Huwebes, Hulyo 4, 2013
Basura Tayo
"Ano nga yung inorder natin noon?"
"Di ko na maalala," naiinis mong sagot. Pilit kong kinubli ang aking ngiti. Pilit lang din naman ang pagsama mo sa akin -- pilit lang ang pag-oo mo sa pamimilit kong bisitahin nating muli ang restaurant kung saan tayo unang nag-date.
Hindi mo kasi maintindihan yung pangangailangan kong tapusin natin ito kung saan tayo nagsimula. Hindi mo din kasi maintindihan yung pangangailangan kong tapusin natin 'to -- no loose ends, no arguments, no getting-back-together-again peg.
"Napaka-madrama mo talaga."
"Anim na taon din yun, pre. Six fuckin years with you," nakangiti kong sabi. Hindi mo ako tinitignan ng diretso, kaya't ang aking paninigin na lamang ang walang hiyang nilamon ang bawat detalye ng nasa harapan ko: ikaw na nakatalumbaba, nakatingin sa malayo, suot ang tshirt na bigay ko. Hinahayaan ko na lamang na tahimik na lumilipad ang utak mo, kahit dito sa huling pagkakataon na magkasama tayo. Kuntento na akong kabisaduhin ang hugis ng iyong mukha, ang taas ng iyong ilong, ang paminsan-minsang pagdako ng iyong tingin sa akin at ang pag-iling ko sa bawat pagtaas ng kilay mo dahil sa aking taimtimang pagtitig sa'yo.
"Ano na naman yan?" Napatanong ka. Kabisado mo kasi ako. Alam mong kung anu-ano na naman ang naiisip ko tuwing nakatitig ako sa'yo.
"Wala. Naisip ko lang na kelangan mong magpakulay ulit ng buhok. Parehas kasi tayo diba. Papalitan mo yan," ani ko.
"Next time na. Pakulay tayo ulit ng parehas."
"Wala nang next time," bulong ko.
"Tangina. Ilang beses ba natin kelangang pag-usapan na kahit anong gawin nating dalawa, babalik at babalik pa din tayo sa isa't isa? Di mo ba maintindihan yun? Kahit lumayo ka, kahit may iba ako, ikaw pa din yung orig eh, sa'yo at sa'yo pa din ako babalik. Tangina naman. Ang tagal tagal na natin eh, di mo pa din ba alam iyon? Di kita matitiis. Di mo din ako matitiis. Di naman nagbabago yun eh. Ikaw kasi. Ikaw naman kasi talaga. Sa'yo pa din naman landing ko."
Kung sa ibang pagkakataon mo sinabi yung birada mo'y baka kinilig pa ako. Napatingin na lamang ako sa malayo. Ganoon ba ako kahina pagdating sa'yo?
Hindi na. Hindi na siguro. Hindi na ngayon.
"Order na nga lang tayo. Yung Manager's Choice yung trip ko. Pagkatapos nito, uwi na tayo. Magalit pa girlfriend mo."
Padabog kang sumandal sa upuan mo, tinikom ang bibig. Nakikita kong nagsisimula nang sumindi ang galit sa iyong mga mata.
"Tas burahin mo na number ko. I-block mo 'ko sa FB. Wag mo na ako itetext unless may sobrang kailangan ka. Pag nabo-bore ka, itext mo jowa mo, wag ako. Papatungan mo yung tattoo ng pangalan ko. Sunugin mo yung mga punyetang love letters na binigay ko sa'yo. Isama mo na din siguro yung mga damit kong naiwan pa dun sa kwarto mo. Sabihin mo sa pamilya mo na di na ako magpapakita doon. Ipakilala mo na yung jowa mo. Di ka na maha-hassle na pag may problema ako, sa'yo ako pupunta kasi maghahanap na ako ng ibang makakausap. Ayoko na. Tapusin na natin 'to," tuloy tuloy kong sabi, sabay taas ng kamay upang sumenyas sa waiter na oorder na tayo ng pagkain.
Higit anim na taon na ang nakakaraan, nakaupo tayo sa parehong mesa. Nagkakahiyaan. Nagkakangitian. Mukha tayong basura dahil nabasa tayo ng ulan.
Ngayon, nakaupo tayo sa parehong mesa. Mabigat ang loob sa isa't isa. Malungkot at masama ang palitan ng tinginan. Maaayos ang ating itsura ngunit di nila nakikitang sa loob, kung anumang mayroon tayo ang totoong naging basura.
Martes, Hunyo 4, 2013
Kapit
Kinakapa at pilit kong hinahanap ang iyong mga daliri.
Ika mo nga'y tayo ay mga taong dilim.
Na ang pagtanglaw sa maulap na kalangitan ay isang bisyo na ating pinagsasaluhan.Tulad ng dagliang pagdampi ng ating mga labi sa isa't isa.Tulad ng ating walang kibuan habang nalulunod sa kanya-kanyang kaisipan na may hawak na tig-isang tasa.Sa bawat di pag-imik kapag ang isa ay balisa.Sa lahat lahat ng bisyo, ng pagpapakasasa, ng gawain, na di magawa ng isa kapag di tayo magkasama.
May mundo sila.
May mundo kayo.
May mundo ako.
May mundo tayo.
At ang pag-iisa ay matatagpuan sa takot natin pareho sa dilim.
Sa takot na nawawala din naman tuwing magkahawak ang kamay natin.
Huwebes, Mayo 23, 2013
Daplis
Kung papayagan ko ang aking sarili
na lamunin ng panahon ang mga
alaala
mo...
natin...
malamang pagkatapos ng isang buwan,
ako ay ubos na
tulad ng upos ng yosi na iyong
tinatapakan
o ng latak ng alak na iyong
itinatapon.
Pagkatapos ng isang buwan,
ako ay maiiwang tila isang
bao
na walang laman...
lagayan
na puro hangin
ang nasa kalamnan.
Pagkatapos ng isang buwan,
hihintayin kitang maalala ako.
Hihintayin kita na ako'y
sindihan,
lamnan
muli
at buhayin.
Buhayin sa paraang
buhay ako
para lamang
sa iyo...
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)

