, bahagi tayo ng mundo na binubuo ng mga karanasan at mga istoryang pilit kumukutiltil sa ating mapaglarong isipan. Marahil masasanay ka na lang sa mga nagaganap sa buhay mo, masasanay ka kung paano tiisin lahat ng mga sakit na naramdaman, masasanay kang iginugupo ng mga nakaraang masasayang alaala. Nasasanay lang tayo, hindi tayo nakakalimot.
TumugonBurahin"Nasasanay lang tayo, hindi tayo nakakalimot."
BurahinNatatawa lang ako kung paanong nitong mga nakaraang araw naiisip ko nga ito.