Biyernes, Mayo 22, 2026

Patio

Malaking bagay yung may patio kami na nalalagyan ko ng mga halaman na kalaunan din nama'y mamamatay sa init ng araw at kakulangan sa dilig, o sa pagkasobra naman ng tubig tuwing tag-ulan. 


Tatlong taon na pero hindi pa rin ako marunong mag-alaga ng mga halaman. 


Anim na taon na si Rooboi ngayon. Kakatapos niya lang sa Kinder at ang mga susunod na linggo ay gugugulin naman namin para maghanda sa kung saan na naman siya mapapadpad para sa elementarya. Kabado ako, oo. Puro kami babaeng magkakapatid, kaya nitong anim na taon hindi ko pa rin magamay kung paano magpalaki ng lalaki. Ayoko siyang matakot sa mga emosyon niya, pero madalas, dahil hindi pa niya kayang intindihin ang mga nararamdaman niya ay lumalabas lahat ito ng pasabog. Parati ay nagiging bata siya: magulo, panay talon, panay tanong ng bakit, panay demand ng bakit hindi pwede. Madalas, kahit anong sikap ko, nauubos ang pasensya, nauubos ang enerhiya. Minsan napapataas na ang boses, pero hangga't kaya ay pinipilit na hindi umabot sa ganoon. 


Anim na taon na pero hindi pa rin ako marunong maging magulang. 


Dala na rin siguro ng pandemya, na noong pagka-ahon ay naging oras naman para asikasuhin ang pag-aaral ng bata, kaya ang madalas na museo na napupuntahan ko ay ang Vargas. Nagawi sa National Museum of Natural History ng isang beses na kinagiliw naman ng kasama ko. Nakakalula para sa kanya ang naka-display na replika ng malaking panga ng pating at ni Lolong. Ikinatuwa niya ang dami ng klase ng alimango na nakita, na lahat para sa kanya ay masarap kung iluluto. 


2019 pa ang huli kong punta ng gig. Tinatamaan ang kalamnan ko ng paghigpit tuwing Martes ng gabi dahil alam ng sistema ko na ang mga gig kung saan madadapa ka sa bandang potensyal na pakikinggan mo sa loob ng susunod na apat na araw ay tumutugtog sa Mow's tuwing Martes. Nararamdaman din ng aking mga talampakan kapag tumutugtog ang Muni-Muni sa Jess & Pat's, o ng aking mga daliri kung nakasalang si Gary Granada sa 70's Bistro. Tuwing linggo ng umaga nagpe-play ako ng mga bidyo sa Youtube ng mga gig, nagkakape sa saliw ng boses ng mga taong nakikikanta sa Parokya ni Edgar.


2026 na - hindi ko pa rin alam kung paanong hindi malunod sa dagundong ng drums na pumipitik pa rin sa aking tainga kahit nakaupo lang ako at naga-almusal sa mesa.


Kaya sa mga gabing hinahatak ako ng panglaw para sa aking kinagisnang mga gawin noon, umuupo ako sa patio, pa-sikretong nagsisindi ng yosi at tumitingin sa mga bituin. Malaking bagay yung may patio kami na pwede kong tambayan at nagpapaalala sa akin na hindi naman lumilipas ang ikaw na nasa nakaraan - na madalas nadadagdagan lamang ng mga bagong tao, bagong mundo; na minsan nakakalakhan mo lang ang ilang bagay pero maaari mong bisitahin upang ipaalala sa sarili mo na nandito ka pa rin, hindi ka nawala.



Hindi ka kailanman mawawala.



Nandyan kang parang buwan na aasahan na darating kapag gabi. Mamatay man ang mga halaman, lumaki man ang anak mo, magbago man ang paraan mo ng pakikinig ng musika, o kahit hindi ka na makaupo sa harap ng isang painting ng kalahating oras dahil may bata kang kailangang sunduin sa eskwelahan.



Nandyan ka pa rin. 



Sa maliliit na pagkakataon.



Tulad ngayon, walang tsinelas sa maabong patio, may katabing beer at patagong humihithit ng yosi.



Huwebes, Oktubre 18, 2018

Tag-Init




Nitong mga nakaraang araw, iniisip ko kung bakit kapag pinipilit kong luksuhin ang lubid at tuluyang magwalang-bahala'y natatalisod bigla ang aking mga paa.


Kailangan ko din sigurong ikumpisal na sobrang natatakot ako -


Na baka ihain ko lahat ng aking mga istorya sa mesa, ilantad lahat ng aking mga kahinaan, kantahin ang buhay ko nang wala sa tono,


At makikita, mababasa, maririnig mong lahat ang mga ito at nanaising humakbang palayo.




Hindi tayo yung alinsangan.
Hindi tayo yung hapdi ng mga sinag tuwing tanghali.



Tayo yung ulan na bigla na lamang babagsak dahil masyado nang naipon ang init at hindi na kaya ng langit ang pangmamanhid.


Tayo yung ulan na bubuhos ng isa, dalawa, tatlong oras bago tuluyang titila at iiwan ang basang hangin.




Tayo yung nangyayaring hindi naaayon sa panahon - 
Tayo yung nangyayaring hindi nagaganap sa tamang tiyempo.





Mayo 2018







Lunes, Setyembre 24, 2018

Wala na akong makwentuhan ng mga walang kwentang bagay



Ipinatong ko ang aking bag sa mesa at nakatayong naghihintay ng kahit anong pares ng mata ng kung sino sa mga serbidor na mapalinga sa kung nasaan ako nakapwesto. Nang may nahagilap akong atensyo'y sumenyas ako na puntahan ako.







Iniabot sa akin ang menu, at porket kabisado'y ngumiti na lamang ako at nagsabing, "Isang order ng Chicken in the Basket tas isang San Mig Light." Tumango naman si Kuya: mabilisang naglista sa notepad na bitbit niya bago pumasok at maya'y maya'y lumabas muli upang abutan ako ng isang bote ng beer, isang baso at isang bucket ng yelo.



May dalang katahimikan ang paglagi sa mga lugar na pamilyar ka.



Umupo ako't hinugot ang aking telepono - sumagot ng ilang mga mensahe, mabilisang kumuha ng litrato, nagpaalam na nasa labas lang ako. Lahat ng ito habang iniiwas ang paningin sa naglilingunang mga ulo ng mga kalalakihang napansin na mag-isa nga yata akong nandito.



Hinintay kong mag-alas siyete - basa ang kalsada, maulap, malamig ang hangin at puno ng amoy ng pinipritong mga ihahain sa mga parokyano.



Habang sinasawsaw ang fried chicken sa gravy na binuhusan ko ng hot sauce ay naisip kita.

Naisip ko kung paano kaya kapag pinili kong ipakilala sa iyo yung mga lugar na naging parte ng aking mga kwento, na nakarinig sa lahat ng mga pagkukumpisal ko, na nanatiling sementado habang yung mundo ko'y nagkalabo-labo.



Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito para maamoy yung hangin, para maramdaman yung ginaw na dumadalaw tuwing alas-otso ng gabi: yung ginaw na pumalibot sa amin, sa akin, sa mga pagkakataong di maarok ang rason ng lahat ng pagaatubili. Naisip ko'ng paano kapag dinala kita dito upang iparinig yung playlist na pinapatugtog nila na kadalasa'y early 2000s hiphop at rnb, habang ngumangata ng liempo at lumalagok ng beer.



