Huwebes, Hulyo 9, 2015
Sana kaya kitang isuka sa parehong paraan kung paano ko isinuka ang aking kalamnan kagabi
Masyadong maginaw kagabi.
Hindi napawi ang kalamigan ng dalawang bucket ng red horse at isang kaha ng yosi.
Hindi ka gaanong gumulo sa aking hintutuna dahil may mga kasama ako.
Pero nang nakauwi na, nang natagpuan ko na lamang ang sarili kong nakaupo sa sahig ng kubeta habang pinapatigil ko ang pag-ikot ng aking paningin at habang pinapakalma ko ang aking sarili, naluha ako nang, mula sa kawalan, naalala ko na mas komportable akong magpakalasing na kasama ka.
Sa lahat lahat ng pagkakataong nalasing ako habang nariyan ka, hindi mo ako kailanman nakitang umiyak.
Mabuti na lamang na kagabi ako humagulgol dala ng sobrang pagkaalila at kalungkutan.
Mabuti na lamang at kagabi'y
wala ka.
Dahil hindi mo kailanman maiintindihan na sadyang may tipo ng pagkabalisa na hindi dala ng panahon o ng hormones.
Malungkot ang tag-ulan.
Mas malungkot nang maalala kong hanggang ngayo'y sinasanay ko ang aking sarili na uminom na wala ka. Nalulungkot ako sa kakaisip kung saan ko hinahagilap ang lakas ng loob na kahit walang umaakay sa aki'y nakakauwi ako ng mag-isa, kung paano ko sinusubok na lumakad sa isang tuwid na linya bilang batayan kung kaya ko pa.
Kaya ko. Kaya ko pa.
Madalas akong masabihang malakas daw ako uminom pero pag narinig mo ito'y sigurado akong tatawa ka.
Kilala mo ako. Kilala mo ang mga kahinaan ko. Kabisado mo kung hanggang ilang bote lang talaga ang kaya ng aking sikmura bago ako tumingin sa kawalan at punuin ang sarili ng katahimikan. Sa mga ganoong pagkakataon ka na tatayo at yayayain akong umalis na.
Na-miss kita kagabi. Walang bola. Walang drama.
Walang kamay na mahagip ang aking mga palad habang naglalakad ako mag-isa. Walang umaagaw sa payong na hawak ko dahil kulang tayo sa silungan. Walang naniguradong tama ang pinara kong dyip pauwi. Walang nagsisindi ng yosi sa bawat hugot ko dahil hindi ko na makapa kung saang bulsa ko inihagis ang lighter. Walang nagyayayang dumaan sa 7-11 o Ministop upang bumili ng kahit anong fluid, dahil puta, hilong-hilo na ako.
Naalala ko lahat ng iyon kagabi. Naramdaman ko ang kabuuan ng kawalan mo kagabi.
Na-miss kita, pero hindi ko nanaising bumalik ka pa.
Na-miss kita, pero sa ngayo'y sapat na para sa aking gawing kapitan ang mga alaala.
Na-miss kita, pero habang nakasalampak ako sa sahig na iyon at umiiyak habang dumuduwal, naisip kong kayang punan ng iba ang espasyo mo sa buhay ko.
Na-miss kita, pero sigurado akong ang iniyak ko talaga ay ang pagkatanto kong, sa wakas, patapos na ito.
PUTANGINA,
patapos na ITO.
Kaunti na lamang at bibitaw na ako.
Biyernes, Hunyo 26, 2015
Timeline: 2009 - 2010
Hinahayaan ko ang sarili ko ngayong dumayo sa sulok mo ng utak ko pagkatapos kong pagbawalang magawi ito malapit sa iyo ng isang buong araw kahapon.
Nag-ubos ako ng tatlong oras ngayong araw upang magbura ng lahat ng bahid mo sa timeline ko. Simula noong 2009 nang magsimula ako sa Facebook, binalikan ko lahat ng ipinaskil ko. At kasabay ng pagkapansin ko ng evolution ko bilang tao, manaka-naka kong nababasa ang lahat ng bagay na tungkol sa iyo at sa atin na naging matapang akong ibahagi sa mundo.
Naduwag akong burahin ang ilan. Ito na lamang kasi ang mga pruweba na minsan, talagang naging tayo.
Ang mga ito na lamang ang patunay na nagkaroon ng panahong nagmahalan tayo . . . ng mga panahong minahal mo nga ako.
