Biyernes, Hulyo 29, 2011

Luha. Ulan. Ikaw. Ako. Wala.

Image result for rain tumblr

Kung sakaling ang mga alaala

Ay unti-unting dadausdos

Na tila ulan,

Na manaka-naka'y babaha

Sa taong ako,

Ako kaya'y ililigtas mo?



Hihilain mo ba ako mula

Sa putik ng iyong mga

Anino

Na walang humpay na

Mananatiling pumipintig,

Buhay,

Sa mga gabi ko?


Anupama't ika'y magsisilbing

Balirala at tula

Ng tangang akong minsan

Ay umibig sa'yo:

Baliralang mula pang sinauna,

Tulang di ko alam ang tema.




Kung sakaling ang mga alaala

Ay unti-unting dadausdos na tila ulan

Na babaha sa taong ako,


Makakaligtaan ko pa bang


Nakalimutan mong ibigin ako?



Biyernes, Hunyo 10, 2011

KAMALAYANG-MALAYA 2: Daloy-diwa

KM2: Hiyaw Mula sa Commonwealth Ave.

Umaalingawngaw ang kanyang sigaw. Ito ang daloy ng buhay.


Araw araw, ang aking pandinig ay pinupuno ng sangkatutak na busina mula sa iba’t ibang pampaseherong sasakyan. Hindi rin magpapahuli ang mga pribadong kotse na lulan ay mga maharlika na patungong Batasan. Napapagod ang aking mga mata kakatanaw sa mukha ng mga nagdaraan kung saan mababanaag ang dinaranas nilang kagaguhan. At ang lasa…ang lasa ng Commonwealth Ave……. Ang lasa na paulit-ulit kong babalikan at di pagsasawaan. Mabubuhay akong ganito, nakaupo sa bangketa, may sipat na plastik ng rugby.

O, tangina mo, ano tinitingin-tingin mo? Wag kang magmalinis, tarantado! Di ka rin naman banal, parehas lang naman tayo! Eh gago pala kayo, ano ako, dikya na nilalayuan ninyo? ‘Ina niyo!

Punong-puno ako ng panibugho sa inyo! Hindi ako tulad n’yo na ang adhika ay umangat at maging maruwag sa buhay. Nais ko lamang ay mapag-isa ang tagpi-tagping pagkahumaling ko sa karimlan.

Eh tarantado ka pala eh! Sino nagsabi sayo’ng may iba pang solusyon? Wala! Para sa isang tulad ko na barya lamang ang nasa bulsa at tanging kalsada ang kublihan, may maaasahan ba akong kalutasan? Putangina, alam mo ba ang pakiramdam na sa umaga ay gigisingin ka ng halinghing ng ‘yong nanay na nakikipagkantutan sa asawa ng kapitbahay? Eh naranasan mo nang magpakabusog sa alikabok para lamang mabuhay? Ang tatay ko ay tanging nangangalakal, lumalabas na ang kuyukot niya kakapulot ng yamutmot sa daan. Manananggal ako sa gabi dahil naghahanap ako ng baklang matsu-tsupa para sa hithitan. Ganoon ang buhay ko. At ang buhay ko, paraiso ng hangal, paraiso sa mga kagaya kong isinilang at lumaki sa Commonwealth Ave.

Ah, tong peklat sa mukha ko? Nakipag-bangasang-nguso ako sa may kanto. Wala yan sa peklat ng pagkatao ko, ‘tsong. Ang pagkalam ng sikmura’y masasagot lamang ng isang hugot ng malalim na paghinga mula sa supot. Luwalhati…. Luwalhati…. Sa kalauna’y ako ang magiging hari.

Tuwing sinusundan ako ng alingawngaw ng kahirapan, nananatili ako sa yungib ng pagkaalipin sa rugby. Tangina, pag ito ang hawak ko, tanggal lahat ng lugami! Kahit nangangalumata at hubog, oo, luwalhati.

Ito ang pulot-pukyutan ng tulad kong hangal.

At ako si Boy Jorge ng Commonwealth Ave..




MAKIISA, MAKI-"KAMALAYANG MALAYA"! Bow.



Huwebes, Mayo 19, 2011

Apat na Taon sa Kama



Isang hithit. Isang buga. At ang usok na namasyal sa aking baga ay humalo sa hangin, humalo sa usok ng siyudad. Humalo sa usok ng baho ng ibang tao.

Kadiri.

Ang biglaang pagsulpot ng ideyang iyo'y gumulat sa akin at nagpabulong ng, "Bobo, tao ka din kaya".

Sa katangahan ng sitwasyon, napangiti na lamang ako. Dumako ang aking kaliwang palad sa aking dibdib, hinuhugot ang kapirasong kumot na binalot ko sa aking sarili.

Alas-otso. Pasimula pa lang ang buhay ng aking mga kaibigan sa oras na ito. Buhay na gugugulin nila kakainom at kakasayaw sa gabi. Isa pang ngiti. Hindi naman sila mga pokpok, sadyang sila lang talaga ang "kabataan".

Tangina, kabataan.

Madilim ang langit, malamig ang hangin. At malakas ang ulan.

Hindi ako namimilipit dahil sa biglaang paghampas ng simoy ng bugsong hangin sa akin. Namimilipit ako sa biglaang pagsunggab sa akin ng mga alaala.

Ng mga parehong madidilim na gabi na nakakulong tayo sa iyong kwarto. Ng mga parehong pagkakataon na ang malamig kong hubong katawan ay pinapainit mo ng pagpapadaan ng iyong mga palad. Ng mga parehong oras kung kelan hindi paparis ang lakas ng ulan sa rurok ng pinag-isang libog at emosyon.