Napatanong ako kung makikilala mo kaya ako


sa amoy,


sa tunog,


at sa pakiramdam ng lugar.



Malalaman mo kayang lumalagi nga ako dito? Mapapabulong ka kaya ng, "Oo, ito nga pwesto mo"?







Mapapatingin ka kaya sa kalsada at mapapasabing, "Gets ko na kung ba't madalas kang nandito"?








Agosto 2018





Miyerkules, Agosto 22, 2018

Sampung Dipa



Naroon ka, nakatayo sampung dipa mula sa akin. Nakatingin lamang tayo sa isa't isa, sinisipat kung ayos lang ba ang bugso ng hangin, kung tama ba ang liwanag na dala ng langit, kung sakto ba ang timpla ng oras.



Ito na nga tayo. Nandito na nga tayo.
Sa wakas.



Natawa ako, sabay palukso-luksong lumapit sa iyo - tumigil sa harap mo at humugot ng buntong-hininga. Tumitig sa iyo ng ilang segundo bago ngumiti at bumulong ng,



"Natagalan ka."



Ibinalik mo sa akin ang isang ngiti. "Salamat sa paghihintay."



Bumulahaw ako ng tawa -- tuwang kanina pa kumukulo sa aking kaibuturan at nananakot na lumabas sa pinaka-hindi angkop na panahon: ngayon.



Nagkibit-balikat ako, ngumiti, at inabot ko ang iyong kamay.



"Salamat sa pagdating."




Miyerkules, Agosto 8, 2018

Isang bucket ng yelo



Tinitigan niya ang usok mula sa kanyang sigarilyo.



"Siya yung lasa ng buttered chicken na parati kong inoorder sa inumang parati kong tinatambayan mag-isa. Siya yung lasa noon pagkatapos ng isang mahabang araw. Siya yung kulay ng boses ko tuwing nagsasabi ako ng isang sikreto. Siya yung pakiramdam na nakatanim sa ilalim ng nanginginig kong mga daliri, at yung pakiramdam na sumisibol sa gitna ng aking sikmura kapag naiisip kong wala akong ginagawang tama. Siya yung kawalan na inaaninag ko sa kisame tuwing alas-kwatro ng umaga."



Dinampot niya ang baso ng beer at lumagok.



"Siya yung mga linyang hindi ko magawang isulat. Siya din yung mga linyang inuulit-ulit ko na - pati yung mga salitang sa sobrang gamit ko na ay nagagasgas na. Siya yung lamig sa gabi tuwing 'di ko makapa kung nasaan ang kumot. Siya yung mga gulay na pili ko lang kainin. Siya yung init na 'di ko sinisilungan tuwing naaabutan ako sa tanghali."



"E di siya lahat?"



Napangiti siya ng malamya sa akin. "Parang ganoon na nga. Siya lahat."





"E kumusta ka naman ngayon?", tanong ko, sabay sindi ng sariling istik ng sigarilyo.



"Anniversary dapat namin ngayong Biyernes. Hindi ko nga maaalala kung di siya nagpadala ng mensahe upang ipaalala."



Nilagyan ko ng beer ang baso niyang wala nang laman.



Pabulong niyang itinuloy ang kanyang kwento. "Sabi niya malungkot daw siya. Kung totoo man iyo'y siya lang ang nakakaalam."



Huwebes, Hunyo 15, 2017

Listahan ng mga bagay na alam ko


Alam ko kung anong pakiramdam ng boses niya sa umaga, kung paano ito bumabalot sa mga panaginip ko upang sabihing, "Halika na, gumising ka na."


Alam ko ang guhit ng kanyang mga palad sa dilim: ang eksaktong mga linyang tumutupi kapag ibinabalik niya lahat ng matiim kong mga pagkapit.


Alam ko ang amoy niya sa mga oras na galit na galit ang araw, kapag nagpapanghalo ang amoy ng tuyong lupa at ang kanyang pawis.


Alam ko kung sino siya tuwing 3:18 ng umaga, kapag tulog pa ang mundo at hindi namin alam pareho kung sino pa ang gising upang makinig sa aming mga kwento.


Alam ko din kung paano kumurba ang boses niya tuwing nagsasabi siyang, "Pasensya ka na", kung paano kumapit sa yosi yung dalawa niyang daliri kapag ayaw na niyang makipagtalo pa.


Alam ko yung tipo ng katahimikang nagpapakalma sa kanya: yung mga pagkakataong hindi siya dapat hawakan, yung mga oras na hahayaan lang dapat siyang mag-isa.


Alam ko yung tipo ng mga nota na kukuha ng atensyon niya, kung paanong pipitik ang kanyang mga daliri sa saliw ng mga huning tatapik sa ulirat niya.



Alam ko ang mga salita sa lahat ng mga emosyong hindi niya kayang sabihin.



Alam ko din ang mga salitang hindi niya bibitawan upang hindi ako masaktan.



Alam kong mahal niya ako.
Alam kong patuloy naming mamahalin ang isa't isa sa mga pagkakataong walang ibang nakakakita kundi ang hangin.



Alam ko ang ngiti ng kanyang kasiyahan, ang bilang ng bawat pagluha, ang piyok ng mga pagtawa, ang ngiwi ng bawat paga-alangan.



Alam ko din ang itsura ng kanyang likod kapag lumalakad palayo.

Puta, 'di ko alam na iyon ang imaheng iiwan niya sa memorya ko.






Pero ang totoo,







hanggang ngayon, may mga hindi pa din ako alam.





Hindi ko alam


kung paano burahin ang kanyang tawa sa aking hintutuna,


kung paanong 'di lumingon sa kanyang amoy,


kung paanong 'di balikan ang kanyang mga alaala.










'Di ko alam kung paano makalimot.








Mayo 2017

Biyernes, Pebrero 24, 2017

Mga bagay na ayaw kong malaman mo

O mga bagay na tumatakbo sa isipan ko
O mga bagay na itinatago ko mula sa iyo

PART 165

Sinadya kong iiwas ang paningin ko bago ko sabihing, "Ang epic tuwing magkasama tayo" kagabi.

Sinadya kong yumuko, pumikit at umiling habang sinundan ko it ng isang "Marami masyadong nangyayari."

Natawa ka. Sinimulan mong isa-isahin ang mga nangyayari sa mga pagkakataong nagkakasabay na libre ang ating mga oras at kinakaladkad natin ang isa't isa para sa sesyon ng alak at pagpapausok.

Masyado tayong maraming ginawa upang takasan ang kalungkutan. Masyado tayong maraming ginawa upang palitan ang mga alaala nila, upang kimkimiin ang sakit ng kawalan ng mga brasong tinatawag nating tahanan, upang palayain ang mga sarili mula sa nakaraan.

Sinipat ko kagabi kung ano ang mga salitang kaya kong bitawan na may kinalaman sa atin.

Dinala ako ng takot ko sa isang malamyang, "Tayong dalawa? We make a great story", sa isang ngiti at sa isang paglalahad ng palad para sa ligtas na batiang pangkaibigang apir.


Puta.


Ang totoo'y natatawa ako kapag iniisip ko kung saan tayo dinala nitong nagdaang dalawang buwan, kung gaano kalalim yung kalungkutang nahukay natin sa isa't isa sa ilalim ng namumutawing mga bituin na, punyeta, hindi ko alam kung bakit tuwing magkasama tayo'y parating nariyan.