Ngayon ko lang napansin na karamihan ng mga ipinapaskil ko tungkol sa'tin ay ang mga sama ng loob ko sa iyo (na noong panahon na iyo'y kadalasa'y pinapalagpas ko). Mga oras na naghihintay ako ng mga mensahe mula sa iyo, ng mga oras na parati mo akong inaaway nang walang dahilan (na ngayo'y pamilyar na ako sa totoong rason).
Habang itinitipa ko itong post na ito'y napaisip ako kung anong taon na nga ba tayo nagsimula. Tanda ko pa ang araw at ang buwan, ngunit 'di ko maalala ang taon. Hindi ko alam kung dapat ko ba itong ikalungkot, ikabahala o ikatuwa.
Yung mga bagay na akala ko noo'y mahalaga sa pagitan nating dalawa'y unti-unti nang nalulusaw mula sa aking memorya. Lahat ng sabi ko'y mahahalagang araw, mahahalagang nasabi mo, mahahalagang pangyayari sa buhay mo't buhay ko, karamiha'y unti-unti nang nawawala. Iilan na lamang sa mga pangalan ng mga pinsan mo, sa mga tshirts mo, sa mga paborito mong iginuguhit, sa mga gusto mong kinakainan, ang aking naaalala.
Unti-unti na kitang di nakikilala.
Pero hanggang ngayon, nagtataka ako kung kailan na din magsisimulang mawala ang bakas ng iyong pananalita sa aking mga labi, ang amoy ng iyong pawis sa aking balat, ang iyong tawa sa aking tenga. Naghihintay akong dumating ang panahon na hindi ko na maririnig ang iyong boses tuwing kakain ako ng agahan sa McDo, na hindi ko na maaamoy ang iyong mga daliri tuwing may nakakatabi akong naninigarilyo ng Marlboro Red, na hindi na kita malalasahan sa bawat pagdampi ng Red Horse sa aking mga dila, na di ko na mararamdaman ang iyong palad sa aking tuhod tuwing ako'y nagsisimba. Mananatili akong umaasa na hindi na parating mga mata mo ang maaalala ko tuwing may tumitingin sa akin ng diretso.
Hanggang sa 2010 na lamang ang pagsisiyasat ko.
Hanggang 2010 na lamang muna ang kaya ng hintutuna ko.
Hanggang 2010 na lamang muna ang pagbubura ko dahil madilim ang langit ngayon, at paniguradong giginawin na naman ako mamaya sa daan pauwi sa dami ng mga bahid mong kailangan ko pang ibaon.
Huwebes, Marso 5, 2015
Iced Caramel Macchiato
Nakaupo ako sa kabilang bangko ng mesang ito na "pwesto" natin sa paborito kong kapihan.
Maraming mga lugar sa "teritoryo" ko ang naipakilala ko sa'yo bilang aking mga taguan tuwing gusto kong mapag-isa. Sa mga oras na ito, sipat ko'y nadala mo na din s'ya sa mga lugar na iyon.
Iwan mo itong kapihan para sa akin. Iwan mo itong kapihan bilang sangktwaryo ko, bilang ang iisang lugar na tambayan natin kapag gusto nating lumayo sa kanya-kanya nating mga mundo at magpakalunod sa katahimikan na namamagitan sa atin.
Nakikita kita ngayon sa aking isipan:
kung paano ka nasasabik na ipakilala sa kanya ang mga putaheng dati'y ating pinagsasaluhan;
kung paano mo masayang ikukuwento sa kanya ang ilang beses mong paglalakad sa kahabaan ng Maginhawa;
kung paano mo itatawa ang kabobohang lakarin ang kahabaan ng Kalayaan hanggang Kamias;
kung paano mo ibabahagi ang lahat ng ito sa kanya nang 'di binabanggit na ako noon ang iyong kasama.
Sa iyo, mananatili akong parte ng mga kuwento ng ilang masasayang alaala mo na hindi na kailangan pang ipaalam sa kanya.
Iwan mo itong kapihan para sa akin. Hayaan mong i-immortalize ko sa aking memorya yung mga panahong nakaupo tayo sa bangkong katapat ko ngayon, naguusap tungkol sa nakaraan, sa kinabukasan at sa ating mga nararamdaman. Hayaan mo 'kong kabahan tuwing maaaninag ko sa malayo ang bawat magkasintahang dadaan sa pagaakalang sila'y kayo.
Nakikiusap ako. 'Wag mong dudungisan ang kakarampot kong sulok na ito sa mundo ng presensiya ninyo. Sana, para din sa iyo, manatili ang kapihan na ito bilang lugar na sa akin, at di mo magagawang ipakilala sa kanya o sa kahit pa kanino.
Iwan mo ang kapihang ito para sa mga alaala natin. Iwan mo ang kapihang ito para sa akin.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)


