Martes, Hunyo 4, 2013

Kapit



Kinakapa at pilit kong hinahanap ang iyong mga daliri.



Ika mo nga'y tayo ay mga taong dilim.

Na ang pagtanglaw sa maulap na kalangitan ay isang bisyo na ating pinagsasaluhan.Tulad ng dagliang pagdampi ng ating mga labi sa isa't isa.Tulad ng ating walang kibuan habang nalulunod sa kanya-kanyang kaisipan na may hawak na tig-isang tasa.Sa bawat di pag-imik kapag ang isa ay balisa.Sa lahat lahat ng bisyo, ng pagpapakasasa, ng gawain, na di magawa ng isa kapag di tayo magkasama.

May mundo sila.

May mundo kayo.

May mundo ako.

May mundo tayo.

At ang pag-iisa ay matatagpuan sa takot natin pareho sa dilim.




Sa takot na nawawala din naman tuwing magkahawak ang kamay natin.








Huwebes, Mayo 23, 2013

Daplis



Kung papayagan ko ang aking sarili
na lamunin ng panahon ang mga
alaala
mo...
natin...
malamang pagkatapos ng isang buwan,
ako ay ubos na
tulad ng upos ng yosi na iyong
tinatapakan
o ng latak ng alak na iyong
itinatapon.

Pagkatapos ng isang buwan,
ako ay maiiwang tila isang
bao
na walang laman...
lagayan
na puro hangin
ang nasa kalamnan.

Pagkatapos ng isang buwan,
hihintayin kitang maalala ako.

Hihintayin kita na ako'y
    sindihan,
    lamnan
muli

at buhayin.

Buhayin sa paraang
buhay ako




para lamang
sa iyo...




Martes, Mayo 14, 2013

Hina-halimaw na yata ako


Hindi ko alam kung may makakaintindi ng takot na dala sa akin ng gabi, kung kailan ang bawat ideya, emosyon at pakiramdam na aking ibinabaon at itinatago mula sa haring araw ay nagkakaroon ng sarili nilang buhay:




mga galamay na lalabas mula sa aking kaibuturan,


mga ulong may mga bibig na kapag iyong sinilip ay may hindi maarok ang kailaliman,


mga matang nagtitila salamin at ipinapakita ang sakit at hinagpis na parati kong ikinukubli.



Gagapang sila paakyat sa kisame kung saan sila ay sasayaw, magliligalig, maglalaro at magpipiyesta habang ang aking mga mata'y hindi magkamayaw sa pagtanaw sa kanila. Ganyan ang sakit: nais mong hindi lingunin, nais mong hindi tignan, ngunit hindi mo mapipigilang panoorin ang iyong sariling nilalamon, kinakain nito.



Sa kisame, sila'y buhay na buhay, at dadalhin ako sa isang impyernong gabi lamang ang makakapagparanas sa akin: kung kailan ang bawat alaala ng araw ay babalik, susuriin sa kabuuan, at hihimayin, hanggang ang bawat isa sa pinakamaliliit na detalye ay magkakaroon ng kakaibang ibig sabihin, na kung titignan mo sa pangkalahata'y kabaligtaran ng una mong naging impresyon sa nangyari.



Mawawalan ka ng ulirat, malulunod sa kanilang mapanlinlang na pagbabalik ng bawat tinig, bawat salita, bawat himas, bawat kapit, na iyong tinanggap sa buong araw, at ika'y dadalhin sa isa pang dimensyon kung saan ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay ang ultimong mga bagay na iyong kinakatakutan.





Nanaisin mong umiyak, umungol, magtago mula sa dilim na sa iyo ay bumabalot, ngunit mapagtatanto mong wala kang kawala dito. Hindi magiging sapat ang pagpapatugtog ng masayang musika, o ng pagbubukas ng ilaw, o ng pagkukubli sa ilalim ng sangkatutak na kumot at unan, dahil hindi ka man nila pisikal na gagapangin ay unti-unting lalasunin ng dilim ang kaunting katinuang naipon mo sa buong araw.









Hindi, oo, hindi mo maiintindihan ang takot na dala sa akin ng gabi.