Hindi mo alam ang pag-aalinlangan sa bawat yakap tuwing tayo'y nagpapaalam.

Hindi mo alam ang kaba tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata sa mga pagkakataong may nababanggit tayong tumatama sa mga nakatining sa dibdib ng bawat isa.

Hindi mo alam kung gaano kadalas ang mga pagkakataong kusang inaabot ng mga daliri ko ang iyong mga kamay, at hindi mo alam ang libong mura na tumatakbo sa isipan ko upang ihinto ito (kaya malamang, mabibilang sa isang kamay ang mga pagkakataong hinahayaan ko ang sarili ko).

Hindi mo alam ang pakiramdam na para akong itinapon sa kawalan noong sinabihan mo akong mahal mo ako sa platonic na paraan, noong nabasa ko ang tulang isinulat mo para sa akin, at sa lahat ng pagkakataong sinasabi mong natatakot ka sa kung anumang mayroon tayo.

Hindi mo alam kung gaano ako nagtataka sa mga pagkakataong nahuhuli ko ang sarili kong tahimik na nakaupo sa tabi o tapat mo. Hindi mo alam ang pagtataka na nakahanap ako ng katahimikan sa piling ng iba (sa iyo) at hindi sa kanya.

Hindi mo alam ang pagtataka na dala ng pagiging komportable kong 'di magsalita kapag ayaw kong magsalita.

Hindi mo alam kung gaanong nangangatog ang kalamnan ko tuwing napagtatanto kong komportable akong malaman mong malungkot at nasasaktan ako sa mga panahong ginugupo ako ng mga emosyon ko... na natatakot ako dahil hinahayaan ko ang sarili kong magiba sa presensiya mo: walang mga pader, walang pagkukunwari, walang pagtatabil ng mga labi.

Nakakatakot na hinahanap kita sa mga pagkakataong kailangan ko ng kakapitan.

Kaya kong sabihin lahat sa iyo, maliban na lamang sa mga bagay na may kinalaman sa atin ---


pero wala namang "atin" tayong maituturing.












Kaya kitang mahalin.












Hindi ako mahihirapan kung magdedesisyon akong pakawalan ang aking mga limitasyon at piliing ika'y mahalin.

Kahit may mga anino niya, nabuo ko na muli ang sarili ko sa paraang nais ko, sa paraang purong ako. Kasama nito'y namutawi ang buhos buhos na pag-ibig sa loob ko na sa kasalukuya'y walang paglagyan

na maaaring sa iyo ko ipasalo kung matapang lamang akong sabihin sa iyo.

Hindi ko alam kung bakit ako nagsusulat ng tungkol sa iyo ngayon.

Ang alam ko'y nananatiling puno ang tinta ng aking mga panulat at blangko ang mga pahina ng aking journal habang naubusan naman na ako ng mga salita dahil sa iyo ko ito lahat inilalahad. Wala na akong naisusulat. Ang mayroon na lamang ako ay puro kuwento na sasambitin sa iyo

ngunit nandito na ako sa puntong itong aspeto ng nararamdaman ko para sa iyo ay hindi ako kailanman magkakaroon ng tapang na sabihin sa iyo ng harapan o diretso.


Maiintindihan mo ako kapag sinabi kong, "Baka umalis ka din naman. Baka maisip mong mas matagal ang 'tayo' kung pananatilihing magkaibigan na lamang."


Pero kapag niyaya mo akong tawirin ang napakakitid na linya kung saan tayo naglalaro ng ilang buwan na, papayag lamang ako kung kasabay ng pag-aalok mo ay ang paglahad ng palad mo upang abutin ako.


Alam nating pareho na kapag pinagsama tayong dalawa'y magiging malawak ang mundo at hahayaan tayo nitong maglaro dito nang walang katapusan,

ng buong kalaliman.


Anumang kulang doo'y hihindian ko.


Masyadong maganda ang magiging kuwento natin kung hahayaan lamang nating pagbigyan ang ating mga sarili.


At dito,





dito ako pinaka-natatakot.








Nobyembre 2015

Biyernes, Pebrero 10, 2017

Hinihintay na Kita

Hinihintay kita.
Gabi gabi, ipinipila ko sa aking isipan ang mga tugtuging ipaparinig ko sa iyo kapag dumating ka na. Paisa-isa ko silang ipaparinig sa iyo, kasabay ang paisa-isang paghuhubad ko ng mga maskarang isinusuot ko sa bawat araw.

Hinihintay kita.
Nakikita ko na kung paano ko aabutin ang iyong mga daliri upang kunin ang iyong atensyon at ituro sa iyo ang bawat isang magandang larawan, bawat isang nakakatuwang bata, bawat isang nakakaaliw na tanawin. Nakikita ko na sa aking isipan ang mga mapang-asar na mga ngiting mamumutawi sa iyong mga labi tuwing magsasabi ako ng biro na hindi nakakatawa.

Hinihintay kita.
Hinahanda ko na ang aking sarili sa iyong mga paninita tuwing tatamarin akong ubusin ang pagkain sa aking plato, tuwing ayokong bumangon, tuwing gugugulin ko ang aking oras kakatulala habang nakahiga sa kama. Hinahanda ko na ang aking sarili para sa mga paninita mo sa mga parte ng pagkatao kong hindi mo magugustuhan.

Hinihintay kita.
Hinihintay na ng aking palad ang iyong mukha, ng aking mga daliri ang iyong batok, ng aking mga labi ang iyong balikat. Hinihintay ko na ang init na ibabahagi mo sa akin tuwing sasabihin kong masyadong malamig ang hangin.

Hinihintay kita.
Nakahanda na ang uupuan mo sa tuwing hihilingin kong samahan mo akong panoorin ang ulan, habang may hawak tayong mga tasa ng mainit na tsokolate at nagpapang-abot sa ating baga ang amoy ng usok ng sigarilyo at nabasang lupa.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng espasyo sa tabi ko sa mga gabing ginugugol kong nakahiga sa ilalim ng langit at nakatitig sa mga bituin, habang nananahimik sa himig ng mga along naglalaro sa dalampasigan.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng mga bote ng alak na sabay nating pagsasaluhan sa mga pagkakataong gusto lang natin ng kaunting katahimikan mula sa mundo, mula sa isa't isa --- katahimikang gugugulin din naman natin nang magkasama.

Hinihintay kita. 
Hinihintay ka na ng aking mga "Namimiss na kita," ng aking mga "Pasensya na, wala ako sa hulog ngayon," ng aking "Mamahalin kita kahit wala nang dahilan para mahalin pa kita --- dahil madalas ganoon talaga ako kabobo, hindi nga lang halata". Hinihintay ka na ng mga mensaheng bubulabog sa iyo tuwing ala una ng umaga. Lahat ng iyo'y ipagpatawad mo sana.

Hinihintay kita.
Hinihintay ka na ng aking paningin na handang tanawin ka mula sa malayo. Hinihintay ka na ng aking pandinig para sa bawat suliranin o kasiyahang nais mong ibahagi sa akin. Hinihintay ka na ng aking mga braso para sa mga oras na hindi mo gugustuhing magkwento tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa iyo. 

Hinihintay kita. 
Hinihintay ka na ng mga tasa ng malamig na kape, ng mga baso ng maasim na orange juice, ng mga kutsara ng patikim na tinolang lalapatan ng mga labi mo na ihahanda ko. Hinihintay ka na ng papaitan, ng crispy pata, ng adobo, ng lahat ng pagkaing ihahain ng pamilya ko tuwing tanghalian ng Linggo. 