Napapikit ako sa pag-agos ng ala-ala. Napakuyom ang aking palad at nagsimulang manginig ang dalawang daliring kumakapit sa sigarilyo.

Naalala ko ang dampi ng iyong balat sa akin. Siguro nga'y hindi sinadya ng Diyos na maadik ako sa mainit na pagtatampisaw natin sa dilim. Hindi Niya siguro ninais na matameme ako tuwing maiisip ang paglalakbay ng aking mga daliri mula sa iyong mukha, leeg, balikat, pababa sa iyong dibdib kung saan ko nararamdamang pumipintig ang iyong puso sa saliw ng musikang nililikha natin.

Napapangiti ako sa pag-alala ng mga panahong hawak kita sa aking mga palad, minamahal sa pakikiramdam, habang hinahagod ko ang kahabaan mo. Mananatili akong mapapangiti sa memorya ng paglalaro ng apoy sa iyong mga mata.

Puta, hindi nga siguro ako dapat tumatambay dito sa terasa 18 palapag mula sa lupa. Iba ang hangin. Iba ang dala sa aking isip.

Tumatawa tayo dati sa ating biro na bawat galaw ng palad, bawat dampi ng labi at dila at bawat pag-iisa nati'y liriko sa isang panalangin sa Diyos ko na pinagtatabuyan mo. Nangingiti na lamang tayo sa bawat paghila natin sa isa't isa na may mga mala-demonyong kislap sa mga mata.

Isang hithit. Isang buga. Kasabay ang pagpikit at isang ngiti ng pag-alala sa bawat pagdaan ng iyong dila sa aking kaibuturan, sa bawat matiim na pagsipsip sa aking labi, at sa iyong bawat pagbulong na aalila sa akin sa mga susunod na gabi. Kapag ganoo'y alam na natin kung anong klaseng laro ang ating kahahantungan. Pagkatapos ng ilang sandali, o oras, makikipag-pustahan ako na nasa loob na kita. Pumupuno sa kaibuturan kong blangko.

Pumupuno sa pagkatao ko.

Pagmulat ng aking mga mata'y sumabay ang kidlat sa pagdaan. Kanina... Tangina, iba ka na naman kanina..
Pagkatapos ng ilang oras nating pagkagupo sa kama, umupo ka sa sahig, sumandal sa pader at nagsindi ng isang stick ng yosi. Tumulala. Noon palang, alam ko na.


May mali.


Kaya't ako'y tumayo, nagsindi ng yosi, umupo sa harap mo at sumandal sa kabilang pader. Tinitigan kita


at binalik mo ang matiim kong tingin.


Wala sa hulog ang paghalik mo sa akin kanina. Bihira. Hindi katulad ng dati na may pinaghuhugutan. Tumatama ang ating mga labi, ngunit naramdaman kong hindi nagtatama ang agos ng emosyon na dapat ay pareho nating kinatutungtungan. Ramdam ko ang pagiging balisa ng iyong mga kilos na hindi dapat scripted.


Nanatili tayong nakaupo, nakatitig sa isa’t isa habang dahan-dahang naglalakbay ang utak ko pabalik sa nakalipas. Nakalipas na apat na taon nating pinagsaluhan. Nakalipas na pinuno natin ng mga eksenang pagro-romansahan.


Iilan lamang ang mga pagkakataong umaakto ka ng ganyan, nagpapaka-sasa sa akin ngunit hindi nakukubli. Tandang-tanda ko ang sakit na paulit-ulit na papatay sa akin nang minsan kong marinig ang pagsambit mo ilang taon na ang nakalilipas.


At sa oras na iyong nagkakatitigan tayo, nakita kong nagiging malamlam ang iyong mga mata.


Mahal mo nga ako. Mahal mo pa din ako. Sa kabila ng mga kagaguhan mo. Sa kabila ng pagiging mala-impyerno ng relasyong ito.


Mahal mo pa ako. Doon, ako’y sigurado.


Naging marahan ang iyong paghaplos kanina, haplos na tila ba gumagawa ng tanong sa aking utak:


Mapapatawad mo ba ako? Muli?


Tangina, o paranoid lang talaga ako?


Nanatili akong nagmamahal, nagpapahalaga sa’yo sa loob ng mahabang panahon.


Nanatili akong tapat at totoo. Nanatili akong walang ibang ginusto kundi ikaw


Ikaw at ang iyong mga halik,


Mga hawak,


Ikaw at ang iyong mapanuksong paglalahad ng palad DOON.

Nahuli ang aking atensyon ng iyong tahimik na paglapit. Nasa likod na pala kita. Napa-buntong hininga ako nang inabutan mo ako ng yosi. Takot akong tumingin sa’yo dahil alam kong makikilala mo ang makikita mo sa mukha ko.

Pagkatapos ng isang buong araw kong pagpapantasya ng isang buong buhay kasama ka na walang ginawa kundi magpa-ligaya ng isa’t isa. Pagkatapos ng ilang buwan kong pag-aakalang hindi na mauulit pa. Pagkatapos ng ilang taon kong pagtitiwala. Heto. Heto at sasabog nanaman din pala ako.

Iniangat ko ang aking ulo, sabay napabulong ng,

“Putangina, MAGALING BA SIYA?”.

At nang magtama ang ating paningin,

Nakita ko mismo na nawala ang ningas ng apoy na nilikha natin.