Hinihintay kita. 

Hinihintay na kita.

Nananabik na ako sa bawat "Mag-ingat ka", "Ayos ka lang?", "Ano bang gusto mo?", "Bakit ba ang gulo gulo mo?", "Wag muna tayong mag-usap ngayon," "Bati na tayo?", "Samahan mo muna ako," at sa bawat "Mahal mo ba 'ko?" na itatanong mo. Nananabik na akong tawanan at patahimikin ka sa pamamagitan ng pagsasabing matagal na kitang hinihintay at salamat, 


sa wakas, 


nandito ka na.

Biyernes, Enero 27, 2017

Minsan talaga, dapat bumibitaw ka na

Nakatitig ako sa iyong mukha at humahanap ng anumang guhit ng pagkadismaya.

Wala akong nakita.

Halos isang taon din tayong hindi nagkausap.

Mabilisang dumaan ang aking paningin sa iyong mga pisngi at mga braso, tinatantya kung namayat ka ba, naghahanap ng kahit anong senyales na pinuno ka ng kalungkutan.

Mukhang naging maayos ka naman. Mukhang masaya ka naman.

"Kwento ka," simula ko. Tumingin ka sa akin. Itinaas mo ang isa mong palad. "Sandali lang," sabi mo. Hinahabol mo ang iyong hininga dahil nagmadali kang puntahan ako.

Iniangat ko ang aking baso at tinikman ang inorder kong mojito. Pakiramdam ko'y hindi sapat ang isang baso para sa gabing ito.

"Kamusta?," tanong mo, kasabay ng isang mabilis na ngiti.

Gusto kong humugot ng yosi pero naalala kong iniiwasan ko na nga palang manigarilyo. Pagkatapos ng mahabang panahong pag-iwas ko sa iyo, pumayag din akong tumambay tayo.

Sasalubungin kita at ang mga tanong mo sa paraang nais ko, sa paraang alam ko.

Tinitigan kita ng diretso. Naghihintay ka ng sagot ko (na alam nating dalawa'y magdidikta ng magiging mood natin sa gabing ito).

Bumunot ako ng isang buntong-hininga sabay sabing, "Nagkaroon ng tayo para maging kayo sa huli."

Nasipat kong pumintig ang mga daliri mong nakabalot sa bote ng beer pero nanatili kang kimi, nakatingin sa akin, at hindi nagsasalita.

Napatingin ako sa langit. Umaalingawngaw sa katahimikan sa pagitan natin ang mga salitang aking binitawan.

Tangina, galaw galaw, 



nasa dako mo na ng korte ang bola.



Lunes, Hulyo 4, 2016

Itinabi ko ang liham ng aking pamamaalam sa iyong mga alaala




 11/25/2015



'Di na kita naaamoy sa kahit saang sulok ng CubaoEx.


Hindi na din ako natatakot na makasalubong ka, kayo, at hindi na din ako natatakot na kumustahin ka at ngumiti sa iyo.

Nitong mga nakaraang buwan, marami na masyadong nagbago.

'Di na kita kasama sa maraming pangyayari sa buhay ko.

'Di na kita naaamoy sa aking mga daliri.
'Di ka na din sumasagi sa isipan ko sa bawat umagang gigising ako sa sinag ng araw.
Hindi na ikaw ang naaalala ko sa mga panahong may mga nais akong ikwento, o sa mga panahong masaya ako.


Sumasabit ka pa din naman sa mga alaala ko, pero hindi na ganoon kadalas.


 Kaya ko nang mabuhay nang wala ka.

Kaya ko nang kumain nang 'di iniisip kung nakapagtanghalian ka na ba.
Kaya ko nang uminom nang 'di ka hinahanap.
Kaya ko nang umuwi ng madaling-araw na 'di natatakot na 'di ka kasama.
Kaya ko nang dumayo sa kung saan saan nang 'di nalalaman kung ano ang masasabi mo tungkol sa aking mga pinaggagagawa.
Kaya ko nang manood ng sine nang wala ka sa tabi ko upang ipaalala na hindi ko kailangang umiyak.
Kaya ko nang uminom ng kape na hindi ikaw ang nagtitimpla.





Kaya ko nang tumingin sa mga bituin na 'di nakikita ang mga mata mo.

Kaya ko nang mabuhay nang wala ka sa paraang kaya ko nang huminga ng maluwag nang walang kahit anong salita mula sa iyo.
Kaya ko nang tumawa sa lakas ng hangin na 'di naririnig ang mga bulong mo.
Kaya ko nang matulog sa gabi na di naririnig mula sa iyo ang isang " Sana mapanaginipan mo ako".


Sa ngayon, pwede ko na sabihing kaya ko na na wala ka.



Kaya ko na.












Oo, kaya ko na.







Lunes, Enero 4, 2016

"Okay Pa Ako. Ikaw?", Sabi Mo




"Pero malungkot talaga ako. Totoo."


Nakakabasag ng pandinig ang tugtugan noong gabing iyon. Nakakabasag din ng katinuan ang ilang basong alak at ilang klaseng pulutan na nilantakan natin nang mga oras na iyon. Nakakalito din yung pagsayaw ng mga ilaw sa nagsasayawang mga tao.


Sinabi mong malungkot ka sa pagkakataong iyon --- ikatlong baso na yata natin ng beer na sabi mo'y mukhang may halong gin at sabi ko'y mukhang may halong tubig.


"Malungkot ako," buntong-hininga mo na may kasunod na pagyuko ng iyong ulo.


Hindi ako sumagot noon at sa halip ay natawa na lamang ako dahil ang tumatakbo sa utak ko'y "Mas malungkot ako sa iyo. Alam kong sobrang lungkot mo pero, seryoso, kung magpupustahan tayo ngayon kung sino ang mas malungkot, mananalo't mananalo ako. Natuto na lamang akong hanapin ang maliliit na bagay na ikasasaya ko sa bawat malungkot na sitwasyong dinaranas ko." Pakiramdam ko'y hindi ko iyon kailanman maipaiintinding lubusan sa iba, sa iyo, kaya pagtawa na lamang ang naging tugon ko.


Noong gabing iyo'y inunahan mo nga ako ng kalungkutan mo.


Malungkot ka.
Naiintindihan ko.
Sapat nang rason para sa akin iyon upang ipagpabalewala ang bawat pagdampi ng iyong mga labi sa aking balikat.


Malungkot ka.
Naiintindihan ko.
Kaya hinayaan na lamang kitang ikulong ako sa mga braso mo.


Malungkot ka.
Naiintindihan ko.
Ramdam ko iyon sa kung paanong nakipagkilala ang iyong dila sa bawat parte ng balat kong makakasalubong nito.


Malungkot ka.
Naiintindihan ko.
Noong oras na iyo'y napagpasyahan kong hindi ko gagawing malaking bagay ang pangangailangan kong dahan-dahang hawiin ang iyong mga kamay tuwing nagiging masyado nang pribado ang mga haplos mo.


Ngayo'y napagtanto kong siguro'y malungkot din ako noon. Minsan na akong naging pamilyar sa pakiramdam na ibinigay mo sa akin noong gabing iyon. Hindi ko maiwasang maalala siya sa iyo --- sa kung paano ka sumiksik sa akin,
sa kung paanong dumaan ang iyong mga ngipin sa aking tainga,
sa kung paano mo hinawakan ang aking mga kamay at tinitigan ang aking mga palad,
sa kung paano ka sumandal sa akin,
sa kung paano mo ako hinihila padikit sa iyo ng walang paga-alangan o pagtatanong,
sa kung paanong ikinubli mo tayo sa isang bula na sa atin lang sa isang lugar na punong-puno ng tao.


Panay ang tingin ko sa iyo noong kahit nakasiksik ka sa aking gilid. Panay ang pagtatanong ko kung ayos ka lang. Nanatiling sa akin ang aking mga palad at daliri, ang aking mga braso, ang aking mga labi, at hindi ko inilapat ang mga ito sa iyo. Mangilan-ngilang beses mo din akong hinila upang yakapin ka, mangilan-ngilang beses mo ding itinungo ang iyong ulo upang mapagtagpo ang ating mga labi, pero hindi ko tinawid ang kahit anong linya noong gabing iyon.


Wala sawa kang nagbibigay at humihingi.


Wala sawa akong tumatanggap at hindi nagbabalik.


Malungkot ka.


Naintindihan ko, kaya nirespeto ko ang espasyo mo.


Nagpakalunod ang hintutuna ko sa dumadagundong na tugtog at malilikot na mga ilaw habang sinusubukan kong maglakad sa isang tuwid na linya sa aking isipan upang mapatunayang hindi pa nga ako lango sa alak. Sa puntong iyon ka nagtanong ng,


"May naaalala kang iba ngayon, ano?"


Dumako ang paningin ko sa mga mesang unti-unti nang napupuno ng tao, sa mga basong nawawalan ng laman at agad din namang napupunan, sa mga magkakasintahang nag-uulayaw sa ibabaw ng mga tore ng alak.


"May naaalala ka ba ngayon?", ulit mo.


Hinayaan kong ang malakas na tugtugin ang sumagot sa iyo.


"Huy, tinatanong kita. May iba ka bang naaalala ngayon?", sabi mo. Nakatingin ka sa akin, may hawak na yosi sa kaliwang kamay, lighter sa kanan.


Oo, alam ko ang itinatanong mo. Malinaw ko itong narinig simula pa noong unang sambulat mo.


Hindi na ako makakatakas.


"Oo," sagot ko. Sinamahan ko ito ng isang malamyang ngiti upang pawiin ang kung anumang kainsu-insultong epekto ng katotohanang ito sa iyo (kung mayroon man).


Tumango ka, sinindihan ang iyong yosi, tumingin sa paligid bago muling sumandal sa akin. Noon ako napabulong ng isang "Puuutang ina" kasabay ng pagtatanong sa sarili kung hindi ba magbabago iyon --- na lahat na lamang ba ng bagay ay mananatili sa anino ng mga alaala niya, at hindi ko na mararanasang lubusan nang walang memorya niya.


Maga-ala una na ng umaga nang lumabas tayo. Niyaya kitang umakyat ng Tagaytay noon din. Gusto ko sanang pag-usapan natin ang kalungkutan, at sasabihin ko sa iyong kailangan mong makinig sa akin dahil may mga bagay namang napag-aaralang ikutan o takasan sa paraang iba sa nakasanayan at ginagawa mo.


May pasok ka ng alas sais ng umaga. Walang Tagaytay na naganap.


Nakasakay na tayo pauwi. Kahit ang drayber ay nalito din kung bababa ba tayo pareho sa EDSA tulad ng sabi mo, o ikaw lang ang bababa dahil uuwi ako sa amin gaya ng sabi ko.


Hindi ko mapilas ang paningin ko mula sa iyo noon, kaya't humantong ako sa malaking desisyon na halikan ka. Isang malaking desisyon na ako ang unang lumapit sa iyo upang ilapat ang aking mga labi sa iyong bibig.


Ikaw ang unang taong hinalikan ko sa loob ng dalawang taon.


Ikaw pa lamang ang hinalikan ko maliban sa kanya.


Magkalasa nga kayo --- Marlboro Red, alak, pagnanasa at malalim na gabi. Parehas kayong agresibo. Parehas kayo ng paraan ng pakikipagsayaw ng mga labi at dila.


Nang kumalas ako sa iyo, naging sementado ang desisyon kong uuwi ako noon din. Magiging kasalanan ko sa sarili ko kung sasamahan kita noon at mangangakong walang mararamdamang kahit na ano.


Hindi ako magaling sa kahit anong kaswal.
Hindi ako marunong ng kahit anong kaswal.


Binabaybay na natin ang EDSA pero hindi ka pa din sumuko sa pamimilit sa akin. Nagliparan ang mga poste ng ilaw sa labas ng bintana. Nawala sa paningin ko ang mga bus at sasakyang nakasabay natin sa daan. Inabot ng dalawa mong kamay ang aking mukha upang paglapitin muli ang ating mga labi. Hindi ko makakalimutang nakatingin ka sa akin na parang ako ang may kakayahang bawasan ang kalungkutan mo sa gabing iyon. Hindi ko makakalimutang tumingin ka sakin na parang ang mga labi ko ang sagot sa tanong na kung bakit hanggang ngayon, mag-isa ka pa din, mag-isa pa din ako,


kung bakit malungkot pa din tayo.


Pababa ka na nang hinalikan kita sa huling pagkakataon. Saglit kong naibuhos lahat ng nararamdaman ko noon. May mga emosyong umapaw na hindi dapat. May mga umawas na hindi ko na dapat pa ibinigay. May tumiing sa dibdib ko gayong sabi ko'y kontrolado ko ang sitwasyon, kontrolado ko ito.


Natakot akong dagitin ang katiting na liwanag na ikaw.


Natakot akong simulan ang alam kong alanganin.


Natakot ako sa walang kasiguraduhan ng kung anumang mayroon sa atin.


Sinasabi ko sa iyo ngayon, 'di ako tatawid nang ako lamang mag-isa. 'Di ako tatawid nang 'di ka kasama. 'Di ako tatawid kung alam kong pagkatapos ng ilang hakbang ay bibitaw ka din.


Kaya pinalaya kita noong gabing iyon.


Pinakawalan kita noong gabing iyon.


Malungkot ka.


Malungkot ka lang.


Naintindihan ko.


Inintindi ko.




Pero mas malungkot ako.










Huwebes, Oktubre 1, 2015

Pagbitaw ng bawat isang daliri ko mula sa iyo




03/21/2015

At sa pagkakataong itong ipinaramdam mo na naman sa akin na 'di na ako ang prayoridad mo,
na 'di na ako kasama sa mga plano mo kahit nakapangalan na ako sa mga ito,
na 'di na ako kasali sa iyong kwento dahil natapos na ang parte ko,
na 'di mo na ako hinahanap sa bawat umaga paggising mo,
na 'di mo na 'ko naaalala sa bawat lungkot at saya mo,
na 'di na sa akin ang numerong itinitipa mo upang tawagan bawat gabing pipikit na ang mga mata mo,

Sa paulit-ulit, paulit-ulit na napatunayan kong tapos na nga talaga tayo,
at sa kahit anong anggulo'y manananatili akong talo,

'Wag mo na akong hanapin, dahil ultimong pagsambit mo sa pangalan ko'y hahayaan ko na lamang ang hangin na makarinig nito

at di na ako.







Sabado, Agosto 8, 2015

Sa Iyo




Saktong isang linggo mula ngayo'y kaarawan mo na.



Unang kaarawan mo simula noong nagkakilala tayo (walong taon na ang nakaraan) na hindi tayo magkasama.



Malamang, unang kaarawan mo din ito na hindi mo 'ko maaalala.



Kaya inunahan ko na ang sakit. Tinitigan ko ng trenta minuto ang profile picture mo na kasama siya. Di ka nga nakangiti, pero mukha namang masaya ka na.



Mukha namang kuntento ka na.



Kaya sa susunod na Sabado, maalala mo man ako o hindi, ibubulong ko sa hangin at sa kawalan ang taos-puso kong panalangin na sana matanggap kong tama ang pagkalas sa iyo --- para sa ikabubuti ko, para sa ikabubuti mo,



Para sa ikabubuti natin.



Simula pa lamang nang pumasok ang Agosto'y plinano ko nang dapat buo ang mga gabi ko kasama ang kung sinu-sino. Pinaghandaan ko na ang araw ng kaarawan mo sa pamamagitan ng pagyayaya sa mga kakilala upang samahan akong magluksa habang, kung saan man kayong dalawa'y kayo'y masaya.



Hindi ako hihingi ng patawad sa patuloy kong pag-alala at pagkapit sa mga hibla mong naiwan sa pagkatao ko.




At sana, sana, balang-araw, mahanap ko na din ang pira-pirasong mga parte ng sarili kong kung saan saan mo ibinato at itinago.



Para naman maitagpi-tagpi kong muli ang sarili ko na hindi pinagdudugtong ng mga pisi mo.




Huwebes, Hulyo 9, 2015

Sana kaya kitang isuka sa parehong paraan kung paano ko isinuka ang aking kalamnan kagabi







Masyadong maginaw kagabi.

Hindi napawi ang kalamigan ng dalawang bucket ng red horse at isang kaha ng yosi.

Hindi ka gaanong gumulo sa aking hintutuna dahil may mga kasama ako.

Pero nang nakauwi na, nang natagpuan ko na lamang ang sarili kong nakaupo sa sahig ng kubeta habang pinapatigil ko ang pag-ikot ng aking paningin at habang pinapakalma ko ang aking sarili, naluha ako nang, mula sa kawalan, naalala ko na mas komportable akong magpakalasing na kasama ka.

Sa lahat lahat ng pagkakataong nalasing ako habang nariyan ka, hindi mo ako kailanman nakitang umiyak.

Mabuti na lamang na kagabi ako humagulgol dala ng sobrang pagkaalila at kalungkutan.

Mabuti na lamang at kagabi'y

wala ka.

Dahil hindi mo kailanman maiintindihan na sadyang may tipo ng pagkabalisa na hindi dala ng panahon o ng hormones.

Malungkot ang tag-ulan.

Mas malungkot nang maalala kong hanggang ngayo'y sinasanay ko ang aking sarili na uminom na wala ka. Nalulungkot ako sa kakaisip kung saan ko hinahagilap ang lakas ng loob na kahit walang umaakay sa aki'y nakakauwi ako ng mag-isa, kung paano ko sinusubok na lumakad sa isang tuwid na linya bilang batayan kung kaya ko pa.

Kaya ko. Kaya ko pa.

Madalas akong masabihang malakas daw ako uminom pero pag narinig mo ito'y sigurado akong tatawa ka.

Kilala mo ako. Kilala mo ang mga kahinaan ko. Kabisado mo kung hanggang ilang bote lang talaga ang kaya ng aking sikmura bago ako tumingin sa kawalan at punuin ang sarili ng katahimikan. Sa mga ganoong pagkakataon ka na tatayo at yayayain akong umalis na.

Na-miss kita kagabi. Walang bola. Walang drama.

Walang kamay na mahagip ang aking mga palad habang naglalakad ako mag-isa. Walang umaagaw sa payong na hawak ko dahil kulang tayo sa silungan. Walang naniguradong tama ang pinara kong dyip pauwi. Walang nagsisindi ng yosi sa bawat hugot ko dahil hindi ko na makapa kung saang bulsa ko inihagis ang lighter. Walang nagyayayang dumaan sa 7-11 o Ministop upang bumili ng kahit anong fluid, dahil puta, hilong-hilo na ako.

Naalala ko lahat ng iyon kagabi. Naramdaman ko ang kabuuan ng kawalan mo kagabi.

Na-miss kita, pero hindi ko nanaising bumalik ka pa.

Na-miss kita, pero sa ngayo'y sapat na para sa aking gawing kapitan ang mga alaala.

Na-miss kita, pero habang nakasalampak ako sa sahig na iyon at umiiyak habang dumuduwal, naisip kong kayang punan ng iba ang espasyo mo sa buhay ko.

Na-miss kita, pero sigurado akong ang iniyak ko talaga ay ang pagkatanto kong, sa wakas, patapos na ito.

PUTANGINA,


patapos na ITO.






Kaunti na lamang at bibitaw na ako.


Biyernes, Hunyo 26, 2015

Timeline: 2009 - 2010

Hinahayaan ko ang sarili ko ngayong dumayo sa sulok mo ng utak ko pagkatapos kong pagbawalang magawi ito malapit sa iyo ng isang buong araw kahapon.


Nag-ubos ako ng tatlong oras ngayong araw upang magbura ng lahat ng bahid mo sa timeline ko. Simula noong 2009 nang magsimula ako sa Facebook, binalikan ko lahat ng ipinaskil ko. At kasabay ng pagkapansin ko ng evolution ko bilang tao, manaka-naka kong nababasa ang lahat ng bagay na tungkol sa iyo at sa atin na naging matapang akong ibahagi sa mundo.


Naduwag akong burahin ang ilan. Ito na lamang kasi ang mga pruweba na minsan, talagang naging tayo.


Ang mga ito na lamang ang patunay na nagkaroon ng panahong nagmahalan tayo . . . ng mga panahong minahal mo nga ako.



Ngayon ko lang napansin na karamihan ng mga ipinapaskil ko tungkol sa'tin ay ang mga sama ng loob ko sa iyo (na noong panahon na iyo'y kadalasa'y pinapalagpas ko). Mga oras na naghihintay ako ng mga mensahe mula sa iyo, ng mga oras na parati mo akong inaaway nang walang dahilan (na ngayo'y pamilyar na ako sa totoong rason).



Habang itinitipa ko itong post na ito'y napaisip ako kung anong taon na nga ba tayo nagsimula. Tanda ko pa ang araw at ang buwan, ngunit 'di ko maalala ang taon. Hindi ko alam kung dapat ko ba itong ikalungkot, ikabahala o ikatuwa.



Yung mga bagay na akala ko noo'y mahalaga sa pagitan nating dalawa'y unti-unti nang nalulusaw mula sa aking memorya. Lahat ng sabi ko'y mahahalagang araw, mahahalagang nasabi mo, mahahalagang pangyayari sa buhay mo't buhay ko, karamiha'y unti-unti nang nawawala. Iilan na lamang sa mga pangalan ng mga pinsan mo, sa mga tshirts mo, sa mga paborito mong iginuguhit, sa mga gusto mong kinakainan, ang aking naaalala.



Unti-unti na kitang di nakikilala.



Pero hanggang ngayon, nagtataka ako kung kailan na din magsisimulang mawala ang bakas ng iyong pananalita sa aking mga labi, ang amoy ng iyong pawis sa aking balat, ang iyong tawa sa aking tenga. Naghihintay akong dumating ang panahon na hindi ko na maririnig ang iyong boses tuwing kakain ako ng agahan sa McDo, na hindi ko na maaamoy ang iyong mga daliri tuwing may nakakatabi akong naninigarilyo ng Marlboro Red, na hindi na kita malalasahan sa bawat pagdampi ng Red Horse sa aking mga dila, na di ko na mararamdaman ang iyong palad sa aking tuhod tuwing ako'y nagsisimba. Mananatili akong umaasa na hindi na parating mga mata mo ang maaalala ko tuwing may tumitingin sa akin ng diretso.


Hanggang sa 2010 na lamang ang pagsisiyasat ko.
Hanggang 2010 na lamang muna ang kaya ng hintutuna ko.



Hanggang 2010 na lamang muna ang pagbubura ko dahil madilim ang langit ngayon, at paniguradong giginawin na naman ako mamaya sa daan pauwi sa dami ng mga bahid mong kailangan ko pang ibaon.










Huwebes, Marso 5, 2015

Iced Caramel Macchiato



Nakaupo ako sa kabilang bangko ng mesang ito na "pwesto" natin sa paborito kong kapihan.

Maraming mga lugar sa "teritoryo" ko ang naipakilala ko sa'yo bilang aking mga taguan tuwing gusto kong mapag-isa. Sa mga oras na ito, sipat ko'y nadala mo na din s'ya sa mga lugar na iyon.

Iwan mo itong kapihan para sa akin. Iwan mo itong kapihan bilang sangktwaryo ko, bilang ang iisang lugar na tambayan natin kapag gusto nating lumayo sa kanya-kanya nating mga mundo at magpakalunod sa katahimikan na namamagitan sa atin.

Nakikita kita ngayon sa aking isipan: 
kung paano ka nasasabik na ipakilala sa kanya ang mga putaheng dati'y ating pinagsasaluhan;
kung paano mo masayang ikukuwento sa kanya ang ilang beses mong paglalakad sa kahabaan ng Maginhawa;
kung paano mo itatawa ang kabobohang lakarin ang kahabaan ng Kalayaan hanggang Kamias;
kung paano mo ibabahagi ang lahat ng ito sa kanya nang 'di binabanggit na ako noon ang iyong kasama.

Sa iyo, mananatili akong parte ng mga kuwento ng ilang masasayang alaala mo na hindi na kailangan pang ipaalam sa kanya.

Iwan mo itong kapihan para sa akin. Hayaan mong i-immortalize ko sa aking memorya yung mga panahong nakaupo tayo sa bangkong katapat ko ngayon, naguusap tungkol sa nakaraan, sa kinabukasan at sa ating mga nararamdaman. Hayaan mo 'kong kabahan tuwing maaaninag ko sa malayo ang bawat magkasintahang dadaan sa pagaakalang sila'y kayo.

Nakikiusap ako. 'Wag mong dudungisan ang kakarampot kong sulok na ito sa mundo ng presensiya ninyo. Sana, para din sa iyo, manatili ang kapihan na ito bilang lugar na sa akin, at di mo magagawang ipakilala sa kanya o sa kahit pa kanino.




Iwan mo ang kapihang ito para sa mga alaala natin. Iwan mo ang kapihang ito para sa akin.




Martes, Nobyembre 18, 2014

Hilaw



5:09 ng hapon
Dalawa tayong parang tangang nakaupo dito sa labas: nakasilong sa tig-isang pan-lamesang payong na ating panangga mula sa medyo malakas na buhos ng ulan. Noong tinanong ka kanina ng serbidora kung gusto mo bang umupo na lamang sa loob ng restawran dahil umuulan, umayaw ka.
Nakarolyo hanggang siko ang mga manggas ng iyong polo. Sa harap mo’y nakalatag sa mesa ang dalawang tasa, isang basong tubig, at isang walang laman na platito.
“Okay lang ako,” sagot ko sa serbidora noong ako naman ang tanungin niya. Nakita ko sa gilid ng aking paningin na nahuli ng isang segundo sa tiyempo ang pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa nang bahagyang narinig mo yata yung sinabi ko. Nagbago ng kaunti ang postura mo; mukhang medyo sumalampak ka sa iyong pagkakaupo.
O siya, sige, guni-guni ko lang iyon.

5:36 ng hapon
Tuloy pa din ang ulan. Patuloy pa din ang pag-arangkada ng mga sasakyan sa kalsadang may walong metro mula sa mesa mo, mula sa mesa ko. Mukhang nakatingin ka sa kanal, pero dahil mahilig akong magbasa ng mga nobelang may mga lalaking karakter na may malalambot na puso’y iniisip ko din na baka ang tumatakbo sa utak mo ngayon ay ang paraan ng pagtilamsik ng bawat butil ng ulan pagkasayad nito sa lupa.
Nakaubos na ako ng tatlong istik ng yosi. Nangalahati na din ang tasa ko ng kape.

6:00 ng hapon
Natalsikan ka ata ng ulan sa mukha.

6:00 ng hapon
Ang bobo ko talaga. Kung di ko pa napansing namumula na ang paligid ng iyong mga mata, di ko pa maiisip na pinipigilan mo palang umiyak.

6:02 ng hapon

Anong gagawin ko? May dapat ba akong gawin?

6:04 ng hapon

Isa na siguro ‘to sa mga pinakamahirap na pagdedesisyon sa bente-kwatro na taon ko sa mundong ito. Pag nilapitan kita upang abutan ng kung ano, o upang sabihan na “Magiging ayos lang din ang lahat”, baka malaman mo nang ilang araw, ilang buwan na kitang pinapanood mula sa mesa ko.
Gusto nang kumawala ng mga labi mo sa pagkakaipit mo sa mga ito.
Baka malaman mong pinapanood kita noong dalawang beses na sabay kayong nagtanghalian ng kasintahan mo sa mesa mo. Baka malaman mong hindi lumagpas sa paningin ko yung dahan-dahang pagdaan ng iyong mga palad sa kanyang itim na buhok, at kung paano ka tumitig sa kanyang mga mata habang may sinasabi siya sa’yo.
Baka malaman mong nakatatak na sa isipan ko yung marahang pagsibol ng ngiti sa mga labi mo tuwing may kausap ka sa telepono – na tingin ko’y siya dahil sadyang kilala ko kung paano ka sumasaya kahit marinig lang ang boses niya.
Baka mas lalong malaman mo na nakita ko kung paanong magtila bumbilya kang napundi noong huling beses na iyong sabay kayong mananghalian. Nang dinampot mo ang kanyang telepono at may nakita dito. Kung paanong marahang namatay ang iyong ngiti at nag-isang linya ang iyong mga labi. Kung paanong, noong pagkabalik ng iyong kasintahan sa tabi mo’y inabot mo sa kanya ang kanyang telepono. Kung paanong natameme siya sa nakita niya, at hindi makatingin ng diretso sa’yo.
Kung paanong nangarag ang boses niya nang magsimula siya ng isang, “Kailangan nating mag-usap….”

6:08 ng hapon

Iiyak mo na yan. Ikaw lang naman ang nandyan sa mesa mo. May dalawang metro naman din ang layo ng mesa mo sa mesa ko. Tayo lang ang nandito, pati ang kalsada. Wag mong isipin yung mga kotseng maya’t mayang dumadaan. Iiyak mo lang yan. Naging masyado kang matapang nitong mga nagdaang araw --- iiyak mo lang yan. Nanatili kang tila bato mula sa iyong mga nararamdaman sa loob ng tatlong linggo mula noong huli kayong nagkita. Nandito naman ang ulan upang itago ang iyong mga luha. Nandito naman akong nagkukunwaring walang nakita. Iiyak mo lang yan.

6:13 ng hapon

Nagtama yung paningin natin. Di ko inasahan yung sakit sa dibdib na mararamdaman ko nang tumingin ng diretso sa akin yung mga mata mo. Parang may pumiga sa puso ko.

6:15 ng hapon

Anong gagawin ko anong gagawin ko anong gagawin ko

6:23 ng hapon

Tuwing akala kong kalmado ka na, nagpapakawala ka ng isang malalim at mala-hikbing buntong-hininga. Sige lang, sabayan mo lang ang ulan sa paglakas at paghina.
Imbentaryo: Siyam na istik ng yosi, isang kalahating tasa ng kape, at ang mga giniginaw kong daliri.

6:24 ng hapon

Ano ba ‘tong ginagawa ko sa sarili ko?

7:00 ng gabi

Araw at buwan ang bibilangin kapag tinanong ako kung gaano katagal na kitang pinagmamasdan, pinapanood yung mga emosyong naglalaro sa iyong mukha, sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng pagtapik ng iyong mga daliri sa kahoy na mesa. Di pa din kita kilala. Kilala ko lamang yung aspeto ng pagkatao mong parati kong nakakasabay tumambay sa kainang ito.
Nakakapagod din pala. Nakakapagod din palang manood lang.

7:28 ng gabi

Napatingin ako sa orasan ko. Petsa na pala. Halos tumila na ang ulan at bumagal hanggang sa ito’y maging manaka-nakang pagpatak ng ambon sa payong sa ibabaw ng ulo ko. Patayo na ako nang makita kong nagpantig ang iyong panga at kumuyom ang iyong mga palad sa isang kamao. Naaawa na ako sa mga labi mo, kanina mo pa kagat kagat ang mga ito.

7:30 ng gabi

Kasabay ng pangako ko sa aking sarili na uuwi na ako ng alas-otso ay ang pagkalampag ng iyong mesa at ang pagtalon ng iyong tasa. “Tama na. Tama na. Tama na,” ang mantra mo sa bawat matunog na pagtapik ng iyong mga daliri.

7:38 ng gabi

Naisip ko, sa pagkakataong ito, na totoong lapitan ka. Hindi bungantulog. Hindi isasama sa listaha-ng-mga-dapat-na-magawa-bago-ako-mag-bente-singko na siguradong di ko naman maisakakatuparan. Yung totoo na.
Kaya isinuksok ko ang aking palad sa bulsa ng aking bag at kumapa ng tatlong piso. Pinakalansing ang mga ito. Kapag mas maraming ulo, pinagbabawalan ako ng kawalan na lapitan at kausapin ka ngayong gabi. Kapag naman mas maraming selyo ---  alam mo na. Syet.

7:39 ng gabi

Selyo. Tatlong selyo.



Syet.

7:43 ng gabi

Ayoko na. Tama na ‘to. Nakatitig ka sa telepono mo. Nakakunot ang iyong noo. Nanlilisik ang namumugtong mga mata. Kagat ang mga labi na di mo na ata pinakawalan simula nang umupo ka kanina.
Anong hinihintay mo? Mensahe mula sa kanya?
Tama na.
Tama na yung wala akong ginagawa.

7:48 ng gabi

Bago pa ako sakluban ng kaba, tumayo na ako at marahang naglakad patungo sa mesa mo. Mukhang inasahan mong gagawin ko nga ang paglapit sa’yo dahil mula nang itinulak ko ang aking sarili mula sa aking mesa’y nakatingin ka na sa akin na nakatingin na din sa iyo.
Tumayo ako sa labas ng silong ng iyong pan-lamesang payong. Di ko inalintana ang kaunting ambon dahil naiintindihan ko na sa panahong ito’y nais mong magkaroon ng sariling espasyo upang itayo ang mga pader sa paligid mo.
Inisip ko nang ang sasabihin ko sa’yo ay, “Maaayos din ang lahat”, pero sa pagkakataong iyong nakatingin ka sa akin, napagtanto kong sa malapita’y mukha kang isang taong nawalan ng laman. Lobong walang hangin. Araw na walang init. Kandilang walang sindi.
Kaya ang dumulas mula sa aking dila ay ang mga katagang,
“Makakahanap ka din ng pag-ibig na mas mahirap pa dyan --- mahirap iwasan, mahirap sukuan, mahirap hindian. Yung pag-ibig na mahirap takasan.”
Katahimikan ang isinagot mo sa akin. Titig at katahimikan.
Tumakbo sa isipan ko yung mga pagkakataong nakita kitang masaya. Kung paanong hindi karapat-dapat yung naging pakikitungo sa iyo at sa inyong relasyon ng iyong kasintahan. Kung paanong, mula sa mesang madalas kong tambayan, ay nasilip ko ng kaunti ang iyong puso’t isipan.
Dahan-dahang kumurba ang iyong mga labi sa isang malungkot na ngiti kasabay ang pagsisimula ng isang serye ng pagtapik ng iyong mga daliri sa mesa. Nanatiling nasa iyong gilid ang kabila mong braso.
Hanggang doon na lamang ang kaya kong sabihin. Hanggang doon na lamang ang masasabi ko. Kasabay ng isang kiming ngiti ay humakbang ako palayo sa iyo.
Kumatok ka ng tatlong beses sa iyong mesa. Malakas. Isang dipa mula sa hangganan ng personal na espasyo mo’y huminto ako at lumingon sa iyo.
Matiim kang nakatingin sa akin.
Nasa likuran ng hintutuna ko ang mangilan-ngilang pagbusina ng mga sasakyan sa kalye, ang pag-aayos ng serbidora sa iniwan kong mesa, ang pagkatuyo ng hangin pagkatapos ng ulan.
Lahat ng iyo’y hindi ko gaanong pinansin dahil lahat ng pandamdam ko ay nakasentro sa sandali kung kailan iniangat mo ang kabila mong braso at inilapag sa mesa ang mga baryang nasa iyong mga palad.
Katabi ng marahan na pagtapik ng iyong mga daliri ay tatlong mamiso


 

na puro selyo.





Dinala ng hangin ang iyong bulong.


“Selyo. Samahan mo daw muna ako.”

Isang nahihiyang ngiti mula sa iyo.

Hindi ako nakagalaw. Nanatili akong parang tangang nakatitig pa din sa’yo, nanonood pa din sa  mga emosyong naglalaro sa iyong mukha, sinisipat yung pakiramdam mo ayon sa tiyempo ng pagtapik ng iyong mga daliri sa kahoy na mesa.
Hinila mo yung upuang walang laman sa tabi mo at kumumpas na lumapit ako, kasabay ng isang nahihiyang ngiti at ng mga salitang, 

“Kahit sandali lang. Kahit sandali lang, iligtas mo ‘ko.”


Isang paanyaya papasok sa personal na espasyo mo. Isang paanyaya upang tumingin sa iyo mula sa loob, at hindi mula sa malayo.




Lumakad ako palapit at papasok sa iyo.